Kabanata 3: kweba ng Maestro

Depuis le début
                                    

"Kumapit kang mabuti sa akin. Baka ang akala mo ay patag ang tatapakan mo, yun pala ay hindi. Mahirap kung mapipilayan ka.", muling paalala ni Allen sa kabiyak.

"Huwag mo akong alalahanin. Dala mo na nga ang dalawang bag natin eh. Kaya ko ito. Magsasabi agad ako sa iyo kapag hindi na.", malambing at puno ng pasasalamat ang tinig na sabi ni Rebecca sa asawa.

Ngalay na ngalay na ang mga binti ni Allen sa layo ng nilalakaran nila. Naninigas na ang mga masel niya. Pakiramdam niya ilang sandali pa ay pupulikatin na siya. Maging ang liwanag ng flashlight niyang tangan ay aandap andap na rin. Nais na rin nitong sumuko sa pagbibigay tanglaw sa kanilang daraanan.

Magsasabi na sanang magpahinga na muna sila nang matanaw ng lalaki ang liwanag sa bandang unahan ng tinatahak nilang daan.

"Narito na tayo.", sabi ng matanda.

"Allen.., nandito na tayo.", masayang pag uulit ni Rebecca sa sinabi ng matanda habang nakayap sa bewang ng asawa.

Gumuhit na rin ang ngiti sa labi ni Allen dahil sa pagluha ng asawang labis na natutuwa.

"Tayo na!", sabi uli ng matanda.

Narating nila ang tila isang pamayanan sa kaloob-loobang iyon ng gubat.

Napapalibutan ng mga sulo ang buong lugar. May ilang nagsisilip sa mga bintana, pintuan at ang ilan naman ay nagsilabas pa ng kani-kanilang kubo upang makita sila.

Magalang na binati ng mag asawa ang mga taong nadaanan.

"Sumunod kayo sa akin. Dadalhin ko kayo sa tutuluyan n'yong mag asawa.", utos ng matanda.

Nagtuloy sila sa isang kubo na tila sinadyang gayakan para sa panauhing tulad nila.

"Magpahinga na muna kayo. Bukas ay makakaharap na ninyo ang Maestro.", pagkasabi ay umumang na ito sa pintuan para umalis.

"Maraming salamat po, Aling Rosa.", sabi ni Rebecca. Si Allen naman ay bahagyang yumukod bilang pagpapasalamat.

Nang mapag isa ay agad na napasalampak nang upo si Allen sa lapag na nasasapnan ng makapal na alpombra.

Minasahe nito ang mga paa matapos hubarin ang suot na sapatos. Si Rebecca naman ay nakangiting inililinga ang paningin sa paligid.

"Hindi ka ba napapagod? Magtanggal ka na rin ng sapatos upang maginhawahan iyang mga paa mo.", sabi ni Allen na agad namang sinunod ng ginang.

Sumalampak na rin ito ng upo at inalis ang suot sa paa. Hindi nawawala ang pagkakangiti nito kahit pa agad na nakita ang mga natuyong dugo sa maliliit na mga sugat.

Kinuha naman ni Allen ang mga paa ng kabiyak at ipinatong sa kanyang hita nang makita ang mga sugat nito.

Nasa ganoon silang posisyon nang mapasukan ng isang dalagitang may dalang isang palangganang may lamang tubig. May nakalutang pang mga talulot ng bulaklak sa ibabaw na nagdadala ng napakabangong amoy sa hangin.

Kasunod ng dalagita ay pumasok naman ang isa pang babaeng may dala namang pagkain at pagkatapos ay isang batang lalakeng may dala namang sisidlan ng inumin.

Dalawa ang sisidlan kung kaya agad na nahulaan ni Allen na ang isa sa mga iyon ay alak ang laman.

Tahimik na ibinaba ng dalagita ang dala malapit sa mag asawa.

Ang batang lalake naman ay ibinaba ang hawak sa tabi ng mga pagkaing inayos ng kasama nilang babae sa ibabaw ng mesa.

Muling nagpasalamat ang mag asawa.

Pagkatapos ay nagsilabas na ang mga ito isa-isa.

Agad na ginamit ni Rebecca ang tubig upang malinis ang katawan. Ganun din naman ang ginawa ni Allen. Nahugasan nila ang kanilang mga paa at nagawang lagyan ng gamot ang mga sugat at paltos.

Nakaramdam sila ng ginhawa pagkatapos. Naramdaman na rin nila ang gutom dahil sa katakam-takam na pagkaing nakahain sa mesa. Magana nila iyong pinagsaluhan.

Ilang sandali pa at muling bumalik ang babae at niligpit ang pinagkainan nila.

"Magpahinga na kayo. Pagsapit ng bukang-liwayway ay dapat kayong maging handa sapagkat darating ang Maesto upang manggamot. Marami ang magsisidating upang humingi ng tulong sa kanya kaya kung hindi kayo magigising agad upang pumila ay baka hindi niya kayo magamot. Kapag nagkaganun ay maghihintay pa kayo ng ilang araw bago siya makaharap muli.", sabi ng babae.

Matapos mapasalamatan ng mag asawa ay tuluyan nang umalis ang babae pagkaraang isarado ang kurtinang siyang pinaka pintuan ng kinaroroonan nila.

Kahit pagod ay hindi pa rin makatulog si Allen. Hindi pa rin nawawala ang kabang nararamdaman niya.

Maganda at mainit ang ginawang pagtanggap sa kanila ng mga tagaroon.

Walang nangyari sa kanila at normal lang ang pakiramdam nila matapos kumain at uminom.

Ngunit hindi nawawala ang kilabot sa buo niyang katawan.

Hanggang sa mga oras na iyon ay nangangalisag pa rin ang mga balahibo niya sa t'wing iihip ang hangin. Nararamdaman niya ang pangangapal ng batok.

Pakiramdam niya ay may mukha sa likuran niya at humihinga sa tapat ng batok niya gayung siya lamang namang mag isa ang naroroon.

Pakiramdam din niya ay may mga matang nakamasid sa kanila. Pinanonood silang mag asawa at pinakikinggan.

Nang malingunan niya ng kabiyak sa higaan ay tulog na ito. Panatag ang mukha at bakas pa ang ngiti sa mga labi.

Nilapitan niya ito at inayos ang pagkakatakip ng kumot sa katawan.

"Mahal ko, wala akong ibang hangad kundi ang mapasaya ka. May pag aalinlangan man ako sa ginagawa nating ito ay magsasawalang kibo na lamang ako. Hindi ko alam kung ikatutuwa ko bang magdalantao ka sapagkat matutupad na ang matagal mong inaasam, ngunit ikatutuwa ko rin kung mabibigo kang muli dahil susuko ka na at mag aampon na lang. Pagud na pagod ka na sa kahihintay at pagud na pagod na rin ako sa pagpapaasa at pagkukunsinti sa iyo.'', pagkatapos kausapin ng isip ang kabiyak ay hinaplos niya ng buong pagmamahal ang pisngi nito at pagkatapos ay dinampian ng magaan na halik ang mga labi.

Nahiga na rin siya sa tabi nito hanggang sa makatulog.

Tiktilaok...! Tiktilaok....!

Nakahanda na si Rebecca at Allen.

Nang sunduin sila ng babaeng naghatid ng pagkain nang nagdaang gabi ay agad na silang sumunod sa paglalakad nito.

Nakarating sila sa bukana ng isang kweba.

Nilingon ng babaeng kasama ang mag asawa nang mapansing huminto ang mga ito sa pagsunod at lumilinga sa paligid.

"Tayo na!", maotoridad at seryoso nitong sabi.

Mahigpit na naghawak ng kamay si Allen at Rebecca at magkasabay na naglakad papasok sa madilim na kinaroroonan ng Maestrong manggagamot.


HHC featuring: LEILAH anak ng diabloOù les histoires vivent. Découvrez maintenant