ATSAY KILLER

82 2 0
                                        


PAGDATING KO SA bahay, naroon na siya, hawak ang walis-Baguio namin, nakatuwad at sinusundot ang mga dumi sa ilalim ng sala set. Sino ba 'tong huklubang ito? bulong ng isip ko.

Nakatakip sa mukha niya ang mahaba at makapal niyang buhok.

Ito ang kanyang non-verbal, hyperrealist simulation ng pagiging mahiyain.

Dumiretso ako sa kusina. Binuksan ko ang ref at inilabas ang isang malamig na bote ng tubig. Habang tinutungga ko ang tubig, biglang lumabas sa kanyang kuwarto ang lola ko.

Bagong katulong, sabi niya sabay turo sa dulce estranghera na naglilinis ng aming sala.

Oo nga pala. May nabanggit pala siya nung isang linggo tungkol sa inirekomendang katulong ng kumare ng kanyang kumare ng kanyang kumare.

Madel daw ang pangalan. Kaluluwas lang galing Zamboanga. Disisais lang. Mas matanda pa pala ako sa kanya ng dalawang taon.

Bakit kumuha sila ng menor de edad? Sinabi ko sa lola ko na idispatsa na si Madel.

Umakyat ako sa kuwarto ko para magbihis ng pambahay.

PAGBALIK KO, namamalantsa na si Madel ng mga isinilong na damit.

First day funk ng lola mo. Kailangan niyang magpabibo sa bahay na kanyang tinutuluyan kung gusto niyang makatagal ng kahit isang linggo.

Nakaharap ako sa makinilya at tinatapos ang manuskritong ipapasa ko sa magasin nang lumapit siya sa akin. Kuya, bulong niya, yung tipong magbabara ang lalamunan sa hiya. Nalusaw yata sa kanyang laway ang kanyang sasabihin.

O, bakit? sagot ko pero hindi ko siya nilingon. Ipinako ko sa pagkakakunot ang bagong tisa kong kilay.

Ipinatong niya sa mesa, sa tabi ng makinilya, ang nakatupi nang mga damit. Mga damit ko. Siguro tinuruan na siya ng lola ko kung alin ang mga akin.

WALANG ESPESYAL kay Madel. Hindi siya ang una naming katulong. Hindi pa niya narinig kahit minsan sa buhay niya ang specialty ng dati naming katulong na Ilocana: nilagang dahon ng saluyot na ipinangat sa kalamansi.

Minsan, habang nanunuod ako ng TV, umupo siya malapit sa tabi ko. Nakangiti siya sa akin. Maningning ang mga mata niya. Nakatulog siguro nang mabuti.

Tinanong niya kung ilang taon na ako. Kung saan ako nag-aaral. Kung anong kurso ang kinukuha ko.

Bawat sagot ko may nakahanda siyang kuwento. Tungkol sa anak ng huling amo niya. Na kasing-guwapo ko raw. Aba, marunong mambola ang babaitang ito.

Kinumusta ko sa kanya ang Zamboanga. Kung malapit ba sila doon sa binomba.

Sa bukid daw sila nakatira. Nagtatanim daw sila, of all crops, ng kamote.

Tinanong ko sa kanya kung nabalitaan ba nila na mga militar 'yung inutusang mambomba sa Mindanao.

Hindi, sabi niya. Pero ex-military ang tatay niya.

ISANG MADALING-ARAW, bigla akong naalimpungatan. Matang-manok, nasilip ko si Madel, nakaupo sa tapat ng higaan ko. Nakatitig siya sa akin. Parang kinakabisado niya ang mukha ko, kung paano ako matulog. Hindi ako bumangon. Kunwari hindi ako nagising.

Pero simula noon iba na ang tingin ko kay Madel. Kursunada kaya niya ako? Baka inaamoy niya muna ang mga maruruming brip ko bago niya labhan. Baka binubuksan niya ang short ko at kinakapa ang nasa loob kapag ako ay natutulog.

Hindi ko na iniiwan sa sala ang mga magasin ko lalo na iyong mga kopya ng mga sensitibong publikasyon na nakuha ko sa mga kakilalang nag-underground. Baka isang deep penetration agent si Madel. Hindi kaya? Nakita ko sa diyaryo yung panorama ng isang mansyon sa Zamboanga. Sabi sa caption, pinaghihinalaan iyong local headquarters ng US Central Intelligence Agency.

Sa Peru, may balita naman na yung mga miyembro ng Shining Path, isang grupo na desididong pabagsakin ang diktadurya ni Fujimori, ay pumapasok na mga katulong (mga yaya at boy) sa mga pamilyang nabibilang sa alta sosyedad. May ilang insidente nang naiulat na kinikidnap ng mga yaya ang mga alagang anak ng mga politiko at mayayamang Peruviano. Sa ganitong paraan, naihahayag nila sa rehimen ang kanilang kakayahan.

Hindi kaya 'yung mga panahong may kausap si Madel sa telepono ay nagsesentro na siya sa kanyang superior tungkol sa mga whereabouts ko? Hindi naman ako makaintindi ng Chavacano kaya kahit makinig ako sa usapan nila hindi ko malalaman na ibenebenta na pala niya ako sa militar.

ISANG ARAW na dumating ako sa bahay ay wala na si Madel. Wala na ang kanyang maleta. Walang mahalagang gamit sa bahay o perang nawala. Sabi niya sa lola ko, uuwi na raw siya sa Zamboanga dahil may sakit ang kanyang ina. Pero simula noon ay hindi na siya muling nagparamdam.

ATSAY KILLERWhere stories live. Discover now