"¡La chica hombre lobo me excitó! ¡No me equivoco, ese es el hija de Xavier Sarmiento!" (Naisahan ako ng babaeng taong lobo! Hindi ako nagkakamali na anak iyon ni Xavier Sarmiento!) Galit na turan ni Prayle Castillo at padabog na napaupo sa silya katapat ng mahabang mesa.

"Paano ka nakakasigurong anak iyon ni Xavier?"

"Kahawig na kahawig ang mukha nito kay Araceli Sarmiento. Binilog lamang nila ang aking ulo, lalo na ang binatang kasama nito!" Buwelta ng prayle.

Ngumisi si Alfonso at nilagok ang dugo sa kupita, "Ganoon ba, bueno, sino ba ang binatang iyon?"

"Gusto kong ikaw na ang magtanong sa kaniya, baka naman ay imbento lamang ang pangalan na iyon! Ang nais ko lamang ay patayin na agad ang binatang iyon! Nakapiit siya sa kulungan ngayon. Nais kong makita kung paano siya mahirapan at mawalan ng dugo hanggang manuyo ang buong katawan niya!" Sabay bagsak ng prayle sa kaniyang kamay sa mesa, "Hindi pwedeng mabuking ang ating plano sa mga nagkukumpulang aso!"

"Ahora mismo, magtatawag ako ng mga ibang bampira na kunin ang binata sa piitan at ako na mismo ang papatay! Nang sa gayon ay malinis ang ating reputacion," Kalmadong saad ni Alfonso at lumitaw ang kaniyang mapupulang balintataw.


PINIHIT ni Dolorosa ang busol ng pintuan ng opisina, bumungad sa kaniya ang ama na bumubuga ng usok ng tabako habang may binabasa na libro. Naaalala na niya na naman ang pulang libro na naroroon kay Liyong, bigla siyang binalot ng matinding pag-aaalala.

"Gabing-gabi na, anak. Bakit hindi ka pa natutulog?" Tanong ni Don Xavier habang hindi inaalis ang paningin sa libro patungkol sa mga kahinaan at lakas ng mga bampira.

"A-ama, nawa'y pakinggan niyo ako ngayon sapagkat ako'y nababahala na sa mga posibleng mangyari sa Sa San Fernando at sa ating balwarte," Ani Dolorosa sa ama, nababakas sa kaniyang boses ang pagkabahala.

Sandaling napahinto si Don Xavier sa paglipat ng pahina sa libro at nagawi na ngayon ang paningin sa anak na kapansinpansin ang pagsulyap nito sa malaking orasan.

"W-wala ho ba kayong napansin kanina sa gobernadorcillo? Napansin mo po ba ang kaniyang palad na walang guhit, ama?" Tanong ni Dolorosa, "Katulad din ba siya kay binibining Emilia? Hindi ba't magkapatid sila?"

"Hindi ko napansin na walang guhit ang kaniyang palad. May mga guhit ang mga ito," Seryosong tugon ni Don Xavier, "Naniniwala ako sa'yo, anak. Huwag kang mag-alala. Alam kong bampira ang gobernadorcillo. Kinakaibigan ko lamang siya para hindi halata na may nalalaman ako sa kaniyang pagkatao, dapat mas maging tuso tayo."

Nagkaroon ng kaunting kaginghawaan sa dibdib ni Dolorosa, "Bueno, ama, ano po ba ang mga hakbang na gagawin?"

"Ipaubaya mo na sa amin, anak. Huwag ka na munang makisali pa. Ayaw kong mapahamak ka, lubhang napakalakas ng gobernadorcillo,"

Napahinga nang malalim si Dolorosa, "Pero ama, mas mainam kong tayong lahat ay magtulungan, kaya ko naman na kala---"

"Hindi basta-bastang nilalang ang mga bampira, Dolor. Hindi ito katulad sa mga nakaharap mo na," Kalmadong saad ni Don Xavier sa anak, "Ayaw ko lamang na mapahamak ka"

Napatango na lamang nang marahan si Dolorosa at matamlay na napatingin sa ama. Tatalikod na sana siya nang biglang tumunog ang orasan, nakakakilabot ito na parang batingaw sa isang simbahan. Nakita niyang tumatama na ang oras ng alas dose. Napalunok siya ng laway sa kaba.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now