Ang Gasolinahan

141 12 0
                                        

Napangiti si Paul pagbaba ng bus. Ngayon ang umpisa niya bilang manager ng gasolinahang in applyan niya. Kahit malayo ay hindi na niya ito inalintana dahil malaki ang ini offer sa kanya. Maliban iyon ay may libre pa siyang tirahan sa pangalawang palapag ng estasyon.

Agad siyang dumiretso sa maliit na opisina sa dulo ng estasyon kung saan sinalubong siya ng sampu niyang magiging tauhan. Dahil sa pagod ay hindi na niya tinanggihan ang alok ng supervisor niya na dumiretso muna sa kanyang silid upang magpahinga kahit saglit lang. Dahan dahan niyang inakyat ang bakal na hagdan patungo sa kanyang kwarto. Maliit lang ito. May kama at tokador. Mayroon ding maliit na banyo.

Plano lang niyang humiga saglit. Hindi niya inaasahang pagpikit ng kanyang mga mata ay makatulog siya. Paggising niya ay alas otcho na ng gabi.

Mabilis siyang tumayo at bumaba. Dahil bukas sila bente kuwatro oras ay may tatlong gasoline boys pa siyang nadatnan na nakaduty. Mga graveyard shift. Nakaupo sila sa gitna ng estasyon katabi ng maliit na stall ng cashier na ngayon ay bakante na. Kakausapin na lang niya mamya ang mga ito at dumiretso sa kusina na katabi ng kanyang opisina. Napag alaman niya na tig tatlo lang daw ang nakaduty hanggang alas diyes at dalawa na lang hanggang alas sais ng umaga.

Matapos mag hapunan ay muli niyang binalikan ang tatlong batang gasoline boys. Napatayo ang mga ito nang makita siya. Matapos batiin ng magandang gabi ay kinumusta niya ang mga ito.

Mabuti naman po. Nahihiyang sagot nila. Magtatanong pa sana siya ng biglang tumunog ang radio na nasa loob ng cashiers stall. Tahimik na nagtinginan ang mga tauhan ni Paul. Nagulat siya ng malamang wala namang tao sa loob na magbubukas ng radio. Baka naka timer ang pagbukas, aniya na lang sa sarili.

Ipapatay na sana niya iyon ng bigla itong huminto. Dahil sa pagtaka ay pinasok niya ang stall para tignan ang radio at laking gulat niya ng makitang hindi ito nakasaksak. Biglang nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok. Mabilis siyang lumabas at tinanong ang mga tauhan kung nangyayari talaga iyon.

Paminsan minsan lang daw sagot nila. Kahit kinikilabutan ay bumalik na lang siya sa kanyang kwarto at ipagpatuloy ang pagpapahinga.

Kinabukasan ay inabala na lang niya ang sarili sa trabaho. Pilit niyang kinakalimutan ang naganap ng nakaraang gabi. Hindi na niya namalayan ang oras, lagpas alas singko na pala. Paglabas niya ng kanyang opisina ay muli niyang tinapunan ng tingin ang maliit na salaming silid kung saan nandoon ngayon ang kanyang cashier. Aakyat na sana siya sa kanyang silid ng mapansin ang isang sasakyan na nagpapagasolina. Pick up ito na may malalaking gulong, yung tipong pang 4 x 4 na pangkarera. Ang pumukaw sa kanyang pansin ay yung batang lalaki na sakay nito. Nakatingin ito sa kanya na parang may binabasa sa kanyang mukha. Saglit nitong binawi ang pagkakatitig sa kanya at may binulong sa kanyang kasama na nagmamaneho. Nagulat siya ng bumaba ang binata at dali daling lumapit sa kanya.

"Magandang hapon po", nakangiting bungad ng binata sa kanya. "Ako pala si Ethan, at yung kasama ko pong bata ay si Marco kapatid ko po."

"Anong maipaglilingkod ko?" sagot ni Paul.

Hindi agad nagsalita ang binatang nagngagalang Ethan. Para nagdadalawang isip ito sa gusto niyang sabihin.

"Huwag po sana kayong mabibigla," anito. "Pero may kakaibang kakayahan ang kapatid ko..."

Agad bumalik ang kaba sa dibdib ni Paul. Parang hindi siya makahinga sa susunod niyang maririnig.

"May napansin kasi siya tungkol sa lugar na ito," tuloy ng binata. "At sabi niya mapanganib po dito..."

"Pasensiya na," may nginig ang boses ni Paul na pinutol ang binata. "Pero hindi kasi ako naniniwala sa mga ganyan," aniya sabay talikod at bumalik sa kanyang opisina. Pagpasok ay agad siyang naupo, pakiramdam niya ay nanghihina ang kanyang mga tuhod. Anong ibig kayang sabihin ng binatang iyon. Matagal pa siyang nanatili sa kanyang kinauupuan kahit nakaalis na ang pick up ng nakausap niyang binata kanina pa. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga narinig.

Alas sais na ng gabi ng umakyat siya sa kanyang silid at dahil pagod pa ay mabilis na nakatulog. HIndi niya alam kung bakit bigla siyang nagising. Pagtingin sa relo ay nakita niyang alas dose na pala ng gabi. Dahil nakalimutan niyang buksan ang electric fan ay napagpasyahan na lang niyang buksan ang bintana para lumamig konti sa loob.

Pagbukas niya ng bintana ay nagulat siya ng biglang marinig ang kanyang pinto na dahan dahang bumukas. HIndi siya makagalaw sa kinatatayuan ng tuluyan na itong bumukas. May ilang saglit din bago siya nakagalaw at lapitan ang pinto. Ang alam niya ay ini lock niya ito pagpasok niya.

Baka hangin lang. Aniya sa sarili. Pagkasara sa pinto ay tinungo nya ang aparador upang magpalit. Hindi nya namalayang naliligo na pala siya sa pawis.  Pagkatapat nya sa salamin ay bigla siyang natigilan. Kahit nakapatay ang ilaw ay mula sa kanyang kinatatayuan ay kita nya ang repleksyon ng kanyang silid. Nanlaki ang kanyang mga mata ng may maaninag siyang bagay na tila nakaputi na nakatayo sa pader sa tabi ng kama. Kahit takot ay pilit niyang inaninag kung ano iyon. Habang matagal nya itong pinagmamasdan ay tila naghuhugis tao ito na nakayuko.

Isang babae? Saan siya nanggaling?

Parang naparalisa siya ng unti unting umangat ang ulo nito. Kahit natatakpan ng mahabang buhok ang mukha nito ay alam nya na sa kanya ito nakatingin.

Pinilit nyang sumigaw ngunit pakiramdaman nya ay nawala ang kanyang boses. Sunod sunod na pumatak ang kanyang mga luha ng makita ang babae na dahan dahang lumulutang palapit sa kanya. Pati ang kanyang mga binti ay tila nawalan ng lakas habang bawat segundo ay palapit ito ng palapit. Napapikit na lang siya ng ilapit nito ang ulo sa kanyang kanang pisngi na wari ay may ibubulong.

Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nasa ganoong posisyon ngunit pagmulat niya sa kanyang mga mata ay mag isa na lang siya. Bigla na lang siya napaupo sa sahig habang hinahabol niya ang paghinga.

Matapos ng hindi mabilang na sandali ay tumayo na siya at bumalik sa bintana, bilog noon ang buwan at maliwanag. Pagtingin niya sa labas ay lalo siyang kinilabutan dahil sa abot ng kanyang paningin lagpas sa mataas na pader kanilang gusali ay nakita niya ang mga nagpuputiang mga puntod. Ang estasyon pala nila ay bahagi ng isang lumang sementeryo.

Ngayon niya naintindihan kung bakit walang nagtatagal na manager doon at kung anong ibig sabihin ng binatang nakausap niya kaninang hapon. Dalawang gabi pa lang niya ay kung ano ano na ang nararanasan niya.

Hindi na siya nakatulog, at pagbukang liwayway ay niligpit na niya ang kanyang mga gamit. Matapos iwan ang kanyang resignation letter ay agad na siyang umalis. May ibang trabaho pa namang naghihintay para sa kanya.

SA TUWING BILOG ANG BUWANWhere stories live. Discover now