Hindi ko alam kung anong nagpapagulo sayo
At hindi ko na rin alam kung ano pa ang pwedeng sabihin para bumalik ang "dating tayo"
Ang alam ko lang
Nilakaran ko ang ilan sa mga lugar na napuntahan natin
Binalikan ko ang lahat
Yung mga panahon na magkahawak kamay tayong naglalakad
Kasama ang mga panahong walang humpay tayong umiiyak
At bawat paglingon, nakikita kita
Nakakatawa dahil sa muling pag mulat ng mata, wala ka na
Imahinasyon ka lang ba?
Gusto na ulit kitang makita
Nangungulila ako sayo
Ang puso ko'y nagsusumamo
At kahit bigyan mo ako ng dahilan para sumuko, lalaban ako
Kahit walang kasiguraduhan kung may patutunguhuan, kung ngingiti ng tagumpay o uuwi muli ng luhaan
Ayokong ika'y bitawan
Hanggat alam ko, na mahal mo ako
Kahit sumuko ka na, hindi ako aayaw, hindi ako bibitaw
Ganyan kita kamahal
Naalala ko pa
Sabi mo, ako'y prinsesa
Pero di naglaon
Naging sundalo akong humamon,
Sa mundong ang ikot ay sumalungat sa ating panahon
Nagbago ka, ako, tayo
Naglaho na, ang masasayang pagsasama
Sa takot kong mawala ka
Sumugod ako ng walang bala
Sumugod ako gamit ang natitira kong pag-asa
Nakipaglaban hanggang sa ikaw na mismo ang nagsabing...
"Sumuko ka na"
Mahal pasensya ka na
Hindi pumapasok sa isip ko na wala na akong halaga
Na ang dating kayamanan mo'y barya na lang para sa'yo
Na ang salitang "mahal kita" ay naglaho na
Na kahit anong gawin kong pagmamakaawa
Ayaw mo na
Ayaw mo na dahil di ka na masaya
Di ka na na masaya, dahil ba nanawa ka?
Saan ba ako nagkulang?
Ibinigay ko naman sa'yo ang lahat, na nalimutan ko ng magtira para sa sarili ko
Kaya ngayon sa pag-alis mo, sinama mo ang puso ko
Pero tama ka, oo tama ka..
Na tama na
Tama na ang sakit, ang hinagpis at hagupit ng bawat pait
Tama na ang hampas ng alon ng kalungkutang sa puso ko ay gumuguhit
Tama na ang pagpupumilit
Ayaw ko nang ika'y maipit
Maglalaro na lang ako sa ulan
Isasabay ko ang pag-iyak ko rito
Para walang makapansing naghihingalo na ako
Dadamhin ko ang sakit
Hanggang sa wala na akong maramdaman
Iindahin ko ang mga sinabi mong nagpasugat sa mata ko para tuluyang ibigay ang huling patak nito
At sa huling patak, iiwan ko sa'yo ang paalalang ito
Sa pagtakbo mo, maka-ilang ulit akong nadapa
Pagod na ako, pero gusto ko pa
Nahahapo na ako, ngunit ayokong manawa
Ngayon..
Ako naman ang lalakad pasalungat sayo
Babagalan ko
Para mahabol mo 'ko
