Halalan

3 0 0
                                        


Paulit-ulit.

Paulit-ulit sa mga gintong pangakong binibitiwan
Salitang matatamis sa tuwing nalalapit ang halalan.
Kung sa trono'y makaupo, bigla nang kinalimutan
Ng mga pobreng pulitikong niluklok ng taumbayan.

Paulit-ulit.

Paulit-ulit ang kaliwa't kanang pagkaway
Paulit-ulit sa walang sawang pakikipagkamay.
Ilang beses 'sinuot ang maskarang nakangiti
Sa muling pagtalikod, ang labi'y nakangisi.

Paulit-ulit.

Paulit-ulit sa araw-araw na pagkampanya
Nagmumukhang turista kalilibot sa bansa.
Hindi mapigilan sa bulaklaking salita
Kung sa kalaban, ibinabato ang mantsa.

Paulit-ulit.

Paulit-ulit na nagbabatuhan ng putik
Kanya-kanyang isyu, pilit na isinisiksik.
Kung 'di makailag, ang natamaa'y nagagalit
Kung 'di mag-ingat, ang matamaa'y maiipit.

Paulit-ulit.

Paulit-ulit ang nakikitang mga pangalan
Nakasabit sa poste, pare-parehong larawan.
Makailang ulit na upo pa ba ang kanilang kailangan
Upang ang ilang ulit na pangako ay maisakatuparan?

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 13, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Paulit-ulitStories to obsess over. Discover now