"Bakit gulat na gulat ka?" Tanong niya ulit sa mababang boses.

"Uhm," napakurap ako. "N-Nabigla lang."

"Nakakabigla ba iyong mukha ko?"

"H-Hindi. Nagulat lang ako kasi... nakatingin ka."

Bakit ka pala nakatingin?

Gusto ko sanang idagdag pero hindi ko na tinuloy.

Hindi agad nakapagsalita si Kuya Nico. Nagkatinginan kami at nakita kong lumambot ang ekspresyon niya sa mukha. Wala na rin iyong kunot sa noo niya pero napansin ko ang unti-unting pagpula ng mga tenga niya.

"Hala, namumula iyong tenga mo..." iyon ang hindi ko na napigilang sabihin.

Siya naman ang napakurap. Napahawak siya sa tenga niya at nag-iwas ng tingin. Huminga siya nang malalim at tumikhim.

"Uh... naiinitan ka ba?" Tanong ko.

Nilingon niya ulit ako. "What?" Halos pabulong iyon.

"Gusto mo... itapat ko sa 'yo iyong aircon?"

Umawang ang labi niya at napansin kong mas lalong namula iyong mga tenga niya. Hindi ko na siya hinintay na magsalita at in-adjust ko na iyong aircon. Tinapat ko iyon sa kaniya kasi mukhang init na init iyong mga tenga niya.

Pero mukhang hindi yata iyon umepekto kasi iyong mga pisngi naman niya ang namumula ngayon.

"Namumula na rin iyong... pisngi mo," sabi ko.

Nakita kong nataranta si Kuya Nico. Umayos siya ng upo at nag-iwas ulit ng tingin. Umubo pa nga siya kahit hindi naman siya nasamid. Pagkatapos ay kinunot niya iyong noo niya at medyo nagulat ako kasi bigla na lang naging suplado iyong mukha niya.

Iyon iyong mukha niya na madalas kong makita lalo na kapag nasa training kami. Iyon din iyong mukha na dahilan kung bakit kinakabahan ako sa kaniya kapag nahuhuli ko siyang tumitingin sa 'kin.

Kung paano niya nagawang palitan iyong ekspresyon niya nang gano'n kabilis ay hindi ko alam.

Pero hindi ko magawang kabahan ngayon sa suplado face niya kasi namumula pa rin talaga siya.

Para siyang supladong kamatis.

"Uhm, mainit pa rin ba?" Tanong ko kahit parang nag-i-snow na rito sa loob ng bus namin. "Uh, meron ako ritong portable fan..."

Naramdaman kong nilingon niya ulit ako habang nilalabas ko sa duffel bag iyong mini fan ko. Buti na lang ay fully charge pa iyon. T-in-urn on ko saka tinapat kay Kuya Nico na kamatis pa rin.

Nagkatinginan kami. Maliit akong ngumiti sa kaniya. Iyon nga lang, mukhang hindi sapat iyong mini fan ko kasi mas lalo lang siyang namula.

Anong nangyayari sa 'yo, sir? Bakit namumula ka?

Pero hindi ko na tinanong. Baka kasi normal na iyon sa kaniya paminsan minsan lalo na't mestizo siya.

Halata naman sa kaniya, e. Sa apelyido pa lang niya na Almojer.

Para hindi siya ma-awkward na nakikita ko siyang kamatis ngayon ay lumingon na lang ako sa labas ng bintana at pinanood ang bumibigat na daloy ng traffic. Bumuntong hininga ako. Sana makabalik na kami agad sa dorm kasi may iilan pa akong activity na hindi pa nagagawa. Tapos may training pa kami ulit mamayang gabi. Gusto ko sanang makapagpahinga muna...

"Seb."

"Hm?"

Napalingon ulit ako kay Kuya Nico nang bigla niyang tawagin ang pangalan ko. Muntik ko pa ngang masabi iyong word na po pero buti ay napigilan ko.

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now