Kapitulo - XXXIII

Start from the beginning
                                    

Tumikhim ang don bago nagsalita, "Marco," Sambit niya sa ngalan ng anak, tumingin naman ito sa kaniya agad. "Mag-uusap tayo mamaya"

Napatango na lamang si Marco bilang tugon sa seryosong turan ng ama.

ABALA ang lahat ng mga tao sa bayan ng San Fernando, ang iba'y panay ang pagtinda ng mga buslo at mga gamit sa tahanan na gawa lamang sa abaka at ratan. Ang iba naman ay naglalako ng mga kakanin at saging para sa mga taong nais bumili, ngunit ang iilan ay nagsimula ng mag alsa-balutan para lumipat ng ibang nayon.

Naroroon si Dolorosa dala ang payong, hindi niya alam kung ano ang pinunta niya sa sentro ng bayan---marahil ay may hihintayin siya.

Sa kaniyang paglalakad ay biglang lumitaw ang isang punit na papel sa kaniyang paanan. Pinulot niya ito at binasa, "Es vienmēr tevi vēroju" Napakunot-noo siya na tila nabasa na niya ito noon pa, hindi niya lang matandaan kung saan at kailan.

Biglang umihip ang malakas na hangin na naging sanhi ng paglipad ng mga alikabok at mga dahon sa ere. Naging kulay abo na rin ang kalangitan. Nagpalingon-lingon si Dolorosa sa paligid, nakita niya kung paano nagkagulo ang lahat at ang tanging pwesto niya lamang ang hindi dinadaanan ng napakaraming mga tao. Nililipad na ang kaniyang buhok at marahas na dumadampi sa kaniyang mukha dulot ng napakalas na hangin, pati ang kaniyang hawak na payong ay hindi nakaligtas at tinangay nito.

Sa kalagitnaan ng ganoong eksena ay bigla na lamang lumitaw si Andrus. Hanggang balikat ang puti nitong buhok at nakasuot ng bahag na gawa sa bakal, marami ring patik ng iba't-ibang simbolo ang kaniyang katawan. Kulay asul ang kaniyang mga mata at may matutulis na tenga.

Gimbal na gimbal si Dolorosa sa kaniyang nakita, pilit niyang iwinawaksi ang kamay para lumabas ang kaniyang matutulis na kuko pero bigo siya. Walang nagbabago sa kaniyang kaanyuan.

"Sumama ka na sa akin, Dolor. Matagal na kitang inaasam na makasama, gagawin kitang prinsesa sa aking malaking kaharian" Ani Andrus, malalim ang kaniyang boses na tila nagmula pa sa ilalim ng lupa.

Napapaatras si Dolorosa, hindi niya akalain na nagmula pala kay Andrus ang mga katagang leviathan na nakasulat sa papel, "Mas pipiliin ko pang magpakamatay," Matigas na turan niya.

"Ako ang prinsipe ng mga dalakitnon, lahat ng nais mo ay ibibigay ko" Pagmamalaki pa ni Andrus, sabay lahad ng kaniyang mga kamay.

"Ayaw ko sa'yo! Nakakasuklam ka!" Ani Dolorosa habang umaatras hanggang sa naramdaman na lamang niya ang pagdampi ng kaniyang likod sa isang puno ng kahoy.

Papalapit na papalapit si Andrus habang nakangiti pero walang emosyon ang mga mata.

"Ayaw ko!" Sigaw ni Dolorosa at napapapikit, gusto niyang magtawag ng tulong ngunit hindi niya magawa na tila may pumipigil sa kaniya na gawin iyon, "Ayaw ko! Hindi!"

"Ayaw ko!" Napabalikwas ng bangon si Dolorosa, butil-butil ang kaniyang pawis sa noo. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid, napahinga siya nang malalim. Isa lamang pala iyong masamang panaginip. Naiisip niya ang nanunumbalik na mukha ni Andrus sa kaniyang diwa, may kakaiba siyang naramdaman na tila isang pahiwatig ito na hindi pangkaraniwang tao si Andrus. 

Nang dahil sa bigat ng kaniyang talukap dahil sa kaiiyak kanina kasama ang ina at tiyahing si Aryana ay hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya sa silid ng kaniyang tiyo Valentino.

Umalis na siya sa higaan at isinuot ang sariling bakya. Lumabas siya sa silid at nadatnan ang kaniyang tiyo Valentino na abala sa pagkukumpuni ng mga mahahalagang papeles sa may sala-mayor.

Napaayos ng salamin sa mata si Valentino nang maaninag si Dolorosa, "Gising ka na pala, Dolor. May nais ka bang kainin?"

Napailing si Dolorosa, "Saan po sila ina, tiyo?"

Via DolorosaWhere stories live. Discover now