Ang lamig ng gabi... Ang kapal ng mga taong bumabalot sa daan. Isa nanamang boring shift ang naganap sa office. Pagod na pagod ako at sawang-sawa na sa paulit-ulit na cycle ng buhay ko- gigising, liligo, magbibihis, kakain, magsisipilyo, gagayak, aalis.. Tapos babalik ulit sa bahay dahil nalimutan ko ang pinakaimportanteng bagay na dapat ay lagi kong dala- ang lighter ko.
Naglalakad ako pauwi nang may lumapit sa aking bata. Nanghihingi siya ng barya, di pa raw siya kumakain ng hapunan. Binigyan ko siya ng bente pesos at sinabi ko sa kanyang, "Wag na wag mo yang ipambibili ng sigarilyo, ha!" Sabay tango sa akin ng bata, nagpasalamat sa benteng nabigay ko at tumakbo palayo. Tinuloy ko ang aking paglalakad. Damang-dama ko ang hangin na dumadapo sa pisngi ko. "Grabe, ang lamig!", ani ko sa sarili ko. Hinipan ko ang dalawang kamay ko at idinikit sa mukha ko para makadama ako ng kaunting init sa pisngi kong namumula.
Tinignan ko ang aking relo na nakalagay sa aking kanang kamay. Oo, kaliwete kasi ako kaya nasa kanang kamay ko ang aking relo. Maaga pa pala, alas-nuebe pa lang ng gabi. Kaya napa-isip muna ako tumambay sa isang lugar kung saan mga poste ng ilaw at mga bangko ang aking makakasama habang naghihintay na matapos ang gabi.
Umupo ako sa bangko. Napatingin ako sa kadiliman ng langit na nagbibigay daan sa mga tala para makita ang kanilang taglay na ning-ning. Ang sarap nila tignan. Kumukuti-kutitap na para bang diyamanteng hikaw na naanigan ng araw. Gusto ko ng ganto- mag-isa lang ako. Ayoko sa matao na lugar. Araw-araw, naghahanap ako ng oras para sa sarili ko..na malayo sa mga tao at sa mga negativity na pumapaligid sa akin. Hay, napawi ang pagod ko habang nakatingin sa langit.
Mga tatlong minuto rin na nakatitig ako sa kalangitan, iniisip ang mga bagay na maaari pang mangyari sa buhay ko. Inabot ko ang bag ko sa tabi ko, nilabas ko ang isang pakete ng sigarilyo at siyempre, ang lighter ko. Kumuha ako ng isang stick at sinimulan ko na itong sindihan. Tumayo na ako at tinanaw ang mga kabataang naglalaro ng skateboard. Ang galing nila! Dati pinangarap ko rin matuto mag-skateboard, kaso takot ako masugatan kaya hanggang naging pangarap na lang ang pagnanais kong matuto nito.
Sa kalayuan, may babaeng papalapit sa gawing kaliwa ko. Di ko ito pinansin, akala ko kasi dadaan lang ito kung saan ako nakatayo. Nagulat na lang ako na biglang sabi niya, "Pasindi naman ako." Nang walang alinlangan ay inabot ko sa kanya ang lighter ko. Kinuha niya ito gamit ang kanyang kaliwang kamay. Ang ganda ng kamay niya. Ang puti. Kulay pula ang kanyang mga kuko. Ang payat ng hugis ng kanyang mga daliri. Sabay sindi sa yosi niya at ibinalik agad ang lighter ko. Nag-yosi siya sa tabi ko. Nagpanggap ako na hindi nakatingin sa kanya habang naninigarilyo siya. Katahimikan lang ang narinig ko habang nilalanghap niya ang usok ng sigarilyo niya. Nakaramdam ako ng pagkukusa para kausapin siya. Pero bago ko ito simulan, inayos ko muna sa isip ko ang unang salitang bibitawan ko para hindi siya ma-weirduhan sakin.
Kaka-isip ng kung ano ang dapat ko sabihin sa kanya, naubos na ang sindi ng yosi ko kaya tinapon ko na to. Nanlalamig ang dalawang kamay ko. Di ko maintindihan bakit ganito ang nararamdaman ko. Para bang kinakabahan ako. Umiikot ang sikmura ko na tila natatae ako. Pero kailangan ko na basagin ang katahimikang bumabalot nang gabing yun. Kaya sinimulan ko na. "Bakit ka nagyoyosi?". "Patay!", sabi ko sa sarili ko. Ano ba namang panimula yun? Ang pangit pakinggan! Nainis ako sa sarili ko at sinisi ang utak ko sa pagbibitaw ng panimulang bati sa kanya. Baka ma-offend siya sa tanong ko. Hinithit niya ang huling hits mula sa yosi niya at biglang idiniretso ang tingin sakin.
Nagkatitigan kami ng mga tatlong segundo. Di ko maipinta sa mukha niya kung galit ba siya sa nasabi ko. Nang biglang sumagot siya. "Nakakapagod ang araw na to! Ang daming reklamo ng boss ko. Ang daming dapat gawin. Ganto, ganyan, ganun.. Over time pa ako ngayon. Dapat walong oras lang ako pero dahil may lumiban na katrabaho ko, na-extend pa tuloy ako. Dapat uuwi ako ngayon sa amin kasi kaarawan ngayon ng bunso kong kapatid, pero wala, di ako naka-uwi dahil gabing-gabi na natapos ang shift ko." Napabuntong-hinga ako. Nagpasalamat ako dahil hindi siya nagalit sa tanong ko. Ang cute niya habang pinapaliwanag ang nangyari sa araw niya. Parehas lang kaming pagod sa trabaho. Halatang halata sa pagkakakwento niya na stressed na stressed siya. Kumuha nanaman siya ng stick ng yosi at humiram ulit ng lighter ko. "Ang lakas naman nito mag-yosi.", batid ko sa isip ko. Habang hinihithit niya ang ikalawang stick ng yosi niya, kumuha rin ako ng akin at sinabayan siya sa pagyoyosi. Sinagot ko ang sinabi niya. "Ah, kaya naman pala nagyoyosi ka. Parehas lang tayo. Pagod din ako. Buti at napalagi ka sa lugar na to. Madalas akong tambay dito." "Ganun ba? Ha ha ha! Sa totoo lang, pangalawang beses ko pa lang ulit makapunta dito.", sabi niya. Sa wakas, tumawa siya. Ang sarap pakinggan ng tawa niya. Tinanong ko siya, "Bakit ngayon na lang ulit?" "Basta. Di mo naman kailangang malaman.", imik niya. Grabe, ang sungit naman nito. Nakulitan na ata sakin, ang dami ko na atang tanong. Napasabi na lang ako ng, "Ay, sorry."
YOU ARE READING
Lighter
RomanceSi Hans Garcia ay pauwi galing trabaho at napatambay sa isang lugar para magyosi kung saan niya makikilala ang isang babaeng babago ng buhay niya.
