[18] WHEN THINGS GO RIGHT AND WRONG

Start from the beginning
                                    

"Eto na ang pinakamagandang daan, traffic na sa iba."

Tumahimik siya at napasandal sa upuan. Napapakuyakoy siya habang maya't mayang napapahimas sa mga tuhod sa pagkainip at sa pag-aalalang baka hindi niya maabutan ang suspek. Ilang saglit pa ay muling tumunog ang kanyang telepono, tumatawag ulit si Balatbat.

"Anong nangyayari?" tanong niya.

"Kapitan nakapag-usap na sila... At naku mukhang aalis na ang suspect. Anong gagawin ko?"

"Sundan mo ang lalaking yan! Ako na ang bahala sa janitress!"

"Copy ho! Bye!"

Matapos magpaalam sa kausap, hindi na siya nakapagtimpi. "Manong sinabi nang bilisan niyo!" may kalakasang utos niya.

"Hindi nga pwede, miss."

Galit na inilabas niya ang tsapa. "Pulis ako at may hinahabol akong tao!"

Tiningnan ng drayber ang tsapa niya subalit ngumisi lamang. "Pulis pala kayo eh bakit nagtataxi kayo, dapat gumagamit ka ng patrol car kung may hinahabol ka."

Nag-init ang pisngi niya sa sagot ng kausap. Itinaas niya ang laylayan ng mini skirt at nangangalit ang pangang binunot ang nakasukbit na baril sa hita. Ikinasa saka pinandilatan ang taxi driver. "Tandaan mo, kapag nakatakas ang kriminal na yun, IKAW ANG IKUKULONG KO!"

Biglang namutla ang drayber pagkakita sa baril. "Bibilisan na po!"

"Kung kaya mong paliparin, gawin mo kung hindi aagawin ko ang manibela sayo!"

"Opo! Gagawin na po!"

Eksangtong pagdating ni Alex sa tapat ng condominium ay natanaw niya ang janitress sa sidewalk. Naglalakad itong mag-isa papunta sa sakayan pauwi. Mabilis niya itong hinabol. Nang maabutan ay tahimik at kalmadong inakbayan.

"Hi, Nay!" nakangiting bati niya.

"Ay susmaryosep kang bata ka!" napaiktad sa gulat na bulalas ng janitress.

"Pauwi na ba kayo? Tara mananghalian muna tayo Nay," masiglang yaya niya habang binibigyan ng makahulugang mga tingin ang matanda.

Dinala niya sa isang malapit na restaurant ang janitress at hindi pa man dumarating ang mga inorder niyang pagkain, nag-umpisa na silang mag-usap ng masinsinan.

"Totoo ngang may mga mata ka kahit saan. Akalain mong pagkatapos ng mahaba-habang panahong hindi pagpaparamdam sa akin ng lalaking iyon, natunugan mo na agad na pinuntahan niya ako," namamanghang wika ng janitress.

"Sinabi ko naman sa inyo na walang nakakalusot sa mga paningin at pandinig ko. Kaya wala hong pwedeng magsinungaling sa akin, lalo't lalo na yung mga nakapagbitiw ng pangako sa akin, " ngisi niya.

Ngumiti ang matanda. "Ah iniisip mo sigurong pinagtataguan kita. Huwag kang mag-alala ineng, wala akong balak sumira sa kasunduan natin. Tatawagan naman talaga kita nagkataon lang na naunahan mo ako. Masyadong malakas ang pang-amoy mo, minuto lamang ang pagitan mula nang makaalis yung lalaki eh akalain mong nasa tabi na pala kita,"tila pabiro pang sabi nito.

Unti-unting umamo ang nagtatapang-tapangang mukha ni Alex. Medyo nakonsensiya siya sa agad-agarang panggigiit sa matandang kaharap. "Pasensiya na kayo nay, trabaho lang ito. Pagdating ho sa pag-iimbestiga kahit maliliit na mga detalye ay sineseryoso namin at binibigyang importansya. Wala hong kasong nalulutas ng dahil lamang sa tiwala kaya kung mukha mang nagdududa ako sa inyo, dahil yun sa napakaimportante sa akin ng kasong ito."

"Alam ko na isa kang mabuting tao. At nakikita ko ring isa kang mapagkakatiwalaang pulis. Naiintindihan ko na ang katapangang ipinapakita mo sa akin ay dahil lamang sa dedikasyon mo sa iyong trabaho. Akala mo ba ay napipilitan lamang akong makipagtulungan sayo dahil takot akong makulong?" sabay iling ng janitress. "Pumayag ako dahil naniniwala akong kaya mong palutangin ang katotohan tungkol sa pagkamatay ng batang iyon. Bagama't hindi ako gaanong malapit sa kanya, pero isa siya sa mga mababait na residente ng condominium. Hindi man siya personal na nagpakilala sa akin pero sa tuwing nakikita niya akong pagod, madalas niya akong inaabutan ng maiinom at makakain. Mabait ang batang yun kaya kung sakali ngang hindi totoong nagpakamatay siya, sana mabigyan ng katarungan ang pagpanaw ng isang mabuting taong gaya niya."

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Where stories live. Discover now