Tahimik na nakikinig lamang si Uno habang sinasamsam ang sakit sa katawan, tila sandaling nawalan siya ng lakas. Mainit pa rin ang tingin sa kaniya ni Don Xavier at nanatiling mapula ang mga balintataw habang kinakausap siya. May nabasa siyang pahina ng mga libro noon patungkol sa mga taong-lobo na kapag mapula ang mga balintataw ay nababalutan ng poot at galit ang kanilang budhi at mas doble ang lakas nila kaysa sa pangkaraniwang taong-lobo.

"Nawa'y maintindihan mo ako. Nga pala, labis kong ikinalulungkot ang nangyari sa bayan. Subalit, wala kaming kinalaman doon at handa kong patunayan ito," Seryosong saad ni Don Xavier, "Kahit magkamatayan man tayo ngayon."

Napalunok ng laway si Uno sa tinuran ng don.

Naputol ang kanilang pag-uusap nang marinig ang katok na nagmula sa pintuan, at bigla na lamang naglaho si Uno.

Pumasok naman si Edelmira at nagulat sa naging sitwasyon sa naturang silid.

TANGHALING tapat na at naghahanap ng tiyempo si Dolorosa na makalabas ng tahanan at sundan si binibining Edelmira at kaniyang kuya Marco. Sumilip pa siya sa silid ni Adrian at nakita na abala ito sa paglinis ng silid.

Nagsuot na siya ng balabal at nais ng lumundag sa bintana ngunit biglang pumasok ang kaniyang ina.

"Dolor? Santisima! Anong gagawin mo?"

Nanlamig si Dolorosa sa presensya ng ina, "mag-isip ka ng dahilan, Dolor!" Napangiti siya sa ina at kinorteng pakpak ang balabal, "Ah, w-wala po. Nais ko lang na gayahin ang mga ibon. May pakpak sila at malayang nakakalipad, hindi ba, ina?"

Nangunot ang noo ni Doña Araceli at napailing sabay kuha ng mga damit ni Dolorosa upang labhan ito, "Mukhang kulang ka sa tulog, anak. Mag siesta ka na muna,"

Napakamot sa ulo si Dolorosa at nahihilaw na ngumiti sa ina, "Oo nga po, pasensya na po. 'yun nga, ina, kulang lang talaga ako sa tulog"

"O siya, pupunta pa akong batis. Pagkatapos ng iyong siesta ay puntahan mo na lang ako roon," Ani Doña Araceli at lumabas na ng tuluyan sa silid.

Sinilip niya muli ang ina. Dahan-dahan niyang isinara ang pintuan pagkatapos ay lumundag na siya sa bintana, palinga-linga pa siya nang makaabot na siya sa ilalim, nang malaman na walang nakapansin ay tumakbo na siya nang mabilis para masundan pa ang kapatid at si Edelmira.

SA isang mataong talipapa ay napadpad si Liyong. Hindi na niya mahanap si Teofilo na kanina'y biglang lumabas sa mamahaling kainan kasama ang alcalde at si Uno.

"Saan na kaya 'yun?" Tanong pa ni Liyong sa sarili. Pinagtitinginan na siya ng ibang binibini na pa simpleng nagpapaypay nang mabilis. Hindi na lamang iyon pinansin at pinunasan na lamang ang sariling pawis dahil sa sobrang init.

Naglakad pa siya at balak na libutin ang buong talipapa hanggang sa may nabangga siyang isang babae na tila nakita na niya noon pero hindi niya mawari kung saang lupalop ng lupa niya ito nakatagpo. "Pasensya na, binibini." Nakita niya lamang itong ngumiti at nagpatuloy na sa paglalakad papalayo.

Napakamot na lamang si Liyong ng kaniyang ulo dahil mukhang isang oras na ang kaniyang ginugol sa paghahanap kay Teofilo ngunit hindi na niya ito masumpungan. Naisipan niya na lamang na bumalik sa kainan ngunit sa kaniyang paglingon ay may nakabangga na naman siya, "Tumingin ka kasi sa daana--- binibining Dolorosa?" Agad niyang inalahad ang palad sa dalaga dahil napaupo ito sa lupa.

Nasapo na lamang ni Dolorosa ang kaniyang noo dahil nakabangga siya ng isang matangkad na lalaki at napaupo pa siya sa maalikabok na daanan. Nakita niya naman ang palad na nakalahad sa kaniya, "L-liyong?"

Via DolorosaWhere stories live. Discover now