Hindi nakapagsalitang muli si Lakan. Pamilyar ang poot na maaaninag sa mga mata ng dalaga. Pamilyar na pamilyar. Tila tuluyan na niyang nakikita ang pagkakahawig ng dalagang nasa kanyang harapan sa nilalang na nakita niya sa sinaunang tagna.

"Ililigtas ko si Papa." Mariing saad ni Malayah. "At wala akong pakialam kung ano ang maaaring maging dulot ng gagawin ko."

Kaagad na pinunasan ng dalaga ang dumausdos na luha sa kanyang pisngi. Tumalikod siya kay Lakan at tumungo sa kanyang kama. Humiga siya at nagtalukbong ng kumot.

"Umalis ka na rito. Nais ko nang magpahinga."

--

Kinabukasan ay tuluyan na nilang nilisan ang Albay.

Nagpaalam si Sagani na uuwi na muna sa Daluti at hindi na sumabay sa sasakyan ng dalawa.

Habang nasa byahe ay tahimik lamang sina Lakan at Malayah. Hindi pa rin humuhupa ang tensyong nabuo sa sagutan nila kagabi.

Napabuntong hininga si Lakan at pinagpatuloy na lamang ang pagmamaneho hanggang sa tuluyan nilang marating ang siyudad ng Maynila.

"Dito mo na lamang ihinto ang sasakyan," saad ni Malayah nang marating nila ang tapat ng tarangkahan ng kanilang bahay.

Lumabas si Lakan at binuksan ang pinto ng sasakyan para kay Malayah. Lumabas ang dalaga nang hindi sinasalubong ang tingin nito.

Napabuntong hiningang muli si Lakan. "Mauuna na ako, Malayah. Paalam." Turan niya at nang hindi kumibo ang dalaga ay bahagya lamang siyang ngumiti at tumango bago tuluyang tumalikod at umalis.

Sa pagtalikod nito'y tsaka lamang lumingon si Malayah at pinagmasdan ang paglisan ng binata.

Malinaw na sa kanya ang nais niyang gawin. Ililigtas niya ang kanyang ama kahit ano pa ang maging kapalit. Hindi niya kailangan ng pagsang-ayon at tulong ni Lakan o kung sino man. Kaya niya nang mag-isa. Noong una'y mag-isa rin naman siya sa paglalakbay, hindi ba?

Ngunit tila sa unang pagkakataon, ang pag-iisa niya'y may dulot na kakaibang kirot sa kanyang damdamin.

Huminga nang malalim si Malayah at pinagmasdan ang kanilang bahay. Gaano na ba katagal noong huli siyang makauwi?

Ngunit imbis na pumasok ay tumalikod ang dalaga at naglakad palayo. Ipinangako niya sa kanyang lola na hindi siya uuwi hangga't hindi niya kasama ang kanyang ama.

At iyon ang kanyang gagawin.

--

Sa pangalawang pagkakataon ay nagtungong muli si Malayah sa manghuhula sa likod ng simbahan.

Sa paghawi niya sa kurtina ng tolda ay sinalubong siya ng nanliit na mga mata nito. "Pamilyar ang mukha mo," saad ng manghuhula. "Ano nga ang pangalan mo, hija?"

Walang ekspresyong itong tinitigan ni Malayah, "Hulaan mo."

Napatawa ang manghuhula na tila ba isang biro ang binigkas ng dalaga. "O siya, ano ang iyong pakay? Magpapahula ka ba? Bibili ng gayuma?"

Umiling si Malayah at umupo sa isang silya. Napangisi siya, "Magpapakuwento."

Napakunot ang noo ng manghuhula. "Magpapakuwento? Aba'y kakaiba ang serbisyong hanap mo ha!" Inusog nito ang inuupuan upang makalapit sa dalaga. "O siya, ano bang nais mong marinig at malaman?"

"Tungkol sa araw, buwan, at bakunawa."

"Mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan ay biglaang nagsara ang portal sa pagitan ng dalawang mundo. Ito'y naging dahilan ng pagkakakulong ng ilang mga nilalang sa ating mundo. Sa mga panahong iyon ay kumalat ang impormasyon patungkol sa mga hiyas at kung paano ang isang walang pangalang diyos na nakasilip sa hinaharap ay nilikha ang mga ito ilang siglo na ang nakakaraan. Ngunit walang nakakaalam kung nasaan ang mga ito maliban sa isang mortal na pinagkatiwalaan ng diyos na iyon.

MalayahWhere stories live. Discover now