CHAPTER ONE

2.2K 26 1
                                    


"HOW DO I look?"

Umikot sa harap ni Rafael ang kaibigan niyang si Mayie habang suot ang wedding dress. Nagpipiyesta man ang kanyang mga mata sa nakikita ay hindi niya magawang maging masaya. Pero sinagot pa rin niya ang tanong nito. "Wonderful." Hindi na nga nito kailangang itanong iyon. She would always look beautiful in his eyes.

Nakangiti itong umirap."Bolero." Humarap ito sa salamin at mayamaya ay lumingon sa kanya. "Bakit hindi mo pa suot ang coat mo?"

"Later, 'pag nasa simbahan na."

Mayie rolled her eyes. "Bakit nga ba nakalimutan ko na palagi ka na lang 'last minute' maghanda?" Nakangiting lumapit ito sa kanya at kinuha ang hawak niyang coat. "Dapat, maaga pa lang, ginagawa mo na ang mga bagay-bagay para hindi ka nahuhuli," anito habang tinutulungan siyang isuot ang kanyang coat.

Natahimik si Rafael. She unconsciously hit a nerve there. May tila sumirit na sakit sa kanyang puso. Pinilit niyang ngumiti. "Hindi ba, it's better to be late than never?"

Nangingiting umiling ang kaibigan."Iyang mga kasabihan mo talaga, walang puknat."

"Ikaw, poknat," panunukso niya. He gently touched her cheek, as if it would be the last time he would see her again. "Speaking of late, you have to go now. Baka ma-late ka pa sa kasal mo."

Ngumiti si Mayie."Mauuna na ako. Pero pakiusap 'wag kang mahuhuli. Ikaw ang best man. Baka mag-panic si Miguel," anito na ang tinutukoy ay ang mapapangasawa ng kaibigan.

Isang pilit na ngiti ang kanyang isinukli. "I won't. Have you forgotten I will play the piano while you're walking down the aisle?"

"Yes, and I'm expecting everything to be perfect." Niyakap siya nito. "Thank you, best friend."

Gumanti si Rafael ng yakap. "Congratulations on your wedding, best friend."

Isang malaking himala na nagawa niyang bigkasin iyon nang maayos. Naalala ni Rafael ang isang bagay na ibibigay sana niya kung nagkaroon lang siya ng lakas ng loob. Kung hindi lang niya nalaman na huli na pala siya. Itinago niya iyon dahil kahit sa huling sandali, umasa siya na puwede pang mabago ang lahat. Pero nagkamali siya.

I'M HOME!masayang sigaw ni Raie sa isip pagkababang-pagkababa niya ng sinakyang bus. Ang araw na iyon ang simula ng isang buwang bakasyon niya sa kinalakhang bayan.

Isa siyang photojournalist ng isang international travel magazine. Pinayagan siya ng kanilang editor in chief na mag-file ng one month leave nang mai-submit na niya ang kanyang latest assignment.

Nakangiting pumikit siya at nilanghap ang mabining simoy ng hangin. Ilang taon din siyang hindi nakauwi sa bayan nila sa Davao dahil masyado siyang abala sa trabaho sa Manila. Dumilat siya at natutuwang iginala ang paningin sa paligid. She had been in different places, had seen amazing places, still, there was no place like home. Walang tatalo sa kapayapaang hatid sa kanya ng bayang sinilangan.

Pumara si Raie ng tricycle. Excited na siyang makarating sa kanilang bahay. Kasama niya sa bahay ang kanyang Tita Celyn at ang dalawang pinsan niya na mga anak nito. Ang tiyahin ang nagsilbing nanay at tatay niya at ang mga pinsan naman ang naging kanyang mga kapatid mula nang maulila siya sa mga magulang. Namatay sa isang car accident ang kanyang mga magulang noong sampung taong gulang pa lang siya. Now she was twenty-four, successful in her chosen career. Alam niyang kung nabubuhay lang ang kanyang mga magulang, proud na proud ang mga ito sa kanya.

Pagbaba ng tricycle ay kumunot ang kanyang noo nang makitang saradong-sarado ang bahay. Napakamot siya sa ulo. Saan kaya nagpunta si Tita Celyn at ang mga pinsan niya? "Hindi naman ito surprised visit, ah!" Naglakad si Raie patungo sa kapitbahay nila para magtanong pero lalong kumunot ang noo niya nang makitang sarado rin ang bahay ng mga ito. Gayundin ang bahay ng isa pa nilang kapitbahay."Ano'ng mayroon ngayon at parang lahat ng tao ay wala?"

Superman's Trespasser (soon to be published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon