Tinitigan ng matanda si Malayah. "Mali ang mga tao. Ang bulkan ay hindi simbolo ng pagmamahalan nina Magayon at Panganoron. Bagkus ay palatandaan ito ng walang-hanggan nilang galit sa akin."

Napatulala si Malayah at napaupo sa sahig dahil sa mga nalaman.

"Ito ang unang beses sa ilang mga siglo na nakakita ako ng bagong mga mukha sa dimensyong ito. Matagal ko na kayong pinagmamasdan mula sa malayo."

Napalingon ditong muli si Malayah. Tila isang ningning ng pag-asa ang sumilay sa kanyang mga mata. Kung ito ang unang beses, ibig sabihin ay sila pa lamang ang unang naghanap ng pulang hiyas. Napatango si Malayah sa sarili nang maalalang tanging ang mapa lamang ang may alam ng kinaroroonan nito at hawak nila ang mapa.

Nagliwanag ang mukha ni Malayah nang may mapagtanto. "Kung ito ang unang beses ay hindi mo sigurado ang sinabi mo sa amin noong gabing iyon. Na mamatay kami kasabay ng mga karakter na ginagampanan namin."

Napaiwas ng tingin ang matandang lalaki at bahagyang tumango. "Ngunit hindi rin ako tiyak na hindi nga iyon totoo."

Napatango si Malayah. Malaki ang posibilidad na ito nga ang mangyayari. Muli siyang lumingon dito. "Kung gayon ay kailangang mapigilan ang pagkamatay nina Magayon at Panganoron sa pagkakataong ito."

Napatitig sa kanya si Pagtuga.

"Ngunit sinubukan ko na iyon at hindi ko magawa dahil sa kakaibang pwersa na kumokontrol sa akin," saad ni Malayah sa sarili at muling tinitigan ang matanda. "Kung kaya't ikaw ang kailangang gumawa nito para sa amin."

Kumunot ang noo ng matanda at kaagad na tumayo. "At bakit ko naman iyon gagawin para sa inyo?"

Napapikit si Malayah upang pakalmahin ang sarili. Nawaglit sa kanyang isipan na ang kausap niya'y ang tuso at sakim pa ring Pagtuga.Matandang bersyon nga lamang.

Ngunit iminulat niyang muli ang mga mata at mariing tinitigan si Pagtuga. "Upang makabawi kay Magayon."

--

"Nagagalak akong sinunod mo ang aking hiling."

Binigyan ni Malayah ng ngiti ang matanda. Nagkakagulo ang buong tahanan ni Pagtuga at hinahanap sila ng mga tauhan nito. Naroon sila sa isang tagong silid sa loob ng bahay.

"Ngayo'y umalis ka na, Magayon. Gamitin mo ang hiyas upang makatakas dito."

Magayon. Natigilan si Malayah nang tawagin siya nito sa pangalan ni Magayon. Sa ilang sandali'y tinitigan niya lamang ang matanda. Tila ba sa pagligtas nito sa kanya'y pakiramdam nito'y naililigtas din ang daragang pinakamamahal. Na kahit sa katauhan man lamang ni Malayah ay magawa ni Pagtuga na iligtas ito.

"Maraming salamat sa pagtulong." Ngumiti si Malayah rito. "Ngunit kailangan ko munang puntahan sina Lakan upang ipaalam na nakuha ko na ang hiyas nang sa ganoon ay tuluyan na kaming makaalis."

Bahagyang kumunot ang noo ng matanda. "Si Panganoron?" Mahigpit nitong hinawakan ang mga braso ng dalaga. "Huwag kang pupunta sa kanya, Magayon1 Umalis kang mag-isa."

"Ano?" Kaagad na inalis ni Malayah ang mga kamay nito sa kanyang mga braso. "Hindi ako aalis nang mag-isa."

Ngunit muling hinawakan ng matanda ang kanyang braso. "Hindi ka muling sasama sa kanya, Magayon. Hindi ko hahayaang makuha ka niyang muli!"

Hindi nakagalaw si Malayah sa ikinilos nito. Mula sa matandang wangis ay naaninag niyang muli ang sakim at tusong si Pagtuga.

Muli ay mariin niyang inalis ang kamay nito sa kanyang braso. "Hindi ako si Magayon. At hindi mo pa rin ba naiintindihan ang lahat, Pagtuga? Hindi sa'yo si Magayon at kailanma'y hindi magiging sa'yo."

MalayahWhere stories live. Discover now