"Ililibre niya ako," masayang pagkanta ko habang naglalakad. "Ang sarap talaga ng libre! Buti naisipan mo 'yan, Yori!" Pagkabanggit ko ng pangalan niya ay saka ko lang naalala ang tinawag niya sa akin kanina.

Nat? Hmm, okay... Kung iyon ang gusto niyang itawag sa akin. 

"Saan naman galing 'yong Nat?" Kaunti lang tumatawag sa akin noon. 

"Your friends call you that." 

Ah... Sina Seven at Lai. Narinig niya siguro! 

"Bakit? Friends ba tayo?" nang-aasar na tanong ko. 

Tiningnan niya lang ako na parang hindi siya natutuwa sa akin bago ako inunahang maglakad. Hinabol ko pa tuloy siya! 

"Joke lang! Siyempre, ngayong summer, friends tayo! Pagdating ng pasukan... Hindi na tayo friends," pagbibiro ko ulit.

"Bakit?" seryosong tanong niya. 

"Kasi... we're going to be rivals again!" Ngumisi ako. 

Pagkatapos ng summer training, balik na naman ako sa pamomroblema kung paano ko siya matatalo sa ibang subjects. Hmm, kailangan kong maging number one sa class. Hindi lang sa class... Sa buong batch. Paano ko gagawin 'yon kung nandito 'tong lalaking 'to?

"Bakit ka kasi nasa HUMSS at hindi STEM kung plano mo palang mag-Electronics Engineering?" nagtatakang tanong ko.

"Bawal ba?" 

"Hindi naman." Nagkibit-balikat ako. Hindi naman strict sa strand alignment 'yong ibang universities. "Curious lang! Ano nga?"

"I wasn't sure of what I wanted." 

"Hmm, okay! So, saan tayo bukas? Gusto mo sa bahay na lang namin? O kaya sa isang coffee shop! O kaya sa restaurant n'yo na lang... Ay, kaso baka maingay kapag maraming customers. Hmm, sa bahay n'yo kaya? Or... saan pa ba?" 

"Ikaw bahala," maikling sagot niya habang naglalakad. 

"May alam akong study hub na malapit dito sa school! Doon na lang! Bago lang 'yon kaya wala masyadong tao!" 

Sarado kasi ang school library kapag wala naman kaming training kaya kailangan naming maghanap ng ibang lugar. May study hub na nire-rent lang dito. May internet na, may pagkain pa! May mga ready-to-use computers din, pero siyempre, mas okay kapag ikaw ang magdadala ng sariling laptop. Malamig din doon kaya okay na okay! Kailangan ko lang magdala ng jacket kasi baka antukin ako. 

Nakarating din kami sa tapat ng Japanese restaurant. Pagkapasok namin ay maraming customers dahil saktong dinnertime. Lumapit kaagad ang Ate ni Yori sa kaniya at nag-usap sila in their language. Nakatayo lang ako roon na parang sira dahil hindi ko maintindihan. Sabi ko nga, dapat mag-aral na akong mag-Japanese! Mabibilib sa akin si Yori niyan! Oh, competitive din ako pagdating sa ibang language. 

"Onee-chan..." Tumingin sa akin si Yori at tinuro ako gamit ang palad niya. "She's Estella. Estella, this is my sister, Akemi."

"Hello po, Ate Akemi!" Hindi ko alam kung makikipag-shake hands ako o ano. Ang ganda ng Ate ni Yori! Hindi siya mukhang katandaan. Baka nasa twenty-four years old pa lang. 

"Hello, Estella!" Ngumiti siya at kumaway lang sa akin. "Sorry, medyo busy sa restaurant. Upo kayo!" Inayos niya pa ang isang table para roon kami umupo. Mukhang ang bait-bait niya rin.

Tahimik na umupo si Yori sa tapat ko habang hawak ang menu. Binaba ko na rin ang gamit ko at umupo nang umalis ang Ate niya para mag-asikaso ng ibang customers. 

"What do you want?" tanong sa akin ni Yori.

"Kahit ano!" Sinandal ko ang siko ko sa may lamesa. 

"Walang 'kahit ano' rito," masungit na sabi niya. 

An Old Summer Daydream (Old Summer Trilogy #1)Where stories live. Discover now