"Naiintindihan kita Yana. Kahit sino naman sa sitwasyon mo. Mayroon ka pa namang sapat na panahon upang makapagdesisyon ng maayos para riyan. Huwag mong madaliin ang kahit ano. Maski ang nararamdaman mo."

Nararamdaman ko? Wala naman akong nararamdaman para kay Luci. Oo crush ko siya. Pero hanggang doon lang naman yata iyon. Sana.

Pero tama siya. Wala din namang sinabi sa akin sila Luciano na kailangan ko ng magdesisyon tungkol sa kasal na sinasabi niya.

"Sa tingin ko kailangan niyo talagang mag-usap ng masinsinan upang mas makilala niyo ang isa't-isa at maipaliwanag rin niya ang dahilan sa kaniyang pagdedesisyon na magpakasal na kayo." Dagdag niya.

Tama ulit siya. Iyon din ang isa sa naiisip kong gawin. Ang kausapin si Luci at pakinggan ang dahilan niya.

Siguro bukas ko na lang kakausapin si Luci.

"Tama ka. Kailangan nga namin sigurong mag-usap. Pero hindi pa din ako natutuwa sa padalos-dalos niyang desisyon. Pero sige, kakausapin ko siya." Tulala kong ani kay Lorena na ngumiti lang at hinawakan ng marahan ang kamay kong nakapatong sa may hita ko.

"Maraming salamat Marianna dahil kahit ilang taon na tayong hindi nagkita ay hindi ka nagbago ng pakikitungo sa akin at handa ka pa ring makinig at magbahagi sa akin ng mga nilalaman ng iyong isipan." Aniya na sinuklian ko naman din ng ngiti.

Nagpapasalamat din akong nagkaroon ng kaibigan sa katauhan niya na handang makinig sa mga hinanaing ko at sa kaniyang pagbibigay ng mga payo.

"Maraming salamat din sa'yo Lorena dahil patuloy ka pa ring nakikinig sa aking mga hinaing at sa iyong mga binibigay na mga payo." Pagpapasalamat ko sa kaniya. Nagngitian na lang kami at natawa ng mahina kahit wala namang nakakatawa.

"O siya. Matulog ka na. Paniguradong pagod ka pa sa biyahe mo at sa mga nangyari kanina. Maiwan ka na namin. Maging payapa nawa ang iyong pagtulog. Magandang gabi amiga." Paalam ko sa kaniya tsaka kami umalis ni Au sa kwarto ni Lorena.

***

Kinabukasan, maaga akong nagising. Tulog pa si Augusta sa tabi ko ng magising ako. Nag-ayos na ako bago lumabas.

Hindi ko na ginising pa si Au ng lumabas ako dahil mahimbing pa siyang natutulog doon.

Naglakad lakad lang ako sa loob ng mansyon. Alam kong maaga din kung magising si Luci dahil ng mga nakaraang araw ay ginigising niya na ako ng alas kwatro pa lang ng umaga.

Sa katunayan ay medyo madilim pa ang paligid ngayon. Kinuha ko pa nga yung isang lampara na nasa tabi ng pinto namin para makita ko ang daanan ko.

Paglabas ko ng kwarto ay nagulat pa ako ng may makitang maliwanag na ilaw sa may terasa. Out of curiosity ay pinuntahan ko iyon.

"Sino ka?" Tanong ko sa bulto ng lalaki. Lumingon siya sa akin.

"Ikaw lang pala." Napahinga ako ng maluwag ng makitang si Luciano lang pala iyon.

Maaga nga siyang nagising ngayon. Nakatayo lang siya sa may terasa habang may hawak na isang tasa ng kape na tinimpla niya yata kanina.

"Isang himala na maaga ka ngayong magising. Naunahan mo pa ang pagtilaok ng manok." Ngisi niya.

Ayan na naman siya sa pang-aasar niya.

"Himala nga. Tulog pa nga si Au sa kwarto. Iniwan ko na muna at hindi muna siya ginising. Babalik din naman ako agad doon bago sumikat ang araw." Ani ko. Napailing na lang siya sa akin.

La PeleaWhere stories live. Discover now