Hindi ko alam pero wala na nga yatang tatalo sa ganda ng Baguio. Kahit isang linggo na akong nandito ay hindi pa rin ako nagsasawa, binabalik-balikan ko pa rin. Kumikislap pa rin ang mga mata ko sa tuwing masisilayan ko ang iba't-ibang tanawin na nilikha ng Diyos, tunay nga na napakagaling Niya dahil mayroong tulad ng mga ito ngayon.
Sa paglalakad ko ay hindi ko magawang alisin ang aking mga mata sa mga berdeng puno. Grabe, ang ganda talaga! Kahit saan nga ako tumingin ay namamangha ako, paano ba naman ay napalilibutan yata ang lugar na ito ng mga naggagandahang mga pasyalan.
Kahapon ay nagpunta ako sa Burnham Park. Nako! Hindi ko yata magagawang makalimutan ang kahit isang detalye man lamang ng lugar na iyon dahil sa sobrang ganda. Sumakay pa ako sa mga bangka na may itsurang bibe saka nilibot ang lugar. Totoo, hindi ako nagsisisi kung bakit dito ko napagdesisyunang magpunta upang.. Hm, makapag-isip?
Ay, isa pa pala! Walang tatalo sa sarap ng mga strawberry dito, hinding-hindi ko kalilimutang bumili niyon upang dalhin pauwi sa bahay. Hm, kahit kagabi ko pa kinain yon ay pamilyar na pamilyar pa rin ang lasa sa bibig ko. Makabili nga!
Kasalukuyan akong palakad-lakad sa ilalim ng mga pine tree nang biglang bumuga sakin ang halos lahat yata ng usok na galing sa isang dyip. Nako naman, ngayon pa talagang puti ang suot ko!
Dahil wala akong ibang magagawa kundi ang magpalit ng damit ay tinahak ko na lang ang daan pauwi sa tinutuluyan kong bahay. Maliit lamang iyon pero napakabait ng land lord, halatang Pilipino dahil sa init tumanggap ng mga bisita.
Pagdating ko roon ay agad akong nagpunta sa banyo at mabilis na naligo, amoy usok ako. Pagkatapos kong magbihis ay kinuha ko ang puti kong damit na nangingitim na, grabeng itim naman ng usok ng dyip na iyon.
Tulad ng sinabi ko kanina ay walang katulad ang ganda dito sa Baguio, ngunit nakalulungkot isipin na sa kabila ng mga nakamamanghang likha sa lugar na ito ay ubod din ng yaman ang polusyon dito. Nandiyan ang mabahong amoy ng hangin na dulot ng mga sasakyang sobrang itim ng ibinubugang usok. Nagkalat ang mga sasakyan na para bang sinasadya yata ang pagsira sa mataas na lugar na ito. Nasasayang ang ganda ng Baguio sa mga taong wala namang disiplina, mula sa isyung pang-transportasyon hanggang sa mga basurang makikita sa daan. Kung ang tao ay dapat respetuhin, ganoon din naman ang kalikasan. Ang dalangin ko ay huwag sanang tuluyang masira at lumubog ang pinagpalang pasyalan na tulad nito. Sayang, ang mga ganitong likha ay dapat na iniingitan.
Kinabukasan, maaga akong nagising dahil ngayon ang araw ng pag-uwi ko. Pagkatapos kong mag-almusal at mag-ayos ay pinuntahan ko na agad ang land lord saka nagpasalamat at nagpaaalam. Grabe, sisiguraduhin kong babalik ako rito. Kahit sobrang sakit ng katawan ko dahil sa walang sawang paglalakad ay sulit naman ang lahat sa ganda ng mga tanawin. Hm, isasama ko rito sina mama at papa sa susunod.
Sa pagsakay ko ng sasakyan pauwi ay unti-unting bumalik sa akin ang lahat ng iniwan ko sa amin. Ang problema namin sa pamilya at ang isip kong naguguluhan kung lilipat ba ako ng kurso, hindi kasi talaga ako masaya sa kinuha ko. Iyon ang gusto ni mama at papa pero hindi ko talaga magawang ilagay ang loob ko doon, maging isang guro ang pangarap ko at hindi maging isang accountant. At isa pang dahilan ng pagpunta ko rito.. Si Jeth. Nasaktan ako, oo. Pero sapat na bang dahilan iyon upang sumuko ako?
Sa isang linggo kong pananatili rito sa Baguio ay nakapag-isip na ako. Sulit namang ipag-laban ang mga bagay na makapagpapasaya sa iyo, hindi ba? Salamat sa magandang lugar ng Baguio at naalala kong sa buhay ng tao hindi masamang sumugal, siguraduhin lamang na manalo man o matalo, maganda man ang kalabasan o hindi, darating at darating pa rin ang araw na tulad ng paglubog ng araw dito; mapayapa at maganda, magiging sulit din ang lahat. Isa pa, ano man ang naging resulta, ang mahalaga naman ay sinubukan natin at hindi tayo basta na lamang sumuko.
Ang buhay ay parang biyahe lang, sa kalagitnaan ay hindi maiiwasang tahakin ang baku-bakung daan pero kalaunan ay sigurado rin namang makararating sa paroroonan.
