SAPIENTIAE

33 2 2
                                        


Nung nakita ko ulit siya nasabi ko sa sarili ko na hindi ko na siya mahal. Totoo yun. Oo. Dahil noong tinitigan ko siya alam ko na ibang tao na ang kaharap ko. Hindi na siya yung taong mahal na mahal ako. Hindi na siya yung tao na ayaw akong mawala. Hindi na siya yung tao na ipagdadamot ako. Hindi na siya yung tao na handang makinig sa lahat ng sasabihin ko. Hindi na siya yung taong pinapangarap ako. Hindi na siya yun. Hindi na.

Pero masakit pa rin. Oo. Ang sakit sakit pa rin. Masakit kasi alam ko na hindi na siya yung tao na gusto kong mahalin pero mas nasasaktan ako kasi alam ko na sa kaibuturan ng pares ng nanlalamig na mga matang tinititigan ko, ay humihimlay ang pares ng mga matang minsang tumingin sa akin na tila ba nangungusap at sinasabing ako ang pinakamagandang nangyari sa buhay ng taong nagmamayari sa kanya. Masakit kasi alam kong ang kaharap ko sa oras na iyon ay ang tao na nagkulong sa katangian ng taong higit na nagpahalaga at nagmahal sa akin. Masakit isipin na nakabilanggo sa loob ng estrangherong kaharap ko ang taong minsan nang nakita ang totoong ako, nagmahal sa kahinaan at kalakasan ko at nagpabatid ng kagandahan sa kabila ng mga kamalian ko. Kaharap ko ang isang nagpalit-anyong nilalang na minsang nagdala sa akin sa lugar na 'ni sa hinagap ay hindi ko akalaing mararating ko. Kaharap ko ang buhay na patunay na nagsasabing, minsan sa buhay ko ay nagkaroon ako ng "ikaw" at nagkaroon ka ng "ako"... Nagkaroon tayo ng "tayo".

Oo tama. "tayo". Tayo na minsang sumugal at sumumpa sa pangako ng pagiibigan pagkumpas ng kamay ng orasan sa bilang na labindalawa. Saksi ang lamig na dulot ng marahang pagpatak ng ulan sa hatinggabi sa malayang sandali na punung puno ng pagmamahalan na siyang nagbigay daan sa simula ng istorya ng "tayo". Tayo na minsan nang nakasanayan na takasan ang bagabag at ligalig na hatid ng magulong mundo na nagbabawal sa maraming mga bagay. Tayo na nagsilbing inspirasyon sa isa't isa upang mahubog ang pananaw na siyang magbibigay lakas sa ating dalawa oras na dumating ang araw ng paghusga. Tayo na nagbusog sa isa't isa ng mga pangako at sumpaan na kailanma'y walang bibitiw, walang mangiiwan at walang anoman o sinomang makapipigil sa ating pagmamahalan. Tayo na nagbukas sa nakapinid na mata ng isa't isa, upang higit na makita ang ganda ng buhay sa kabila ng nakapangsasakal na realidad. Tayo na sabay umasa sa pagdating ng minimithing "balangaraw" na makakamtan din ang kasarinlan. Tayo na bumuo ng mga alaala na sadyang mahirap kalimutan. Tayo na nagmahal sa isa't isa ng pagmamahal na mahirap unawain at 'di sapat ang basta bastang paglalarawan. Tayo yun. Oo... Tayo yun. Tayo na kailanma'y hindi ko magagawang ipagpalit sa kahit na anong "kami". Tayo na hindi ako magsasawang hilingin na sana'y ibalik muli.

Ibalik muli. Oo. Ibalik... Sana bumalik. Gusto kong bumalik. Gusto kong ibalik. Gusto kong bumalik ka. Gusto kong bumalik yung araw na masaya pa ako. Masaya pa ako kasi mayroong tayo. Gusto kong ibalik yung dating tayo. Yung tipong mahal na mahal kita tapos ikaw mas mahal mo ako. Gusto kong bumalik ka. Yung ikaw na hindi magsasawang sabihin kung gaano niya kamahal ako. Pero paano?

Paano nga ba? Paano pa kita ipaglalaban kung alam ko na ikaw na mismo ang sumuko? Tuluyan ka nang nagpalamon sa isang nilalang na mapagpanggap na sadyang kawangis na kawangis mo. Paano pa kita hahabulin kung hindi ko alam kung saang parte ka niya itinago? Pero saglit lang... May mas malaking problema pa pala ako! Paano nga naman kita hahanapin kung mismong sarili ko ay hindi ko na kilala pa? Makilala mo pa kaya ako oras na iluwal ka niya sa kinasasadlakan mo ngayon? Sasabihin ko sa'yo mula noong nawala ka, hindi na din ako yung taong huli mong nakita. Pero h'wag kang magabag sakaling sa pagbalik mo ay hindi mo mahagilap sa mata ko ang dating kislap, marahil ay napaltan na ito ng lumbay. H'wag kang mag-alala kung hindi mo agad kabakasan ng sigla ang mga labi ko, marahil nasanay na ito sa tahimik na pag-tikom dahil sa mga bagay na hindi ko kayang isalin sa salita. H'wag kang matakot sakaling hindi na maging ganun kaiinit ang isalubong kong yakap sa iyo, marahil ay nasanay na ako sa lamig ng mundong kinagisnan ko buhat nang mawala ka sa piling ko.

Siguro nga... ang sarili ko, ang lakas ko, ang kasiyahan ko, ang ngiti ko, ang masayang mundo ko, ang liwanag sa buhay ko, ang puso ko at ang lahat lahat ko ay sa iyo. Siguro nga kaya nawala na din ako sa pagiging "ako". Dahil ito ay nananatili pa ring "sa'yo". Hindi ko alam kung ito ba ay ninakaw mo o aksidente kong nailagay sa bagahe mo sa huling segundo ng pamamaalam mo. Ngunit gayunpaman, hindi ba't sinabi ko sa'yo na h'wag kang magalala patungkol dito? Dahil hawak ko pa rin ang pinakamalakas na alas ko, ang wagas at walang katapusang PAGMAMAHAL ko sa'yo. Kaya't oras na bumalik ka, hihilingin ko na sana'y huwag mo akong tingnan sa mata, hawakan sa kamay o 'di kaya ay yakapin... Sa halip ay marahan mong ilapat ang tainga mo sa dibdib ko at damhin mo ang lakas ng pagtibok ng puso ko na kahit namaos na kasisigaw sa pangalan mo ay hinding hindi napagod na gawin ito sa pag-asang darating ang araw na maririnig mo ang tawag nito at ako'y lilingunin mo.

Nung nakita ulit kita nasabi ko sa sarili ko na hindi na kita mahal. Totoo yun. Oo. Dahil nung tinitigan kita alam ko na ibang tao na ang kaharap ko.....
Pero saglit lang, hindi ba't ito ang simula ng mga sinabi ko? Pero bakit ganito? Bakit biglang nagbago yata ang tema ng kuwento? Bakit naghahangad na naman ako sa pagbabalik mo? Bakit ko sinasabi ang mga ito? Bakit minamaha----- Teka... Nahulog na yata ako! Haha. Hindi ko maaaring itanggi. Oo sige. Aaminin ko. Nahulog na nga ako sa iyo... sa estrangherong bersyon mo. Kaya siguro hindi ko magawang makaahon sa nakaraan, dahil ngayon mas malalim na pala ang aking kinasasadlakan. Hay nako, buhay nga naman.

Oo. Sa pangalawang pagkakataon minahal na naman kita. Ngunit sa puntong ito alam ko na mas mahal na kita. Dahil minamahal ko na din ang mga bagay na hindi ko akalaing magugustuhan ko. Minahal ko ang pagkalinga mo noon pero hindi ko akalain na mamahalin ko din pala ang kawalan mo ng pakialam sa akin ngayon. Minahal ko ang pagkakaroon mo ng malambot na puso noon ngunit hindi ko akalain na mamahalin din pala kita sa kabila ng pagiging matigas mo ngayon. Minahal ko ang mga matatamis mong salita noon ngunit hindi ko akalain na mamahalin ko din pala ang pait na idinudulot mo sa akin ngayon. Minahal na naman kita... sa pangalawang pagkakataon.

OO MAHAL KITA!

Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa ginhawang hatid ng mainit na kape sa malamig na umaga. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam ng muling paghagod ng malamig na tubig sa uhaw kong lalamunan matapos akong uhawin ng paglalakad sa gitna ng initan. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam ng muli kong paguwi at paghiga sa aking kama matapos ang mahabang trabaho na natapos ng gabi kahit nagsimula ako ng maagang maaga. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na natapos ko at naipasa ang isang mahirap na exam na kung tutuusin ay wala akong kaalam alam. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na makatanggap ng balitang ang pasok ay kansela sa tuwing tamad na tamad akong bumangon sa malamig at maulan na umaga. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na ang masasakyan ko pauwi ay dumating na matapos ang matagal kong paghihintay na may halong kaba dahil sa 'di mabilang na mensahe galing sa magulong ko na nagsasabing "Nasaan ka na?!" Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na magkaroon ng tulog na mahaba matapos ang mga araw na wala akong ibang inintindi kundi tapusin ang mga bagay na kailangang ipasa. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na magkaroon na muli ng kuryente matapos ang brownout na dahilan kung bakit kandila lamang ang may sindi at nagtiis sa kagat ng lamok sa loob ng ilang gabi. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam sa pagiyak sa ulanan upang walang makakita ng kahinaan ko na pilit kong tinatago sa kanila. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na makapulot ng barya sa kalsada sa oras na ang pamasahe ko pauwi ay kulang na. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdam na nagawa kong maligo sa kabila ng tila nagyeyelong tubig sa umaga. Mahal kita higit pa sa pagmamahal ko sa pakiramdaman na makaisip muli ng mga salita para dito sa binubuo kong tugma.

H'wag kang magtaka. Hindi ba ganoon naman talaga? Oras na magmahal ka, ang pangit ay gumaganda, ang masakit ay sumasaya. Ang dami pang palusot. Ang dami pang dada. Hay ewan basta kahit maging sino ka pa, ESTRANGHERONG MAPANAKIT.... IKAW PA DIN PALA! OO.... TOTOO.... MINAHAL NA NAMAN KITA. DAHIL ALAM KO NA ANG DATI KONG "SIYA" AY MANANATILING "IKAW". MAHAL KO SIYA, MAHAL KITA. BUTI NA LANG IKAW AY SIYA AT SIYA AY IKAW. ANG KAYO AY IISA.

KAYA SAKALING MAKITA MAN KITA AY MASAYA KO NANG MAIBUBULONG SA SARILI KO NA: ITO YUNG TAO NA MINAHAL KO, MAHAL KO AT PATULOY KONG MAMAHALIN KAHIT NA ALAM KONG NATAPOS NA ANG ISTORYA NG "TAYO" AT HINDI NA MAGIGING "KAMI". DAHIL WALA NANG "SIYA" AT TANGING "AKO" NA LAMANG ANG NATIRA.

-thejcray

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 09, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

.Where stories live. Discover now