Apat na buwang gulang pa lang si Alexandra Jade Robles Kemble pero maganda at makulit na siyang baby. Makapal na ang buhok niya at kulay caramel brown ito, kumukulot ng konti at masisilip sa ilalim ng hood ng pink niyang fleece na onesie na may mga bunny ears.

Kahit sinong ina siguro ay katulad ko—magmamalaki na ang anak nila ang pinakamagandang baby sa buong mundo. Sasang-ayon si David nang walang pag-aalinlangan dahil nakabalot rin siya sa maliit na daliri ng anak niya.

Ngayong mga araw na to, palagi siyang umuuwi on-time, minsan nga mas maaga pa, at magkukuwentuhan at maglalaro sila ni Alexandra sa kusina habang nagluluto ako ng hapunan. Nakatuon ang buong mundo niya sa baby, at tatawa siya sa mga pinagagawa ni Alex bago niya ito puriin sa pagiging matalino na baby. May mga ilang gabi na uugain niya ang sanggol, at kakantahan ito sa malumanay pero malalim niyang boses hanggang sa makatulog ito sa balikat niya.

Bawat gabi, bago kami maidlip, yayakapin niya ko, hahalikan sa noo at sasabihan nang: "Thank you, love. For giving me our own wonderful family. For making me so happy."

Hindi lang siya ang masaya.

Sa tuwing inisip ko ang hinaharap—ang kaligayahan na umasa akong mahahanap ko dun—hindi ko na-imagine na ito ang kalalabasan. At kahit hindi naging diretso o madali ang landas na nagdala samin dito, wala akong ni isang bagay na babaguhin.

Sa huling linggo namin ni David nang sinundan niya ko sa Pilipinas, pumunta kami ng isang beach sa Palawan at pinalipas ang oras namin sa dalampasigan na puno ng puting buhangin, nilalanghap ang sariwang hangin, nilalasap ang init at sikat ng araw at nilalangoy ang berdeng-asul na dagat. Bumuo kami ng mga sandcastles, kumain nang sari-saring pagkaing Pinoy, naglakad sa tabing-dagat na magkahawak-kamay, at humalik sa isa't isa sa bawat paglubog ng araw. Mahiwaga ang panahong yun para sa aming dalawa. Alam na namin sa wakas ang talagang gusto namin—kung kailan ito lahat mapapasaamin ang tanging naiwang tanong.

Sabay kami ni David na bumalik ng Canada. Hinabaan ko ng isang taon ang kontrata ko sa Prestige Services. Hindi ako pinigilan ni David. Kahit na hindi ito ang pinaka-eleganteng trabaho, marangal ito at nirespeto niya yun lalo na't alam niya na nagpupursigi ako para sa sarili ko naman.

Hindi naging ordinaryong taon yun. Sinimulan ko ang mga papeles ko para mag-apply ng permanent residence. Sinuko ko ang assignment ko na maglinis sa bahay ni David at ibinigay yun kay Belinda, isa sa mga mga staff member namin na parang pangalawang ina na sa amin. Patuloy akong tumira kasama ng mga roommates ko. Magkikita kami ni David nang ilang beses sa isang linggo, usually pagkatapos naming magtrabaho, at madalas rin kaming magkasama kung weekends. Kahit papaano, halos naging normal ang relasyon namin sa maikling panahong yun—lalabas kami on dates, manonood ng pelikula, magpapakilala sa isa't isa sa mga kaibigan namin. Nang Paskong yun, sinamahan ko si David sa Ottawa kung saan nakatira ang mga magulang niya. Pareho silang human rights lawyers na naging aktibo sa United Nations bago sila rumetiro. Sabi sakin ni David minsan na palaging busy ang mga magulang niya nang lumalaki siya pero mabubuti silang tao at nakita ko kaagad kung gaano rin nila na-miss ang nag-iisang anak nila. Mainit ang pagtanggap sakin nina Lauren at Henry Kemble sa tahanan nila at pareho silang pumalakpak at nag-cheer nang lumuhod si David sa harap ng Christmas tree, hawak ang diamond ring sa kamay niya, at hiniling na pakasalan ko siya.

At sigurado akong alam niyo na kung ano ang isinagot ko—siyempre oo!

Apat na buwan pagkatapos nun, lumipad kami ni David pabalik ng Pilipinas kasama ang mga magulang niya para sa kasal namin. Sa tulong nina Abigail at Nanay, naplano namin ang lahat mula sa simbahan hanggang sa reception. Pinadalhan ko sila ng mga lista at pera at sila na ang bahalang umasikaso sa pag-order at pagbayad ng mga supplies namin para mahanda ang lahat sa kasal namin isang linggo pagkatapos naming dumating ng Pilipinas.

Kahit Nasaan Ka ManWhere stories live. Discover now