Minsan na nga lang tumapang, bad timing pa.

Pero ayun nga. Kasalanan ko naman. Langyang buhay 'to.

"Wala na, naunahan ka na ng lalaki. Lalaki, Sav!"

Napahilamos ako sa mukha saka tiningnan si Sof na tumatawa kasama mga kaklase namin. Nakaupo siya sa may gilid ng bintana, nakasuot ng hoodie na mas malaki sa kanya, at may earphones na nakabitin sa blouse niya. Tumatama sa kanya 'yung dilaw na sinag ng araw, tapos ang lambot tingnan ng pisngi niya mula sa kinauupuan ko. Gusto kong tusukin ng pambura ng lapis kasi ang cute niya, sobra.

Akala ko talaga . . .

"Bry, hindi ko nga gets," sabi ko saka tinakpan ang mukha ko. "Hindi ko . . . akala ko kasi ano eh. Akala ko ano siya." Napabuntunghininga ako. "Gaya ko."

Tawa siya nang tawa sa sinabi ko.

"Teh, wala akong sinabing nakakatawa. Nagdadrama ako dito."

"Kasalanan mo 'yan. Assumera ka ng sexuality," sabi niya habang tumatawa pa rin.

"'Di mo 'ko masisisi. Nung nanood kami ng XMEN, kay Mystique lang siya nakatingin."

"See through na closet n'yong dalawa."

"Kaya nga . . . kaya nga bakit si Edwin?"

"Alangan namang ikaw? Bakit, may ginawa ka bang iba bukod sa pagiging torpe't duwag mo?"

"Aamin na nga sana 'ko kagabi."

"Huli ka na," sabi ni Bry. "Kakatulak mo 'yan sa kanya kay Edwin. Sineryoso niya tuloy."

"Bwisit 'to. Hindi mo na lang ako kampihan."

"Bakla, para sabihin ko sa 'yo, first year pa tayo kinukumbinsi na kitang umamin sa kanya." Tama naman siya ro'n kaya napakamot na lang ako ng mukha. "Ikaw 'tong sobrang daming palusot. Ngayon magmumukmok kang naunahan ka ng iba? Kasalanan mo 'yan."

Gusto ko na lang i-mute minsan si Bry kasi minsan nakakasakit na siya pero sabi nga ng iba, truth hurts. Kaya sana nagsinungaling na lang siya.

Inaasar-asar ko lang naman si Sof kay Edwin nung una dahil kahit ayoko mang aminin, gusto ko 'yung feeling kapag tumatanggi siya. Kapag sinasabi niyang hindi niya gusto si Edwin, o kapag pinapatahimik niya 'ko kasi naiirita siya kapag binabanggit ko pangalan niya. Hindi ko naman inisip na darating 'yung time na ico-consider niya nang totoo 'yung lalaki . . . ang sama ko ba?

Siguro.

Mali ko rin 'to kasi naghintay pa 'ko ng pagkatagal-tagal.

"Anyway," sabi bigla ni Edwin. "Punta kayo sa birthday ah? Masaya 'yun!"

--

Muntik ko nang mahalikan si Sof sa labi isang beses nung second year.

Alam ko sobrang aga pa no'n, mga alas-cinco nang umaga — isang oras bago magsimula 'yung klase, at kaming dalawa pa lang ang nasa classroom. Nasa may sahig kami gumagawa ng visual aid para sa reporting namin sa Science. Naggugupit ako ng mga flowers na design tapos nagsusulat naman siya (sa 'ming dalawa kasi, mas maganda handwriting niya) habang nagpapatugtog kami ng kanta ni Yeng Constantino kahit basag 'yung speaker ng cellphone niyang Nokia.

Siguro nung umagang 'yon, bangag lang kaming dalawa dahil bagong gising at sobrang tahimik pa nang paligid kaya walang umiimik. Wala namang awkward silence kapag kasama ko si Sof, kasi natural nauubusan din talaga kami ng pinag-uusapan, at kumportable naman ako sa katahimikan basta nandiyan lang siya, pero iba talaga pakiramdam ko nung umagang 'yon.

Sa mga panahong 'to kasi, pinag-iisipan ko na kung totoo bang nagkakagusto na 'ko sa kanya. Siguro nagsimula lang dahil 'di ba magka-partner kami sa sayaw . . . biglang may kaklase akong lalaki (si Edwin) na gustong makipagpalit sa 'kin para maging partner niya si Sof, at sabi niya okay lang daw dahil pumayag 'yung choreographer. 'Di ko inaasahang mauurat ako dahil do'n.

Sabi ko na lang sa kanya, "manigas ka".

Okay, medyo harsh. Siguro nadala lang ako ng emosyon kasi na-imagine kong siya 'yung hahawak sa kamay at bewang ni Sof at hindi ako tapos bigla akong nainis.

Alala ko pa buong school year no'n, parang may lihim na sama ng loob sa 'kin si Edwin — pero okay lang. At least ako ang nakasayaw ni Sof at hindi siya.

Anyway, ayun na nga. Bakit ko ba kinukuwento si Edwin? Naba-badtrip lang ako. Basta katabi ko si Sof sa classroom naming kami lang ang laman, tapos amoy Palmolive at pentelpen pa siya nung umagang 'yon.

"Sobrang lamig," sabi ni Sof bigla. Winagayway niya kamay niya kasi nangalay yata kakasulat sa manila paper. "Sav, patayin mo nga electric fan."

"Ayoko nga." Tumayo ako para patayin 'yung electric fan.

Pagkapatay ko, biglang nag-brownout.

"UY!" sabi naming sabay.

Ang bilis ng mga pangyayari. Namatay bigla lahat ng mga ilaw, narinig kong may pumutok, tapos nagulat ako lalo kasi hinila ni Sof ang skirt ko. Tuloy, na-out of balance ako saka bumagsak — sa kanya. Paibabaw. Una kong naramdamang napahawak ako sa manila paper at bahagyang nakusot 'yun. Half a second din yatang dumampi sa pisngi niya 'yung labi ko pero mabilis ko ring inalis kasi malamang?!

Hindi ako agad nakabangon kasi sumakit 'yung palad ko nang mabagsak sa sahig dahil sa pwersa.

"Sof naman, bakit mo 'ko hinila—"

"Sorry," bulong niya. Mahina, parang pabulong. Medyo nanginginig. Dahan-dahan. "Nasaktan ka ba?"

Tangina.

Ewan ko pero nanghina ako bigla.

"H-Huh?"

Sobrang dilim. Tae, may sinag pa nga ng buwan nung madaling araw na 'yon kaya kitang-kita ko pa rin kabuuan ng mukha niya. Sobrang lapit. Akala ko 'yung mga gano'n, sa TV o sa Meteor Garden ko lang mapapanood, pero nando'n ako — kami — sa madilim na classroom saka sa amoy ng pentelpen at Palmolive na pink — feeling nasa loob ng isang Precious Hearts Romances na teleserye. Tipong nags-slowmo ang paligid tapos kanta ni Angeline Quinto 'yung background music.

Kung anu-ano na sinasabi ko. Gusto ko lang naman itumpok na ang ganda ganda niya no'n.

Tapos gusto ko siyang halikan.

Bago pa 'ko mag-give in sa intrusive thoughts ko, bumangon na lang ako bigla. Sinamahan niya ako agad sa clinic para malagyan ng bandage 'yung palapulsuhan ko kasi medyo napaano talaga sa pagbagsak. Sorry pa siya nang sorry no'n, para siyang engot, pero hindi naman ako nagrereklamo.

Buong araw ko nga lang inisip 'yung mukha niya habang nakatingin sa labi ko nung umagang 'yun.

───────────────

si sav at si sofTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon