Napakunot-noo si Dolorosa sa sinasabi sa kaniya ng binata at walang nagawa kundi ang tumango, "Tapos?"

"Huwag kang mag-aalala, hindi naman kita dudukutin." Dagdag niya pa, "Hindi ko magagawa iyan sa babaeng mahal ko" Sabay tayo niya mula sa pagkakaupo.

Nagtaka naman si Dolorosa sa kilos ni Liyong, tinanggal nito ang sombrero at ipinatong sa mesa.

"Pwede mo akong bugbugin ngayon, para may ebedensya akong ipakita kay ama na hindi kita nadukot dahil sa sobrang lakas mo" Sabi pa ni Liyong, "Bugbugin mo ako, nang matakot sila dahil kahit na ako ay hindi kita kaya. Kalmutin mo ako o kagatin, kahit ano... walang problema iyon sa akin"

Parang natuod si Dolorosa sa pagkakaupo, nakatingin lamang siya nang diretso sa mga mata ng binata na kayang harapin ang lahat para sa kaniya.

"Sige na, Dolor. K-kahit ikamatay ko man" Saad ni Liyong, "Ayos na iyon, mamamatay ako sa iyong mga kamay" Sabay ngiti niya sa dalaga.

Napatayo si Dolorosa at lumapit sa binata sabay sapo ng magkabilang pisngi nito. Tumingkayad siya at agad na hinalikan ang labi ni Liyong.

Gulat na gulat si Liyong sa nagawa ni Dolorosa sa kaniya pero kalauna'y ipinikit na lamang niya ang kaniyang mga mata at sinamsam ang halik ng dalaga sabay dampi ng kaniyang mga palad sa baywang nito.

Matapos ang ganoong eksena ay napatitig si Dolorosa sa mga mata ni Liyong habang sapo pa rin niya ang magkabilang pisngi nito, "Salamat, p-pero hindi rin kita kayang saktan" Saad niya, nangingilid ang kaniyang mga luha sa mata, "Iniibig din naman kita, Liyong" Hindi na napigilan ng kaniyang mga mata ang pag-agos ng luha.

Sinapo rin ni Liyong ang kabilang pisngi ni Dolorosa sabay punas niya gamit ang hinlalaki sa mga luha na umaagos sa pisngi nito. Hinawi niya ang buhok ng dalaga at isinabit ang iilang hibla sa tainga nito, "Tahan na, kamahalan" Wala siyang ibang masabi dahil tila nananaginip siya sa tinuran ng dalaga. Niyakap na lamang niya ito nang mahigpit.

SERYOSONG nakatitig si Marco sa kaniyang tiyo Marcelo na nasa loob na ng kabaong, kanina pa siya walang kinakausap dahil sa sobrang pagdadalamhati niya sa pangyayari.

Hindi mapigilan na lapitan ni Doña Araceli ang anak na ngayon ay nakatayo lang ng tuwid sa harapan ng kabaong, "Marco"

Napalingon naman si Marco nang marinig ang boses ng ina, mugto ang mga mata nito at namumutla ang labi.

"Nakakalungkot ang sinapit ng iyong tiyo Marcelo. Hindi ko na maarok ang lahat, anak." Naiiyak na sambit ng Doña.

Napahinga nang malalim si Marco at lumapit sa ina upang patahanin ito, hinagod niya ang likuran nito para kahit papaano ay kumalma.

"Alam mo ba na sa kaniyang pangalan ko hinango ang iyong ngalan? Nais kong makita kang lumaki na katulad niya, puno ng tapang at may malasakit sa kapwa" Saad ni Doña Araceli habang nakasandal sa dibdib ng anak.

Hinalikan na lamang ni Marco ang ulo ng kaniyang ina at inalalayan na makaupo ito.

Samantala, dumating naman si Adrian dala ang mga kandila na ititirik mamaya sa novena. Kasama naman niya si Aina na may bitbit na dalawang buslo na naglalaman ng mga kakanin at pansit na binili ni Doña Aryana kaninang umaga para sa mga bisita.

Bago pa man makapasok si Adrian sa pintuang daan ay napasulyap siya sa matanda na nakausap na niya noon, may kasama itong binata na kasing-edad lamang ni Dolorosa "Tatay Himala?"

"Ginoong Adrian, akala ko'y hindi mo na ako matatandaan" Ani Himala, tinanggal niya ang kaniyang sombrerong buri sa ulo at itinapat sa dibdib, "Ako'y nakikiramay sa pagkawala ni Señor Marcelo. Isa siya sa mga magaling na tagasiyasat, nagmana siya sa kaniyang ama na si Heneral Santiago"

Via DolorosaWhere stories live. Discover now