Pakiramdam niya ay nadagdagan ang tiwala niya sa sarili nang hagurin ang sariling repleksyon sa salamin. Ternong sleeveless at knee-length wrap-around skirt in summer print ang suot niya. Preskong-presko siyang tingnan sapagkat bagay sa kanya ang kulay dilaw at berde na kumbinasyon ng tela.

Naglakad siya patungong main road ngunit mula roon ay kailangan niyang mag-tricycle papuntang Barangay Manoc-manoc. Alam naman ng driver ang pupuntahan niya kaya inaliw na lamang niya ang sarili na masdan ang mga dinadaanan.

Kung wala ang dagat ay tipikal ang tanawin sa bahaging iyon ng isla. Elevated nga lamang ang kalsada sapagkat may bahagi rin ang isla na tila bulubundukin.

"Dito na po," wika ng driver nang huminto sila sa tapat ng isang bungalow-style na bahay at walang bakod.

Nagbayad siya. Ilang sandali na siyang nasa tapat niyon ay hindi pa rin siya tumatawag. Tila wala namang tao. Tahimik ang paligid.

Anyo na siyang tatawag nang buhat sa isang gilid ng bahay ay may lumitaw na babae. Balingkinitan ang katawan at halos ka-edad lamang din niya. At sopistikada ang ayos.

Sa tingin niya ay sumungit ang ekspresyon nito nang hagurin siya ng tingin.

"Sino ka?" pormal na tanong nito.

"I'm Rachel. Gusto ko sanang makausap si Andrew."

Umarko ang kilay nito. "Bakit? Wala siya. Magbilin ka na lang kung gusto mo."

Umiling siya. "Personal, eh. Okay lang na maghintay ako dito kung hindi naman siya matatagalan sa pinuntahan niya."

"Bahala ka," kibit nito ng balikat. "Doon ka na sa terrace maghintay. Hindi ko kasalanan kung maiinip ka. Hindi ko alam kung anong oras siya darating."

Nauna na itong tumalikod sa kanya. Dama niyang disgusto siya nito subalit mas nakatutok ang isip niya na makaharap si Andrew.

Hindi pa man siya natatagalang makaupo sa bench ay may huminto pang isang tricycle sa tapat niya. Doon nabaling ang pansin niya at kagyat na lumarawan sa mukha niya ang pagtataka nang makitang si Andrew ang bumababa roon at may kasamang bata. Kung hindi siya nagkakamali sa pagtantiya ay tatlo o apat na taon lamang ang bata.

"Hi!" bati sa kanya ni Andrew na maluwang ang ngiting nakasilay sa mga labi. Naghahanap sana siya ng guilt expression nito ngunit hindi niya iyon makita sa anyo nito.

"Hi," ganti na lamang niya at muli ay napabaling ang tingin sa bata.

"This is my son Julian," proud na pakilala nito sa bata. "Son, meet this beautiful lady. Rachel."

"How are you?" bibong sabi nito sa matatas na tinig then he smiled at her charmingly. At wala siyang nagawa kung hindi ang ngitian din ito.

"I'm fine," wika niya rito at nag-angat uli ng tingin kay Andrew. "May anak ka pala."

"Yes. Siya ang dahilan kaya nagkaroon ako ng bahay dito sa isla. I could settle at the hotel pero gusto kong maranasan ni Julian ang atmosphere ng isang tahanan. Kahit na nga ba wala na ang mommy niya. Tara. Let's go inside."

Maluwang at masinop ang buong sala. Kapos sa feminine touch ang mga dekorasyon kaagad niyang napansin. Tanaw ang komedor at kusina na nahahati lamang ng divider. Hanggang doon ay uambot ang paningin niya upang hanapin ang babaeng nauna na niyang nakausap kanina.

"Why are you doing here?" biglang tanong sa kanya ni Andrew nang mapagsolo sila roon. Si Julian ay nauna nang pumasok sa bahay at nagpaalam na magpapalit ng pambahay. Naka-uniporme ito kanina ng isang prep school.

Kahit naman alam na niya ang pakay niya sa pagpunta roon ay nagitla pa rin siya sa walang abog na tanong na iyon ni Andrew. Hindi niya kayang pagbasehan ang tono nito kung hindi man nito nagustuhan ang pangangahas niyang iyon sa pamamahay nito.

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairWhere stories live. Discover now