At bagama't masakit sa loob niya, tinanggap na lamang niya ang sinabi ng kanyang tiyo.

Na hindi na interesado si Andrew sa kanya.


HALOS bahagya pa lang nakakatulog si Rachel nang gambalain siya ng mga katok. Alarmado kaagad ang pakiramdam niya. Nasa ibang lugar siya at hindi niya iniisip kung ano ang matinding dahilan upang may kumatok sa pinto sa dis-oras na iyon ng gabi.

Sa halip na tunguhin niya ang pinto ay nanungaw siya sa bintana. May sunog ba? tanong niya sa sarili. Ngunit payapang-payapa ang gabi sa Boracay. Tanging tunog ng mabining alon ang naririnig niya.

At umagaw doon ang tila nag-aapurang mga katok.

"Sino iyan?" tanong niya muna. Nakatitig siya sa kandado ng pinto. Secured naman iyon.

"Ako."

Hindi na kailangang mapikon siya sa sagot na iyon. Kilala na niya kung kanino ang boses na iyon ngunit wala pa rin siyang intensyong pagbuksan ito ng pinto.

"Go away, Andrew," taboy niya dito.

"Open this door, Rachel," sa halip ay sabi nito na puno ng awtoridad.

Isang malalim na paghinga ang ginawa niya bago tumalima.

"Bakit?" walang tonong tanong niya. Naibukas na niya ang pinto subalit nanatili namang nakaharang ang katawan niya sa awang na ginawa niya roon.

Tumaas naman ang sulok ng labi ni Andrew. "Relax, Rachel. Wala akong gagawing masama. Gusto lang sana kitang makausap. At ibigay sa iyo ang mga ito. Other than that, wala na akong iba pang interes."

Isang maliit na botelya ang ipinakita nito sa kanya. Wala siyang ideya kung ano iyon. At wala rin doon ang pansin niya. Mas matining sa isip niya ang kaprangkahang tinuran nito.

"Hindi kita pinagbuksan ng pinto para insultuhin ako. At kung may sasabihin ka sa akin, hindi ba iyon maaaring mamaya na lang pagsikat ng araw? Gaano ba iyon ka-importante para kumatok ka sa dis-oras ng gabi?" mataray na ulos niya.

Tila hindi naman apektado si Andrew ng pagtataray niya. Iniabot nito sa kanya ang botelya.

"Painkillers," anito. "Umaatake ang migraine mo, hindi ba?"

"Sino ang maysabi sa iyo?"

"Si Miss Bennet. Nakita ko siyang papaakyat sana rito. Nag-aalala siya dahil hindi ka naman daw nanghingi ng gamot sa ibaba. It's either may dala kang gamot o tinitiis mo lang."

"Akala ko magna-night out siya. Inaya pa nga niya ako."

"She did pero kaagad ding bumalik dito. Anyway, I offered myself na magdala dito ng gamot."

"Why?"

"I want to talk to you, that's why. Now, papapasukin mo ba ako, o hahayaan na lang na nakatayo dito. Any moment, may guest na maaaring mapadaan dito at marinig ang anumang pinag-uusapan natin."

"Kung naniniwala kang umaatake ang migraine ko, sa palagay mo ba makaka-us-ap mo ako nang matino?"

"Looking at you right now, I think lumipas na ang pinakamatinding atake kung nagkaroon man. I'm sure you're perfectly well para makausap."

"Inaantok na ako."

"I don't think so" kontra nito. "And Rachel, hindi ako aalis dito hangga't hindi nasasagot ang mga katanungan sa isip ko. You owe me an explanation."

"Owe you?" mapakla niyang sabi. "Besides, nagkaharap na tayo kanina at nagkausap."

"Pag-uusap na ang tawag mo roon? For me, it's just a little introduction. Alam mo kung ano ang ibig kong tukuyin, Rachel. It's about the thing we have shared some six years ago."

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairWhere stories live. Discover now