Kung hindi lang sa pagkamatay ng kanyang ama ay wala pa siyang balak na umuwi sa Pilipinas sa malapit na hinaharap. Idinadahilan lang niya ang kanyang trabaho, ngunit ang totoo, napakaraming masasakit na alaala ang ayaw na niyang balikan doon.

Nang mag-init ang sulok ng mga mata niya ay muling isinuot ni Angela ang shades. Kinontrol niya ang kanyang emosyon. Iwinaksi sa kanyang isip ang mga sentimyento. Ayaw na niyang umiyak. Sawang-sawa na siya sa pag-iyak.

Inihingalay niya ang pagal na katawan sa sandalan ng upuan at nagpikit ng mga mata. Marahil, nang makita ni Mang Dado sa rearview mirror ang ginawa niya ay napagtanto nitong ayaw na muna niyang makipag-usap. Tumahimik na rin ito.  


PAPASOK na sa Laguna ang Nissan Patrol nang mag-angat ng likod sa upuan si Angela. Naaliw siyang pagmasdan ang naging pagbabago ng lugar sa nakalipas na pitong taon. Ilan sa mga dating palayan ay kinatitirikan na ngayon ng mga komersiyal na establisimyento.

Habang palapit nang palapit ang sasakyan sa paanan ng Bundok Makiling ay lalo lamang nadaragdagan ang kaba sa dibdib ni Angela. Alam niya kung ano ang dapat asahan pagdating sa villa ngunit isang bagay pa ang gumugulo sa kanyang isipan.

Si Danny...

Naramdaman niya ang pagnanais na makibalita kay Mang Dado tungkol sa buhay ni Danny ngunit pinigil niya ang sarili. Ayaw niyang malaman nino man na interesado siya sa binata. Masyadong nasaktan ang kanyang pride, para aminin maging sa sarili, na sa nakalipas na mga taon ay hindi pa rin niya ito nagawang kalimutan.

Kung sana ay boluntaryong manggagaling kay Mang Dado ang balita tungkol sa lalaki. Ngunit walang nalalaman ang matanda sa namagitan sa kanila ni Danny, para isipin nitong dapat niyang mabalitaan ang mga nangyayari sa buhay ng huli.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Angela upang maski papaano ay magluwag ang kanyang dibdib. Ayaw na niyang dagdagan ang sama ng loob sa pagkamatay ng ama, kaya isinantabi na muna niya ang mga alaalang may kaugnayan kay Danny.

Ilang sandali pa at tinalunton ng sasakyan ang makipot na kalsadang patungo sa villa, na ikinomberte sa isang hot spring resort tatlong taon na ang nakararaan. Sa bungad niyon ay nabasa pa niya sa karatula ang pahayag na ilang daang metro na lang at mararating na ang Villa Soledad.

Inihanda ni Angela ang sarili sa daratnan nang mahayon ng kanyang paningin ang bakal na arkong kinadidikitan ng mga katagang "Villa Soledad."

Kapansin-pansing malapit sa gate ay nakasabit ang itim na telang kinasusulatan ng pangalan ng puneraryang binayaran para sa serbisyo.

Nang tuluyang makalapit ang sasakyan sa gate, at makapasok sa bakuran, naramdaman niya ang mainit na likidong kumawala mula sa kanyang mga mata. Inakala niyang naubos na ang kanyang luha nang unang araw na malamang pumanaw na ang kanyang ama ngunit nagkamali siya.

Sandali niyang hinubad ang salamin at pinunasan ng panyo ang mga luha sa mga mata.

Unang bumaba si Mang Dado. Binuksan nito ang pinto sa tapat niya.

"Okay ka lang ba, ineng?" tanong nito nang mapansin marahil ang pag-aatubili niya. "Sa tennis court nakaburol ang papa mo. Sasamahan na kita roon."

"I'm okay, Mang Dado, huwag n'yo akong alalahanin," sabi ni Angela ngunit ang totoo ay hindi siya okay. Nang bumaba siya ng sasakyan ay ramdam niya ang panginginig ng kanyang kalamnan. Ang mga tuhod niya ay tila handang bumigay anumang segundo.

Tiningnan siya ng matanda na halatang hindi kumbinsido. Ngunit nang sabihin niyang ipanhik na lang nito ang maleta sa kanyang kuwarto ay agad namang tumalima.

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now