MAXSPAUN MOON : PART 6

Start from the beginning
                                    

"Opo." Pinadulas ni Spaun ang sarili sa sofa at nahiga. Tumitig siya sa kawalan at pilit pa ring iniisip kung ano ang nakapapagod sa paglalaro ng chess. Oo nga at nag-iisip siya roon, pero sigurado siyang hindi napapagod.

Tinitigan ni Deib Lohr ang anak at namangha dahil ilang saglit lang, nakaidlip na ito. Manang-mana talaga ito sa ina na kahit saan masandal, nakakatulog, pagod man o hindi.

Naiintindihan nga kaya ni Spaun ang dahilan? Nauunawaan kaya nito ang pinagdaraanan? Hindi si Deib Lohr ang makasasagot niyon. Tanging si Maxspaun ang makapagsasabi nang totoo pagdating ng panahon.

Maagang bumangon si Maxspaun kinabukasan pero nanatiling tulala habang nakaupo sa kama. Natatandaan niyang sa sala siya nakatulog. Siguradong ang kaniyang ama na ang nagbuhat sa kaniya papunta sa kwarto.

Hindi pa rin niya malimutan ang huling usapan nilang mag-ama kagabi. Batid din niya ang pakikinig ng ina bagaman hindi nagsalita.

Bukod do'n, may iba pang pinagkakaabalahan ang isip niya. Mahigit isang linggo na ang lumipas, nasa isip pa rin niya ang playground na sinasabi ni Zaydie.

Sa salitang "playground" pa lang kasi, parang napakarami nang pwedeng laruin. Syempre, may ideya siya sa playground. Alam niya na rin kung ano-ano ang posibleng laruin doon. Pero hindi niya alam ang pakiramdam na makapaglaro doon. Lalong hindi niya alam ang pakiramdam nang may kalaro.

Pero aanhin niya nga naman ang mga 'yon? Ano'ng silbi ng paglalaro kung hindi naman siya mag-eensayo? Mas kailangan niya ba ang paglalaro? Hindi ba't mas matutuwa ang mga magulang niya kapag sumunod siya sa usapan nila? Isa pa, kaya niya namang maglaro ng chess mag-isa. Nakalilibang din iyon at hindi siya nagsasawang gawin paulit-ulit. Iyon nga lang, maski iyon ay nililimitahan na ng kaniyang mga magulang.

Batid niyang gising na rin ang kaniyang ina, naririnig niya itong may kausap mula sa kwarto nito. Hindi nga lang niya maintindihan nang lubusan ang pinag-uusapan.

Napanguso siya nang maisip na ang mommy ni Zaydie ang kausap nito. Pinaaalam na marahil na ayaw niyang sumama sa birthday party nito.

Gaya nang nakasanayan niya, uminom siya ng tubig pagkabangon bago dumeretso sa paghihilamos. Kaswal niyang isinuot ang uniporme niyang pang-ensayo at sa huli ay sinuklay ang bagsak, pino at makintab niyang buhok.

Lumabas siya at saka dumeretso sa maliit nilang kamalig kung saan nakasalansan ang lahat ng gamit niya pang-ensayo. Kailangan niya nang matutunan sa lalong madaling panahon ang mga naituro ng eesa.

Sa susunod na linggo, ang Lola Heurt niya na ang mag-eensayo sa kaniya sa mga armas. Pero tulad ng kaniyang Lolo Mokz, wala siyang ideya kung ano-ano ang ituturo nito at kung paano siyang sasanayin.

Inihilera niya sa may kataasang mesa ang bawat armas na inilabas niya, may kabagalan at bali-baliktad pa. Ang lahat ng talim ng kaniyang pana ay nakaturo sa kaniya, gayong sa t'wing aayusin 'yon ng kaniyang pamilya, nakalayo ang talim sa katawan.

Kung si Maxpein ang mag-aayos ng mga iyon, siguradong isasalansan nito 'yon sa paraang mapadadali sa gagamit. Iyong kapag dinampot ang palaso, maipoporma na sa pana at maaari nang paliparin sa pagitan lamang ng segundo. Isa 'yon sa mga bagay na hindi pa napagtutuunan ng pansin ni Maxspaun ngunit siguradong mabilis nitong matututunan.

Matapos isalansan ang mga armas ay pinagpag ni Spaun ang parehong kamay sa pantalon ng kaniyang uniporme. Saka siya lumapit sa tudluan at iyon naman ang inayos. Siniguro rin niyang nasa ayos ang mga gulong na lulusutan at tatapakan niya para makapagsanay sa distansya. Maging ang mga nakalambiting palatandaan ay pinalitan niya nang bago.

Nang matapos ay saka siya tumayo sa ilalim ng puno at iginala ang paningin bilang paghahanda. Humugot siya ng malalim na hininga at nag-ehersisyo para masanay ang kalamnan niya at mga buto.

MWhere stories live. Discover now