MAXSPAUN MOON : PART 6

Start from the beginning
                                    

Inunat niya sa magkabilang tabi ang pareho niyang braso at nakapikit na tumingala. Saka niya marahang inangat ang parehong braso papunta sa kaniyang ulunan. Natigilan siya ngunit hindi ipinahalata ang gulat nang masalubong ang pamilyar nang ngiti.

Nakaupo roon na tila unggoy ang isang lalaki. Walang kahirap-hirap nitong naibabalanse ang sarili paupo sa sanga ng puno habang nakatunghay sa kaniya.

Gaya sa nakaraan, may nakatabing na maskara sa kaliwang bahagi ng mukha nito; kalahating tungko ng ilong, isang mata at kalahating bibig lang ang makikita. Hindi niya lubusang mamukhaan ang lalaki dahil parati nitong suot ang magkahalong kulay itim at tansong maskara na 'yon. Kulay tsokolate lang din ang parating suot nitong hanbok, gano'n sa mga komonero; payak, tulad ng uniporme niyang pang-ensayo.

Nagsalita ito gamit ang ikatlong lenggwaheng nalalaman ni Maxspaun; Korean, sinasabing napakaaga niyang mag-ensayo gayong wala pa ang tagapagturo niya.

Sumagot siya gamit ang kaparehong lenggwahe at inosenteng sinabi rito na nais niyang matuto meron man o walang tagapag-ensayo.

May maskara man, makikita sa mga mata ng lalaki ang paghanga. Hindi nga lang matukoy ni Maxspaun kung ano ang hinahangaan nito; ang kakayahan niyang sumagot anuman ang lenggwaheng gamitin nito o ang katotohanang hindi nakabase sa tagapag-ensayo ang kagustuhan niyang matuto. Isa lang ang sigurado siya, nananakit ang kaniyang batok habang nakatingala rito.

"Hindi ka ba natatakot maging rango?" tanong nito.

Si Maxspaun naman ang natigilan ngunit hindi uli nagpahalata. 'Ayun na naman ang tanong na iyon. Tinanong na rin iyon ng cheotjae, at ibang myembro ng kanilang pamilya ngunit hindi niya nasasagot.

Ang totoo, mas interesado pa siya kung hindi ba natatakot ang lalaki na mahulog mula sa puno. Napakahusay nitong magbalanse.

Kung gano'n, alam rin nito ang pangunahing lenggwaheng nakalakihan niya; Filipino. Bumuntong-hininga siya at umayos na sa pagkakatayo. Hinarap niya ang punong kinaroroonan nito at muling tiningala.

"Bakit po ako matatakot?" inosente niyang tanong, pilit pa ring iniisip kung ano ang tunay na itsura nito.

Ilang beses niya na rin itong nakaharap, ni minsan, walang namumuong itsura nito sa kaniyang isip. Tanging iyong itsura nito ngayon ang natatandaan niya. Bukod do'n, hindi niya alam ang pagkakakilanlan nito. Lalo na ang dahilan nito sa pagbisita sa kaniya.

"Dahil hindi madaling maging rango. Napakabata mo pa para mag-ensayo. Sa bansang ito, paglalaro dapat ang ginagawa ng mga batang nasa edad mo. Hindi mo ba naiisip 'yon?"

Sandaling napaisip si Maxspaun. "Ang mga kaedad ko sa bansang ito ay naglalaro po para malibang. Nalilibang po ako sa ginagawa ko, pareho lang po 'yon sa tingin ko..." hindi niya alam kung ano ang itatawag dito.

Ngumiti ang lalaki at nakangiwing tumango. "Wala kang ideya sa totoong ginagawa ng mga rango sa bansang pinanggalingan ng pamilya mo."

"Lahat po sa pamilya namin ay rango, pinaliliwanag nila sa akin ang tungkol doon at tinuturuan upang mapabilang sa mga iyon."

"Iba na ang mga rango sa bansang 'yon ngayon, at siguradong maski pamilya mo, walang ideya sa mga pinagbago."

Hindi sumagot si Maxspaun. Hindi siya nakikipagtalo, sinasagot niya lang ang totoo niyang dahilan.

"Hindi ka ba natatakot makaharap ang mahuhusay na rango na makakasama mo sa totoong ensayo?"

"Hindi po."

Umawang ang labi ng lalaki, napangisi sa pagkamangha. "Talaga? Ang mga bata sa Emperyo, umiiyak at nagmamakaawang huwag ipasok sa ensayo ngunit ikaw...hindi natatakot?"

MWhere stories live. Discover now