May mga tanong na mabuti pang hindi na sagutin,
may mga tanong na hindi na dapat isipin.
Hindi dahil sa mahirap, kundi dahil masakit ang mga kasagutan.
Hindi dahil wala silang katuturan, ngunit dahil ang mga sagot ay hindi natin magugustuhan.
May mga tanong na mabuting manatili na lamang sa isip natin, mabuting hindi natin isa-tinig. Hindi dahil sa wala tayong karapatang magtanong, ngunit sa kadahilanang karapatan nating magkaroon ng panandaliang kapayapaan kahit minsan lang.
"Iniisip mo ba sya?"
Oo, palagi.
"Iniisip ka ba nya?"
Ewan ko. Baka. Siguro. Sana. Hindi kahit minsan.
"Nalulungkot ka ba sa pagkakalayo nyo?"
Oo, sobra. Parang namatay ako.
"Sya kaya?"
Wala syang alam. Wala syang pakialam.
"Nasasaktan ka ba ngayon?"
Oo. Sobra-sobra.
"Sya pa rin ba kahit lumipas na yung limang taon?"
Oo. Sya pa rin. Sya lang. Sya na sana. Pero alam kong hindi na mangyayari iyon.
Pinagpasa-Diyos ko na lang sya. Ang mga bagay na hindi ko kayang ibigay, kayang-kaya sa kanyang ibigay ng Amang lumikha. Ipinagpasa-Diyos ko na sya pero nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan pa rin ako sa katotohanan na yung senyales na hinihingi ko ay ang senyales na magsa-sampal sa akin ng katotohanan.
Isinuko ko na sya pero sa puso ko, gusto ko pang lumaban. Gusto ko pang sumubok, gusto ko pang umasa. Kahit alam ko na nung umpisa pa lang, wala na talaga. Gusto kong ipagtulakan ang sarili ko kahit alam kong mali. Gusto kong tumakbo papunta sa mga bisig nyang alam kong kahit kailan hindi yayakap sa 'kin. Gusto kong hawakan ang kamay nya na alam kong balang araw hahawak sa kamay ng iba.
YOU ARE READING
Para Kay
PoetryInstead of staring at his or her profile, write poetry. Not because it helps, but you learn the truth about yourself.
