"Liligawan kita," Ani Adrian at ngumiti.

"Ah- hindi na kailangan ng ligaw. Sasagutin naman kita," Ani Aina.

Natigilan si Adrian at napatawa na lamang, "Kamangha-mangha, binibini"

Tumawa naman si Aina nang mahinhin, "Pasensya na, parehas lang naman tayo ng nararamdaman"

"Bueno, ngayong araw na ito ay hindi ko malilimutan. Araw-araw kitang liligawan kahit na tayo'y mag-irog na," Ani Adrian, hindi niya mapigilan ang mapangiti, kahit papaano ay naibsan ang kaniyang kalungkutang nadarama.

BUMABA si Don Xavier sa sinakyang kabayo na si Maharlika nang makarating sa Municipio de San Fernando, pagkatapos ay naglakad na siya patungo sa loob upang makipagpulong kay Alcalde Timoteo at sa ibang opisyales pa ng San Fernando.

Seryoso lamang ang kaniyang mukha na umakyat ng hagdanan. Nang makarating sa isang silid ay nadatnan niya roon si Timoteo na nakaupo sa gitnang dulo ng mesa.

"Ninong, umupo ka na rin." Pakli ni Timoteo at tumayo upang salubungin si Don Xavier.

Napa-antanda pa ang isang cabesa de baranggay nang makita ang pinuno ng mga taong-lobo na seryosong nakatingin sa kanila ngayon.

Nang makaupo si Don Xavier sa kabilang dulo ng mesa ay inilabas niya ang tabako at agad na sinindihan iyon. Binuga ang usok at napasandal sa upuan.

"Bueno, simulan na natin ang ating pagpupulong" Saad ni Timoteo, agad niyang inilatag ang isang nakarolyong papel.

Nakita nilang lahat kung ano ang nakaguhit sa papel.

"Ang kailangan natin na unang mawala sa San Fernando ay ang nag-iisang berbalang na ngayon ay gumagambala sa sementeryo ng ibang sitio rito sa bayan," Dagdag pa ng Alcalde.

Napatitig lamang si Don Xavier sa papel na nasa mesa at ni wala man lang binitawang salita o nagbigay ng suhestyon. Patuloy lamang ang kaniyang paghithit ng tabako.

"Ang susunod naman ay ang taong pasimuno ng pagsunog sa piitan at maging sa monasteryo. Maraming pari ang nasunog sa loob na tila walang kalaban-laban," Sabay iling ng Alcalde. "At ang panghuli, ang pasimuno sa likod ng pagkawala ng mga dala---"

"Mga bampira," Biglang sambit ni Don Xavier. Sa wakas ay nagkaroon na siya ng pagkakataon na magsalita, "Sila ang may gawa sa lahat ng pagkawala ng mga kawawang dalaga,"

Bakas sa mga tao sa loob ng silid ang pagkabigla sa sinabi ni Don Xavier na ngayon ay seryoso pa rin.

"Maaring si Marcelo ang kukunin kong tagapagsiyasat ng mga bangkay na natagpuan sa talahiban para lang makuha ang dugo upang matingnan mo, ninong" Ani Timoteo.

Napaisip saglit si Don Xavier sa tinuran ni Timoteo, kung sakaling gagawin iyon ay dapat kasama siya, "Mabuti ang naisip mo, Timoteo"

"Bueno, dapat na sabihan ninyo ang bawat tao na lagyan na lamang ng asin ang paligid ng bahay, maaaring hindi malabo na gagambalain tayo ng berbalang kapag nagsawa na ito sa mga bangkay sa sementeryo," Seryosong saad ni Timoteo sa mga kasamahan.

PAGKATAPOS ng pagpupulong ay sinamahan ni Alcalde Timoteo at Heneral Fortalejo si Don Xavier sa mansyon ni Marcelo.

Naninibago sila dahil sobrang tahimik na ng mansyon na hindi katulad ng dati ay hindi ito nawawalan ng musika na nanggagaling sa piyano, gawain ito ni Marcelo kung siya'y nababagot pero ngayon ay tila wala silang naririnig.

Pagtapak pa lamang ni Don Xavier sa isang baitang ng hagdan ay nakaamoy na agad siya ng nabubulok na daga. Nakiramdam siya sa paligid na animo'y may nais malaman.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now