Samantala, si Marco naman ay seryosong nakaupo lamang sa isang upuan malapit sa isang paso. Kanina pa siya walang kibo at walang gana makipag-usap. Napagtanto niyang hindi pa rin pala humihilom ang sugat sa kaniyang puso dahil naroroon pa rin ang bakas ng pagmamahal na nagawa sa kaniya ng unang kasintahan.

Kanina sa isang talipapa na dinadaanan ni Marco patungo sa isang bahay aliwan ay nakita niya si Abril, may dala itong buslo na nilagyan ng pinamiling gulay at prutas. May kasama rin itong isang batang lalaki na kasing-edad lamang ni Luna. Hindi niya maatim ang sarili kung bakit kusang humahakbang ang kaniyang mga paa patungo sa babaeng minahal niya, limang taon na ang nakalipas.

"Ginoo! Bumili na ho kayo ng sariwang prutas!" Alok ng tindera sa kaniya, na pinagbilhan din ni Abril.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagtama ang kanilang mga paningin. Ang ibinaong alaala ay muli itong naging sariwa na tila kahapon pa naganap ang lahat.

"M-marco..."

"Abril,"

Napatingin si Marco sa batang kasama nito, "Siya na ba ang iyong anak?" Tanong niya pa kay Abril.

Napatango si Abril at malumanay na napangiti, "Pangatlong anak ko, Marco. Kumusta ka na? Ikaw ba ay may asawa na?"

Napahinga nang malalim si Marco at ngumiti na lamang nang tipid, pagkatapos ay umiling siya bilang tugon sa dating nobya.

"Bakit naman? Bantog ka sa bayan na ito na isa ka sa mga makisig na anak ni Don Xavier at Doña Araceli," Hindi makapaniwalang saad ni Abril.

Nagkibit-balikat si Marco, "Marahil ay wala pang babaeng dumating sa buhay ko na hinigitan ka,"

Hindi makakurap si Abril sa sinabi ni Marco, ang kaniyang pag-ibig sa binata ay hindi basta-basta at halos hindi siya nakakausap nang matino noon at isinusuka ang sariling disesyon ng pamilya, ngunit lumipas ang panahon ay tinanggap na niya ang tadhana. Ngayon ay may tatlong supling ng kaniyang esposo, kahit papaano ay natutunan niya itong mahalin kahit mahirap sa simula.

"Bueno, baka ikaw pa ay abala. Ako'y lilisan na, Abril. Mag-iingat ka, sumasaiyo ang kasiyahan" Ani Marco at bahagya niyang itinaas-baba ang kaniyang sombrero bago tumalikod at umalis sa lugar na kung saan nag krus ang landas ng kaniyang dating pinapangarap.

Via DolorosaWhere stories live. Discover now