Galit at Hinagpis
Umiwas ako ng tingin at marahan kong ibinalik sa mangkok ang kutsara. Nanginginig ang aking mga kamay sa galit. Marahan kong ibinaon ang kanan kong kamay sa kutson, na tila ba itinatago ko roon ang galit na aking nararamdaman.
"Nanginginig ka," saad ni Bora at kinuha sa aking kamay ang mangkok. "Nais mo bang magtawag ako ng manggagamot upang ikaw ay tingnan?" Tumango na lamang ako sa sinabi niya. Inilapag niya ang mangkok sa mesa at umalis na ng silid.
Galit, galit ang namumuo sa aking puso, damdaming kaylan man ay hindi ko pinairal sa aking sarili. Ngunit ngayon ay nais nitong kumawala at kay hirap nitong pigilan. Sila ang pumatay sa aking ina, sila ang sumira sa mahal kong Norshia. Bigla akong natigilan nang maalala ko ang halimaw. Paanong buhay pa ako ngayon? Ang huli kong natatandaan ay papalapit ito sa akin nang mawalan ako ng malay. Napatingin ako sa paligid. Isa itong magandang silid, ano ang ginagawa ko rito? Bakit hindi ako nakapiit sa piitan? Isa ba itong bangungot?
Ilang minuto rin ang lumipas nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. Napaangat ako ng tingin. Mula sa pinto ay pumasok si Bora at ang babaing illarian. Hanggang baywang ang itim niyang buhok, itim rin ang kanyang kilay at kayumanggi ang balat, maging ang kulay ng kanyang mata. Nakasuot siya ng mahabang damit at kulay puti ito na may gintong linya sa laylayan. May suot rin siyang gintong sirkulo sa ulo at gintong pursiras sa magkabilang pulso ng kanyang mga kamay. Sa kanyang kasuotan ay tila isa siyang Val'thalora o babaylan na may kakayahang manggamot at makausap ang mga diyos at kaluluwa. Lumapit siya sa akin at mataman akong pinagmasdan
"Ilahad mo ang iyong pulso," saad niya sa mapang-utos na boses. Pagkatapos kong ipakita ang aking pulso'y dinama niya ito gamit ang kanyang dalawang daliri na saglit na nag-ilaw.
"Ang dahilan lamang ng iyong panginginig ay sapagkat nanghihina ang iyong katawan sa pagod at gutom, Bora!" Binanggit niya ang pangalan ni Bora sa mataas na tinig at bahagya niya itong nilingon.
"P-punong babaylan?" Sagot ni Bora habang nakayuko ang ulo at tuloyan naman siyang nilingon ng babaylan.
"Diba't ang pangyayaring ito ay pangkaraniwang lamang? Ano't kailangan mo pa akong gambalahin sa aking panalangin."
"P-paumanhin p-punong babaylan nag-alala lamang ako s-sapagkat ipinag bilin siya sa akin ng mahal na hari." Napatingin ako kay Bora nang banggitin niya ang huli niyang kataga.
"Sa susunod ay mag-isip ka muna bago ako tawagin!" Pagkasabi nito'y tinalikoran na niya kami't naglakad siya patungo sa pinto.
"Sandali lamang." Napahinto siya sa paglalakad. "Paumanhin, batid kong hindi mo ako nais pagsilbihan at hindi ko rin naman iyon hinihiling. Ngunit ano ang ginagawa nang tulad kong bihag sa ganito kagandang silid? "
Humarap sa akin ang babaylan at ngumisi. " Lapastangan! sinong nagsabing ikaw ay aking pinagsisilbihan? Ako ang punong babaylan, isang maharlikang manggagamot." Itinaas niya ang kanan niyang kamay at gamit ang kanyang kapangyarihan ay umangat ako mula sa higaan. Tila may kamay na humahawak sa aking leeg at ako'y sinasakal. Ibinuka ko ang aking bibig upang lumanghap ng hangin. "At ang tulad mong mababang uri ng nilalang ay nararapat na lumuhod at magpasalamat sa akin. Sapagkat isang karangalan ang magamot ng katulad kong babaylan." Nakaluhod niya akong ibinaba sa sahig habang mas lalong humihigpit ang pagkakasakal sa aking leeg. "Kay lakas rin ng iyong loob na ako'y suriin at pagmasdan!" Iniangat niya ang kanyang kaliwang kamay na tila ba dudukotin ang aking mga mata.
"P-punong babaylan patawarin n'yo ang kanyang kalapastanganan!" Saad ni Bora na agad na lumuhod sa kanyang harapan. Nalalagutan na ako ng hininga nang itigil ng babaylan ang kanyang kapangyarihan. Agad naman akong na paubo at napayuko nang kumalas ang kanyang kapangyarihan sa aking leeg.
VOCÊ ESTÁ LENDO
Moon Light
FantasiaSa ilog kaneria'y natagpuan ni Adah ang isang sanggol. Kinupkup niya ito't pinangalanang Nahiara. Lumaki siyang kuntinto sa payak niyang buhay. Ngunit sa kabila ng kanyang mga ngiti ay isang malaking puwang ang bumabalot sa kanyang puso. Hindi niya...
