At nang pumasok siya sa fitting room ay maya't maya na ang ginawang pag-aabot ng tindera sa kanya ng iba't ibang klase ng jeans. Madali marahil hulaan ang size niya kaya lahat naman ng isukat niya ay fit kaagad sa kanya.

Lahat naman ay gusto niya pero nagdesisyon siyang dalawang pares lang ang kunin. Nang lumabas siya ng fitting room ay dumeretso na siya sa counter.

"Girlie, charge them to my account," maagap na wika ni Andrew nang makitang babayaran niya iyon.

"Pero—"

"Huwag mong intindihin iyon. Tara. May masarap na kainan ng pasta sa kabilang building. Let's try it. Alam kong malapit ka nang magsawa sa pancit." Ngumiti pa ito na tila ba wala siyang karapatan na tumanggi pa.

At hindi sapat ang buong araw para malibot nila ang bahaging iyon ng Hongkong. At kahit na hindi niya ito gaanong kilala ay napalagay ang loob niya na kasama ito. At aaminin niyang kahit na hindi sana siya interesado noong una ay natagpuan rin niya ang sariling nag-e-enjoy sa lakad nilang iyon ng binata.

May mga sandaling iniisip ni Rachel kung ano ang ginagawa ng tiyo gayong sila ni Andrew ang magkasama. Inaya din naman ito ni Andrew subalit tumanggi at idinahilang sumusumpong ang kulo ng tiyan. Alam niyang mahina ang panunaw ni William ngunit nagduda rin siya nang sabihin nito iyon.

Pagbalik nila sa flat ay naghihintay sa kanila roon si William. Hindi nito pinansin ang ilang shopping bags na bitbit nila. Ang dalawang pares ng jeans na ibinigay sa kanya nito ay nadagdagan pa nang lumibot pa sila sa iba't ibang malls.

Sa labis na pagod ay hindi na niya nagawang makipag-usap nang matagal sa tiyo. Nagpaalam na siya upang mamahinga. Nang tumayo siya ay naringgan naman niya ang dalawa na nagbukas ng paksa tungkol sa trabaho sa pagitan ng mga ito.

Kinabukasan ay sa Ocean Park naman ang tungo nila. At ang pagsakay niya sa cable car ang isang bagay na hindi niya makakalimutan.

Ang alam niya ay hindi siya malululain. Subalit nang sandaling nakasakay na siya sa cable car ay tila umakyat na ang lahat ng hangin sa ulo niya. Hindi niya malaman ang gagawin. Naroong itingala na lamang niya ang ulo upang hindi na makita ang tila kay lalim na pinanggalingan nila.

"Rachel," mahinang tawag sa kanya ni Andrew na napansin ang pagbabago ng kilos niya. "Afraid of heights?"

"Dati naman hindi," depensa pa niya at tinawanan ang sariling sinabi. "Pero napakataas naman kasi ng lugar na ito."

"This is safe. Nothing to worry about. Come here." At hustong natapos ni Andrew ang pangungusap na iyon ay nakabig na siya nito upang mapalapit sa dibdib nito.

Hindi niya napaghandaan ang magiging epekto ng paghawak nito sa kanya. Sa mga nakaraang araw ay tila nasanay na siya sa mga pag-alalay nito sa kanyang siko. Subalit ang halos mapayakap na rito ay ibang-iba.

Wala siyang ideya kung anong klase ng elektrisidad ang kagyat na nanulay sa kanyang ugat. Masarap ang kilabot na iyon na gumapang sa kanyang gulugod. At idagdag pa sa sensasyong nararamdaman niya ang panunuot sa ilong niya ng suwabeng samyo ng cologne na gamit nito.

Tila namamalikmata pa siya nang tingalain ang binata. No man had ever had this effect on her before. Kaya naman hindi niya alam kung paano gagawing hindi katawa-tawa ang kanyang reaksyon.

Andrew smile lazily. Tila hindi naman nito pinansin ang pagka-asiwang bumalot sa kanya at bagkus ay naaaliw pang hinaplos ang buhok niya habang ang isa naman nitong kamay ay nakalapat sa likod ng bewang niya.

Napalunok si Rachel. Naguguluhan siya sa nararamdaman ng sariling katawan sa ganoong kilos sa kanya ni Andrew. At upang paghupain ang hindi niya maintindihang pakiramdam ay tinangka niyang kumawala sa hawak nito.

Hindi niya alam kung isang pagkakamali iyon. Sapagkat sa mismong pagkilos niya ay lalo naman niya naramdaman ang paghapit ni Andrew sa kanya. Nang tingalain niya ito ay ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata.

Waring wala nang distansya na natira sa pagitan ng kanilang mga mukha. Ang mga labi nila ay halos magkadaiti na. At hindi kalabisang sabihin na nagkakapalitan na sila ng hininga.

When she inhaled, she felt her lips lightly brushed on him. At ang munting kilos na iyon ang lalo pang pumuno sa sensasyong nararamdaman niya.

Napatitig siya rito na tila doon hinahanap ang eksplanasyon sa estranghero niyang pakiramdam. Ngunit nang magtagpo ang kanilang mga mata ay lalo pang nagulumihanan ang isip niya. Hindi niya kayang tumbasan ng salita ang emosyong nasa mga mata nito. Iisa lang ang kaya niyang hulaan. Na anumang sandali ay tuluyang dadampi ang mga labi nito sa kanya.

At bago nga ganap na matapos sa isip ni Rachel ang ideyang iyon ay nakita niyang lumapit pa ang mukha nito sa kanya. Magaang humaplos sa mga labi niya ang labi nito.

Awtomatiko na siyang napapikit. Umagaw na sa likod ng isip niya ang kasabikang maranasan ang sinasabing unang halik. She was twenty-one and yet, ni boyfriend ay hindi pa siya nagkakaroon.

At dumiin nga ang dampi ng mga labi ni Andrew sa kanya. Biglang-bigla iyon na tila isinubsob si Andrew sa kanya at malamang na nawalan sana ito ng balance kung hindi sa maagap na paghawak sa isang panig ng fiberglass.

At kagyat siyang napadilat. Noon niya namalayan ang bahagyang ugoy ng cable car tanda nang pag-andar nito. Noon lang din siya tila nabalik sa realisasyon. Nahihiya siyang salubungin ang mga tingin ni Andrew kaya kahit na nalulula siya ay tiniis niya ang sarili upang makaiwas sa binata.

Hindi naman pinatulan ni Andrew ang pagpapalit ng mood niya. Nagpatay-malisya ito at ginawang tour guide ang sarili na bawat magandang bagay ay itinuturo sa kanya.

Naaaliw naman si Rachel dito. Halatang second home na ni Andrew ang Hongkong sapagkat marami na itong alam sa lugar na iyon. At hindi nagtagal ay nabalik ang pagiging at ease niya sa binata.

Ang buong maghapon na ginugol nila sa Ocean park ay mahirap niyang makalimutan. Bagama't nararamdaman pa rin niya ang sexual awareness nila sa isa't isa ay hindi naman iyon naging hadlang upang makaranas siya ng boredom sa pamamasyal nilang iyon.

Pabalik sa Kowloon peninsula ay naramdaman na niya ang ekstrang atensyon ibinibigay sa kanya nito. Nang sumakay uli sila sa cable car ay tila natural na rito na alalayan siya. At hindi basta alalay lang. Sa mismong bewang niya ito nakahawak ay talagang nadarama niya ang higpit ng paghapit nito.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum