ISANG malakas na suntok at tadyak ang natanggap ni Marco galing kay Don Xavier nang maihatid ito ng nga cambiaformas sa tahanan. Napag-alaman ni Don Xavier mula sa mga ito na naamoy nila ang laway ng bampira sa leeg ng binata.

Kanina lamang ay pasuray-suray na naglalakad si Marco, inakala ng mga cambiaformas ay lasing lamang ito ngunit nang lapitan nila ay nabigla sila sa kanilang nakita. Nagkagutay-gutay ang tsaleko at nababahiran pa ito ng dugo.

"Isa na akong b-bampira!" Wala sa sariling saad ni Marco at tumatawa pa ito na tila nawawala na sa katinuan. Bigla na lamang siyang nadapa at sumuka ng napakaraming dugo.

Agad naman na tumulong ang mga cambiaformas at totoo ang sinasabi ng binata na isa na siyang bampira dahil naaamoy nila ang umaalingsaw na amoy na nanggagaling sa leeg nito.

Sinipa nang sinipa ni Don Xavier ang anak hanggang sa napaubo na ito ng dugo at dumudugo na rin ang ilong nito, "Isa kang kahihiyan, punyeta!" Galit na galit na saad niya pa.

Napahiga na lamang si Marco sa sahig at nanghihina, "A-ama,"

Kinuha ni Don Xavier ang isang matulis na espada na galing pa sa kongregasyon.

"Xavier! H-hayaan mong magpaliwanag ang iyong anak!" Bulalas na saad ni Doña Araceli at pumunta sa gawi ni Marco upang ipagtanggol ito.

Namumula ang mukha ni Don Xavier sa galit, "Ang isa sa mga alintuntunin sa ating balwarte ay ang tugisin ang mga kaaway at hindi magiging kakampi! Wala akong anak na kampon ng mga putanginang bampira! Ano na lang ang magagawa niyan? Hindi malabo na malalamon ng utak nito ang kasakiman!"

Napahagulhol si Doña Araceli at napaluhod na hinawakan ang isang kamay ng esposo, "Por favor, anak mo si Marco! Maaawa ka naman sa kaniya, b-bigyan mo ng pagkakataon, por favor"

Iwinaksi ni Don Xavier ang kaniyang kamay at seryosong tinanggal sa lalagyan ang mahabang espada, "Sumpain niyo man ako pero kinasusuklaman ko ang ganitong uri ng nilalang! Hindi siya ang aking anak!" Sabay taas niya ng espada.

Biglang bumukas ang pintuan at agad na napatakbo si Dolorosa sa gawi ng ama upang agawin ang espada na handa ng itarak sa kawawang katawan ni Marco.

Halos hindi makahinga si Adrian at Oliver sa nakita nang makapasok na sila sa loob ng tahanan. Kahit na si Agustin ay napatalikod na lang at hindi kayang tingnan ang kinakapatid.

"Dolorosa!" Singhal ni Don Xavier nang maagaw ng anak ang espada, "Anong kahibangan ito?!"

Hindi magkamayaw ang mga luha sa mga mata ni Dolorosa habang nakatitig sa kaniyang ama, "Isa lamang na biktima si kuya Marco, ama! H-huwag niyo po siyang paslangin, pakiusap! Alam kong hindi ginusto ni kuya ang nangyari sa kaniya,"

Napaigting ang panga ng don habang seryosong napatingin sa kanilang lahat. Hindi na niya maarok ang nangyayari sa kanilang buhay, tila sinusubok na siya ng panahon.

"Dolor..." Tumatangis na tawag ni Doña Araceli sa anak na ngayon ay nilapitan na si Marco at hinahawakan ang kamay nito.

"K-kuya Marco, huwag kang mawalan ng pag-asa... kakampi ka pa rin," Pabulong na saad ni Dolorosa sa kaniyang kapatid, "Gamitin mo ang bagong kakayahan na kalabanin ang gumawa sa iyo nito... naririnig mo ba ako, kuya?" Hindi na maawat ang mga luha niya sa pagpatak.

Marahang napatango si Marco at ngumiti, "S-salamat, D-dolor... i-ipinagtanggol m-mo ako k-kay ama," Nanghihina niyang saad bago mawalan ng malay.

"Huwag niyo na akong kausapin! Mierda!" Bulyaw ni Don Xavier at padabog na pumasok sa sariling opisina.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now