MAXSPAUN MOON : PART 8

Depuis le début
                                    

Hindi niya inaasahang sa pag-asinta pa sila magkakaroon ng problema. Bagaman pintura ang bala ng laruang baril nila, nag-iiwan iyon ng itim na marka, para malaman kung tama ang napuntirya.

Marami pa siyang kailangang ituro sa bata, at hindi sila uusad hangga't hindi nito nalalampasan ang parteng ito ng pagtuturo niya.

Hindi naman inaasahan ni Maxspaun ang pagiging istrikto ni Heurt. O sabihin nang sa mura niyang edad, hindi niya inintindi ang paraan nito ng pag-eensayo. Nalilibang man, hindi niya maitatangging higit sa responsibilidad, laro pa rin ang tingin niya sa lahat ng ginagawa. Malayo pa ang isip niya sa totoong bigat ng hinaharap. Sino ba naman kasi ang tatanggap ng mabigat na responsibilidad sa kaniyang edad? Imposible 'yon, at inaasahan niyang maiintindihan 'yon ni Heurt at ng lahat.

"Pagbibigyan kita, Maxspaun. Pero ngayon lang. Tutal naman, kapag natuto ka, nasa ibaba o itaas ka, matatamaan mo nang tama ang target. Sigurado ako ro'n dahil mahusay ka."

"Thank you, lola."

"Pagod ka na ba?"

Umiling si Spaun. "I'm not tired, I just...can't reach it."

Bumuntong-hininga si Heurt at pinagkunutan ito ng noo. Hindi siya kumbinsido sa dahilan ng apo.

"Hindi mo kailangang pantayan ang mga braso ko, naituro ko na 'yon sa 'yo, Spaun." Iniluhod ni Heurt ang isang hita para pantayan si Spaun, at saka pinatamaan ang tudlo. "See?"

"You don't get it." At si Heurt pa nga ang hindi nakaintindi ayon kay Spaun. "Magaling ka na, lola. That's why everything's easy for you. I'm sure you can hit everything with your eyes closed."

Namewang si Heurt saka nginiwian ang bata. "Fine. But promise me, tatanggalin mo rin 'yan," itinuro niya ang bangkitong bitbit ni Deib Lohr.

"Tita Mommy," lumapit si Deib Lohr. "Hindi ba tayo masyadong...harsh sa anak ko? Hehe."

Naglapat ang labi ni Heurt. "Hindi."

Napalunok si Deib saka nameke ng ngiti. "Baka kasi...hindi niya lang talaga abot."

"Matangkad ang apo ko, Deib Lohr."

"Oo nga, ako ba naman ang ama. Pero...syempre, nagsisimula pa lang siya at...masyado pang bata."

"Mas mababa pa riyan ang edad ko nang turuan ako ng tatay ko."

"Hindi ka naman siguro natuto agad, 'no, Tita Mommy?"

Pinagkunutan ito ng noo ni Heurt. "Natuto agad ako, kaya nga umabuso ang tatay ko, halos sa 'kin na ipagawa kahit sarili niyang trabaho," mahina niya nang kinuwento ang mga sinabi. "Ano, ayos ka na?" bumaling siya uli kay Maxspaun. Nakita niya itong sumubok umasinta, inaalam ang tamang postura at posisyon.

Ngumiti si Spaun at umayos ng tindig. "Yes, opo!"

"Kapag nagawa mo ito nang tama-matamaan mo lang ang tatlong pulang iyon na puntirya, hahayaan kitang gumamit ng tunay."

Binuhay ng mga huling salita ni Heurt ang excitement ni Spaun. Bigla ay gusto niya nang kalabitin ang gatilyo ng noo'y kulay lila niyang laruan. Pero kailangang sigurado na siya, kailangang matamaan niya ang gitna para mangyari ang sinabi ng kaniyang lola.

"Tunay?" napalunok si Deib Lohr. "Hindi kaya nabibigla ka lang, Tita Mommy?"

Sinamaan ito ng tingin ni Heurt. "Hindi ako ganito mabigla."

Sa bawat araw na dumaraan ang ensayo nina Maxspaun at Heurt, iba't ibang kulay ng laruang baril ang gamit nila; pula, asul, dilaw o berde. Minsan, kahoy pero madalas ay plastic ang baril-barilan. Magkakaiba rin ang haba niyon, depende sa distansya ng tudlo at sa dapat patamaan. Si Heurt ang nagdedesisyon niyon. At bagaman, pakiramdam na naman ni Spaun, wala siyang natututunan, libang na libang siya.

MOù les histoires vivent. Découvrez maintenant