Napahanga si Adrian sa angking katalinuhan at kasipagan sa pagtuturo ni Ginoong Himala.

"At heto, ang aking apo na si Giovanni na ubod ng pilyo." Pakilala pa ni Ginoong Himala sa kaniyang apo.

Napatawa naman si Adrian. "Ako po si Adrian."

"Adrian?"

"Adrian Sarmiento po."

Natigilan si Ginoong Himala sa narinig. Hindi niya akalaing maraming panahon na ang lumipas at ang tanging nakikita pa lamang niya ngayon ay ang anak. "S-sino ang iyong mga magulang?"

"Si Xavier Sarmiento po at si Araceli De La Vega."

"Kay liit ng mundo."

"Po?"

"W-wala, anak. Salamat at nakilala kita."

"Napakabait niyo po, Ginoong Himala."

"Tatay Himala..."

"Tatay Himala nga po." Ani Adrian at napahimas pa ng batok dahil sa hiya. "Aalis na ho ako. Kayo'y mag-iingat sa pag-uwi." Tapos kinurot ng mahina ni Adrian ang pisngi ni Giovanni.

Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ni Adrian. Ikinaway na niya ang kaniyang kamay hudyat na siya'y aalis na.

ISANG linggo na ang nakaraan at naghahanda na ang lahat para sa kapistahan ng San Fernando.

Inimbitahan din ni Alcalde Timoteo Cabrera ang pamilya Sarmiento sa kanilang mansyon.

"Maligayang pagdating sa mansyon!" Panimulang bati ni Alcade Timoteo sa kakarating na pamilya Sarmiento.

Maging ang asawa ng Alcalde na si Doña Milagros ay nagalak nang makita ang mga Sarmiento, agad siyang nagbigay galang.

Napangiti naman si Don Xavier at nakipag-kamayan sa Alcalde. "Maraming salamat sa pag imbita mo sa amin dito."

"Hindi pwedeng wala po kayo, Don Xavier." Ani Alcalde Timoteo. Nagbigay galang din siya kay Doña Araceli at sa mga anak nito.

"Salamat, Alcalde. Saan ang iyong ama?"

"Nasa salas po. Tuloy na po kayo." Magalang na tugon ng Alcalde.

Samantala, si Dolorosa naman ay namangha sa mga palamuti ng mansyon. Maraming dumalo na bisita na nabibilang sa mataas na antas. Abala rin ang lahat ng katulong ng Alcalde sa paghahanda ng mga iba't-ibang putahe sa mesa.

Nakita niya rin si Immaculada na tumutugtog ng piyano sa harap ng madla.

"Umupo ka, Dolor. Ang ganda mong dalaga." Ani Doña Milagros nang nilapitan niya si Dolorosa na nakatingin sa gawi ni Immaculada.

"S-salamat po, Doña Milagros." Tugon ni Dolorosa at napaupo sa isang silya.

"Sana nga ay mabibiyaan kami ng babaeng anak. Para pares na sila ni Armando. May lalaki, may babae."

Napangiti naman si Dolorosa sa naging litanya ni Doña Milagros.

"Ay, sandali lang hija...may mga bisitang dumarating."

Napatango si Dolorosa at umalis na rin ang Doña.

"Ate Dolor!"

Napalingon si Dolor sa gawi ni Luna. May kasama itong ka-edad niyang batang lalaki.

"Ate Dolor! ito si Ginoong Armando, bagong kaibigan ko."

"Magandang araw, munting Ginoo." Saad ni Dolorosa sa batang si Armando. Kinurot niya ng mahina sa pisngi ang bata.

Napangiti naman si Armando at sumilay ang kaniyang bungi sa ngipin.

"Ate Dolor, mamamasyal ba tayo mamaya?"

Via DolorosaWhere stories live. Discover now