Umalis ako sa Pinas taong 2010. Ang dahilan ko parehas ng mga kababayan natin na nagsisipag-alisan. Alam niyo ang mga dahilang yon. Kaya hindi ko na iisa-isahin. Simple lang naman ang gusto ko pagdating ko sa Dubai. Gusto ko lang magkaroon ng trabaho na kayang tumustos sa aking mga pangangailangan at kayang makatulong sa pamilya. Yon bang puwede kong mabili ang mga bagay na gusto ko at para sa pamilya ko na walang alinlangang damputin at bayaran sa counter. Naalala ko kasi dati sa atin kapag may gusto akong gamit, unang-una kong tinitingnan ang presyo. Kakabadtrip kaya yon lalo na kung kulang ang dala mong arep.
Kaya nong nakarating ako sa Dubai, swerte namang na tiyempohan ko ang mga astig na trabaho. Sa ibang bansa kasi kasama mo din ang swerte aside sa katalasan ng isip. Kahit Summa Cum Laude ka pa sa atin kapag hindi talaga para sa iyo, hindi talaga. Kung ibinigay naman sa 'yo ng tadhana, magpasalamat ka at ituring mo itong isang bagay na sa malaon ay mawawala din. Kaya save more while it lasts ang motto dapat.
Ang trabaho kong nakuha ay Executive Secretary. Maganda ang compensation package. Libre ang accommodation. Nong ininterview ako ng HR na babaeng local, nagpa impress ako. Nagturo din kasi ako sa college sa atin, 4 years yon. Matagal din at ang last na posisyon kong nahawakan sa kolehiyo ay ang pagiging dean. Maganda ang trabaho pero hindi ganon kalaki ang sweldo. Nagsisipag alisan na ang lahat don kaya minabuti ko na din na suungin ang pagiging OFW. Sinabi ko sa HR officer na kaya ko ang pagiging Secretary.
Noong una nagtaka ako bakit lalaki ang hinahanap ng Operations Manager. Pero hindi ko na tinanong pa ang sarili ko kasi baka panlalaki din yong mga duties hindi kakayanin ng babae. Sa atin kasi pag secretary ay agad agad babae ang nasa isip – sexy, matalino, charismatic.
Noong tinawagan ako ng HR ng kompanya, ibang saya ang naramdaman ko kasi nagustuhan ko ang ambiance ng lugar at isa pa gusto ko ang environment ng News at Printing Company. Writer din kasi ako nong grade school hanggang mag college ako although yong natapos ko na kurso ay Business Administration. Kaya sa araw ng interview, nagpa pogi ako – bagong gupit, bagong damit, bagong perfume. In fairness, may pogi points din naman ako. 5'9", may dimple, tama lang ang kaputian, may postura. Hindi ako gym buff pero maganda ang built ng katawan ko kasi sa bahay ako ng eensayo. Simple lang na exercise routine, mano-mano.
Dumating ako sa reception ng umagang yon. Kinabahan ako ng sobra. Ewan ko ba. Nasa isipan ko ang isang Arabong manager na walang ginawa kundi ang mgtanong ng walang pagka kwenta kwenta. Na paranoid ako bigla. Lima kami doon. The final five ang laban. Huli na pala ako ng dumating. Mas may excited pa pala sa akin, ang apat na kabayan. Ayun dahil galing sa iisang bansa, nag usap-usap kami. May mga offers na din pala sila sa ibang kompanya, visit visa din ang mga loko. Kaya kahit sino makakuha ok lang kasi alam namin na may fallback pa din ang bawat isa sa amin.
Andun si Polo, Marco, Rick, Sid, at syempre ang iyong lingkod Drigo. Taga Maynila ang apat na mokong, mga magagandang lalaki din at syempre dahil ako ang pinakamatangkad ako dapat ang pinaka pogi. Haha.
Tinawag na si Polo. Nasa dulo ang office na patutunguhan. Nakaupo lang kami sa reception area. Parang mga batang walang nanay. Ang nasa reception ay isang Briton. Bata pa, maganda. Naaaliw kami pag ito'y nagsasalita. Ang dami palang tawag dito sa kompanyang to. Mangagarag ang bagong saltang receptionist kung saka-sakaling aalis si Briton Ganda. Bridgette name niya.
Pero matapos ang 15 minutes nagtaka kaming mga naiwan bakit hindi na dumaan si Polo sa reception area. Tinawag din agad si Marco ng HR Assistant. Ano kaya resulta ng interview? Kinabahan na naman ako bigla.
"Malamang nasungkit na ni Polo ang vacancy," sambit ni Rick.
Ngiti lang sagot namin ni Sid. Gusto ko sanang tawagan si Polo at tanungin kung ano nangyari sa interview total kahit sino sa amin ok lang naman ang estado, may mapupuntahan pag hindi sinuwerte dito.
YOU ARE READING
Ang Boss kong si Justino
RomanceLove is a force of nature. Love is something you don't plan for. Love is freedom. Love rejoices with truth. Love does not explain. Love is.
