Author's Note:
Ang akdang ito ay tapos na at isinulat ko 7 years ago para sa isang publishing house na naglalathala ng mga romance novels sa bansa. Sa kasamaang-palad at bunga ng pagbabago ng prayoridad, hindi ko ito nai-submit at natural hindi rin nalathala. Kaya heto na siya ngayon, ibinabahagi ko rito. Sayang naman kung walang makababasa.
Ni-revise ko lang ng kaunti para hindi naman mahalata na matagal nang isinulat ito pero hindi ko na ginalaw ang kuwento. Balak ko pa ring i-submit ito sa mga publishing house pero habang hindi pa, hayaan niyo munang tumambay siya rito sa Wattpad.
Since tapos na ang kuwentong ito, expect to have regular updates. I plan to post twice or thrice a week.
Oo nga pala, ang kabuuan ng kuwento ay isinulat sa third person, so don't expect na may magaganap na pagpapalit ng POV, it's just not my style. Originally, this is only divided into 10 Chapters but I had to stretch it dahil mahahaba ang mga chapters. Ang problema, nasira yung suspense at cliffhanger sa mga bagong chapters. Anyway, tingin ko naman hindi ganun kalaki ang epekto.
Kung may mga comments at feedback kayo, welcome 'yan sa akin. Please vote na rin kung sa tingin niyo ay karapat-dapat na iboto.
Kung gusto niyong mabasa ang iba ko pang akda, please don't hesitate to follow me, I will follow back. :)
Thank you.
NASA simbahan si Alex. Sa isang simbahan na nakagayak sa isang mahalagang okasyon. Nang igala niya ang paningin, naroon ang mga taong mahahalaga sa kanya, ang kanyang ina at mga kapatid ay nakaupo malapit sa altar. Pati ang ate Grace niya na nagtatrabaho sa America ay naroon din. Maging ang mga kaklase niya noong hayskul, at mga kamag-anak na bihira na niyang makadaupang-palad ay nakapagtatakang naroon din. Maraming bumabati sa kanya. Ang kanyang ina ay tila maluluha sa tuwing titingin sa kanya.
Saka lamang niya napansin na nasa altar siya, at katabi niya ang isang lalaki.
"Napakaganda mo ngayon, Alex," sabi ng lalaki.
At ngayon niya lamang napuna na naka-gown siya, at hindi lamang basta gown kundi isang bridal gown! Siya ba ang ikakasal? naitanong niya sa sarili. Baka naman kasi bridesmaid lang siya sa isa sa mga kasal ng kanyang mga kaibigan.
Ngunit sang-ayon siya sa lalaki na tumingkad ang kanyang ganda sa kanyang kasuotan, noon lamang siya nakapagsuot ng ganoon kagandang gown. At talaga namang lumutang ang kanyang kaseksihan.
"Salamat," nagawa niyang sabihin.
"Alam mo bang ako na ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo ngayon? Sa wakas kasi ay natupad na ang matagal ko ng pangarap; ang maihatid sa dambana ang babaeng pinakamamahal ko," maramdaming sabi ng lalaking pilit man niyang kilalanin ay hindi niya pa rin mamukhaan. Nakasisilaw kasi sa tama ng liwanag ang mukha nito na para bang isa itong karakter sa isang fantaserye sa telebisyon.
At siya nga talaga ang ikakasal! Ngunit sino nga ang lalaking ito? Ano ba ang nangyayari sa kanya? Nagka-amnesia ba siya?
"Sa wakas ay natapos na rin ang paghihintay ko. Noon pa man ay mahal na kita, pilit ko lang na sinikil ang damdamin ko hanggang sa pakiramdam ko ay sasabog na ako. Ayokong mawala ka pa sa buhay ko, Alex. Mahal na mahal kita," pagpapatuloy ng lalaki. At bakit pati ang tinig nito ay may hatid na kiliti sa kanyang buong katawan?
Walang makuhang sabihin si Alex. Naiinis siya sa sarili, para kasi siyang teenager na kinikilig sa mga sinasabi ng lalaki. Kahit na hindi niya nga makilala kung sino ito, nag-uumapaw pa rin ang kanyang kaligayahan. Pakiramdam niya'y iyon na ang pinakamasayang araw sa buhay niya.
Maya-maya'y itinaas na ng lalaki ang kanyang belo. Alam niya kung ano ang susunod na gagawin ng lalaki, kaya naging eratiko ang pagtibok ng kanyang puso. Hindi pa rin niya mapaniwalaan na siya ang babaeng ikinakasal. Ang lalaki na bang ito ang matagal na niyang hinihintay?
Unti-unting lumapit ang mukha ng lalaki sa kanya. Nabibingi siya sa lakas ng pagtambol ng kanyang puso. Gaano kaya kasarap humalik ang lalaking ito?
Ngunit ang inaasam niyang halik ng lalaki ay hindi dumating. Isang malakas na tunog ang pumutol sa mahalagang sandaling iyon.
KKKRRRRIIIINGGG!
Maagap niyang dinampot ang alarm clock sa kanyang ulunan. Sinalubong siya ng nakasisilaw na liwanag mula sa bintana ng kanyang silid nang magmulat siya ng mata.
Napamura siya. Panaginip lang pala ang lahat. Gaya ng dati, panaginip lang ang lahat...
YOU ARE READING
My Bestfriend's Lady
RomanceSi Alex ay lumaki sa isang pamilya na ayon sa kanya'y "malas sa pag-ibig." Ang kanyang ina ay iniwan ng kanilang ama noong maliit pa siya upang sumama sa ibang babae. Ang kanyang mga nakatatandang kapatid ay pareho ring bigo sa pag-ibig. Kaya naman...
