LESSON 01: First Day

Start from the beginning
                                    

Tumapat siya sa malaking salamin sa sala upang pasadahan ng tingin ang sarili. Matipid siyang napangiti nang makita ang school uniform na suot niya. Sa ilalim ng maroon na blazer ay isang white blouse. Ang palda niya na kakulay ng blazer ay hanggang taas ng tuhod ang haba. Sa tapat ng puso niya ay naroon ang merong brooch na ang design ay ang logo ng paaralan kung saan siya nag-aaral.

Pinuno niya ng hangin ang dibdib nang makalabas na siya ng bahay. Maliit lamang ang bahay nina Eliza pero dahil sa sila lang ng nanay niya ang nakatira roon ay parang malaki na rin iyon. Gawa iyon sa hollow blocks at yero ang bubong. Sa harapan nila ay merong maliit na garden na may mga patay na halaman. Dati ay naaalagaan pa ng nanay niya ang mga halaman ngunit simula nang iwanan sila ng tatay niya ay napabayaan na ng kaniyang ina ang mga halaman nito.

Nag-abang ng tricycle si Eliza sa tapat ng kanilang bahay at agad namang may dumaan kaya nakasakay siya agad. Sampung minuto ang naging biyahe niya para makarating sa Saint Therese High o mas kilala sa tawag na ST High. Nagbayad siya ng singkwenta pesos sa tricycle driver bago siya bumaba.

Bilang lamang ang mga estudyante na pumapasok ng umagang iyon. First day of school. Kung ang iba ay tinatamad na pumasok ng first day of school ay iba si Eliza. Gusto niya kasing ma-perfect ang attendance niya lalo na at nasa huling taon na siya sa pag-aaral ng high school. Nais niyang mapuno ng magaganda at masasayang memories ang parteng iyon ng kaniyang buhay.

Nagsimula nang maglakad si Eliza papasok ng ST High. Natatanaw na niya ang malaking gate ng paaralan na sa itaas ay may malaking arko kung saan nakalagay ang pangalan ng Saint Therese High.

Ang ST High ay isang private school. Kahit may kamahalan ang pag-aaral doon ay hindi niyon napigilan si Eliza na doon mag-aral. Ang totoo ay siya ang nagpapaaral sa sarili niya sapagkat walang trabaho si Lilith. Siya rin ang gumagastos sa lahat ng mga pangangailangan nilang mag-ina. Ang tatay naman niya na sumama sa ibang babae ay minsan lang magpadala ng pera sa kanila.

Noon pa man ay pangarap na niyang makapag-aral sa ST High. Grade 11 siya nang lumipat siya roon dahil nagkaroon siya ng pagkakakitaan na kahit paano ay kayang tustusan ang kaniyang pag-aaral sa mamahaling school. Isa pa ay nag-exam siya ng scholarship program sa ST High at naipasa niya iyon. Kaya meron siya 50% na discount sa lahat ng kailangan niyang bayaran upang makapag-aral siya sa ST High.

Bawat hakbang ni Eliza ay puno ng pag-asa na magtatapos siya sa paaralang iyon. Sa susunod na taon ay panibagong hamon naman ang haharapin niya dahil papasok na siya ng kolehiyo.

Pagpasok niya ng gate ay nakuha ng atensiyon niya ang security guard ng school na si Abel na tinatawag nilang "Kuya Abel". Maliit itong lalaki. Siguro ay nasa limang talampakan at dalawa ang taas nito. May tamang pangangatawan at morenong balat. Sa pagkakaalam niya ay nasa 40's na ang edad ni Abel. Malaki ang mata nito at makapal ang labi. Manipis na ang buhok nito.

Mabait si Abel. May kakulangan ito sa pag-iisip. Madali itong mataranta at magulat kaya maraming estudyante ang ginagawa itong katatawanan. Kung minsan ay nag-iisip-bata ito. Ang bagay na iyon ay hindi nagugustuhan ni Eliza. Hindi porket binabayaran ito ng school mula sa pera ng mga magulang ng estudyante ay may karapatan na ang mga ito na gawing laruan at source ng katatawanan ang kanilang security guard.

Bakas sa mukha ni Abel ang pagkabahala at may mantsa ng kape ang uniform nito.

"Good morning, Kuya Abel! Okay ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Eliza.

"G-good morning din, E-eliza. O-okay lang a-ako," tugon nito na sa nauutal na pagsasalita. Ganoon talaga ito magsalita.

"Anong nangyari sa uniform mo, kuya?"

May itinuro ito sa kaniya. Nang sundan niya ang itinuturo nito ay may nakita siyang apat na estudyanteng babae na nagtatawanan. Kilala niya ang apat na babae. Iyon ay sina Brittany, Lauren, Sasha at Erra. Kilala ang mga ito sa ST High dahil puro anak ng mayayaman na negosyante ang apat. Si Brittany ang nagsisilbing leader ng mga ito dahil sa malakas ang kapit ng mga magulang nito sa kanilang school. Sa pagkakaalam niya ay merong share ang mga iyon sa ST High.

School Trip: RebornWhere stories live. Discover now