MALING AKALA

15 3 0
                                    

PUSO:
May bukas bang nakalaan sa tulad kong naghihintay?
Pag-ibig ba'y susuklian at magtatagumpay?
Bakit nga ba pagkabigo'y tila walang humpay?
Kailan kaya matitikman, tamis sa aking buhay?

ISIP:
Walang ibang masisisi sa sinapit mong kapalaran
Kung hindi ka umaasa, hindi ka rin masasaktan
Puso na napakarupok, tanging alam ay magmahal
Kahit mali, sinusuong, makuha lang ang dinarasal

PUSO:
Ngiti niya'y bumubulag sa aking pagtingin
Ang buti niya'y gayumang sa aki'y umaangkin
Tila kandilang natutunaw sa kanyang paglalambing
Ako'y presong iginapos nitong aking damdamin

ISIP:
H'wag kang hangal kaibigan, huwag magpakatanga
Mayrong taong kabaita'y likas lang talaga
Huwag bigyan ng kahulugan, ngiting nakikita
Pagmasdan mo, ngiti sayo'y ngiti din sa iba

PUSO:
Ngunit di na mapigilan, kabog ko sa dibdib
Aliping di makatanggi, dahil sa pag-ibig
Hindi ako mapakali, pag ngalan nya'y naririnig
Inaakalang sa akin siya rin ay umiibig

ISIP:
Payo sayo'y huminahon, akala'y iwaglit
Kung ayaw mo na masakta't matikman ang pait
Ang labis na pagmamahal na di naibabalik
May katumbas na kalungkutang kakambal ay sakit

PUSO:
Salamat sa pag-aalala, ngunit ako'y puso
Nilikhang ang tungkulin ay padaluyin ang dugo
Nag-aalab na pag-ibig ang ibinubugso
Walang pag-aalinlangan kahit pa mabigo

ISIP:
Kung minsan nga'y mahiwaga itong ating buhay
Mga maling akala, ang dulot ay lumbay
Hindi mali ang magmahal, kung mayroong patnubay
Ang puso at ang isip ang magkaagapay.

PUSO:
Makakalimot ang isip ngunit ako'y hindi
Pagtibok ko'y kaulayaw ang ligaya't hapdi
Pagtanda ma'y nakaabang, ako'y mananatiling
Nagbibigay pag-asa, pag-ibig ang sanhi.

*Photo from Google*

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 06, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MALING AKALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon