Ganunpaman, mataas parin ang respito ko kay Tito Yohan. Tanggap ko siya kahit na ano pa ang kanyang pagkatao. Hindi rin naman matatawaran ang kabaitan at pagmamahal na ipinapadama niya sa akin. Mula noong dalawang taong gulang pa lamang ako, siya na ang nagsilbing mga magulang ko. Lahat ng mga kailangan ko ay pinagsusumikapan niyang ibigay sa akin. Minsan pa nga binibiro siya ni Ate Shawie, isang kaibigan niyang transgender at nagmamay-ari ng isa sa mga tanyag na flowershop sa Manila na baka hindi raw niya ako tunay na pamangkin kundi ay kanyang boyfriend na kanyang ginagastusan. Natawa na lang ako ng ikinwento iyon ni Tito sa akin.


Nang maging kasintahan ko si Cindy ay agad ko iyong sinabi sa kanya. At laking tuwa kong wala siyang tutol dito. At ang tanging habilin niya lang sa akin ay hinding-hindi ko pababayaan ang aking pag-aaral na tinupad ko naman. Naging masigasig ako sa pag-aaral. Siyempre inlove e, kaya inspired. Nakakasama mo ba naman palagi ang pinakamamahal mo sa araw-araw.


Sa loob ng isang taong mahigit naming relasyon ni Cindy ay wala naman kaming naging problema. Halos perpekto na ang lahat sa amin na inakala kong magtutuloy-tuloy na subalit sadyang kaakibat ng kasiyahan ang kalungkutan. Hindi sa lahat ng panahon ay nakatawa ka lang kundi may mga pagkakataon rin na tayo ay mapapaluha sa ayaw man natin o sa gusto. Bilog nga ang mundo. Ika nga, kung ika'y nasa ilalim ngayon, huwag mangamba darating din ang araw na ikaw ay nasa taas. At kung ikaw naman ay nasa taas, huwag masyadong maging kampante. Maging handa ka at bukas sa mga pagbabago dahil tiyak darating ang panahon na ikaw ay malagay sa ilalim. Yan ang tinatawag na gulong ng buhay. At sa relasyon namin ni Cindy, nauna ang matinding kasiyahan na para bang wala ng katapusan ang lahat. Hindi ko napaghandaan ang biglang pagbaliktad sa akin ng tadhana.


Kalagitnaan na noon ng huling taon ko sa hayskul nang mapansin ko ang biglaang panlalamig ng pakikitungo sa akin ni Cindy. Napapansin kong napakatahimik niya at laging nakatingin sa malayo kapag kami ay magkasama. Parang may malaking problemang bumabagabag sa kanya na hindi ko mawari kung ano sapagkat hindi rin naman siya nagsasabi sa akin kapag nagtatanong ako.


"Babe, may problema ba? May nagawa ba akong ikinasasama ng iyong loob?" Pangungulit ko na sa kanya. Desperado na kasi akong malaman ang kanyang iniisip. Para kung may mali man ako ay kaagad ko iyong maiwawasto kung talaga ngang isa iyong pagkakamali o kaya'y mabigyan ako ng pagkakataong magpaliwanag.


At gaya ng mga nauna, isang buntong hininga ang tugon niya sa akin. Nakaramdam na ako ng inis. Simpleng bagay lang naman kasi ang itinatanong ko ay kung bakit hindi pa niya ako masagot.


"May nagawa ba akong ikinagagalit mo Babe? Sabihin mo naman o dahil ako iyong mas nahihirapan sa sitwasyon natin!" Itinaas ko na ang timbre ng boses ko. Hindi naman iyong tipong galit. Iyong tipong nagmamakaawa.


"Wala ka namang kasalanan e at lalong wala namang problema sa'yo. Nasa akin ang problema Al!" Sa wakas nagsalita rin siya. Garalgal ang kanyang boses na parang iiyak na.


"May problema ka? Sabihin mo sa akin at magtutulungan tayong lutasin 'yan!"


"Maghiwalay na tayo?"


"A-ano" Mistula akong hinataw ng isang matigas na bagay sa aking batok ng marinig ko ang kanyang sinabi. Napapailing ako sabay sabing, "Huwag kang magbiro ng ganyan babe. Sabihin mong nagbibiro ka lang!"

Don't Cry LouieOù les histoires vivent. Découvrez maintenant