Bumuntong-hininga ako. "Caleb, gusto kong maging architect."

"E di maging architect ka!"

Tiningnan ko siya at bumuntong-hininga ulit ako.

"Sana ganun lang kadali 'yun."

"Hindi naman talaga madali eh. Pero kung gusto mo talaga, gagawin mo ang lahat para magawa mo 'yun."

"Pero mahirap lang kami at mahirap na course ang gusto ko. Kung makakuha man ako ng scholarship, kailangan kong i-maintain ang grades ko para hindi mawala ang scholarship ko. Dahil pag wala akong scholarship, hindi namin afford ang tuition fee. Mapipilitan akong mag-shift ng course. Baka bigla lang ako mamili ng pang two-year course. Ayokong ma-disappoint. Masakit."

"Hmmm," napahawak si Caleb sa baba niya.

"Actually si Owen ang nagpa-realize niyan kanina sa akin. Nakakahanga kung gaano siya ka-practical mag-isip. Tingin mo, mas okay kaya kung ibang course na lang 'yung kunin ko? 'Yung safe at alam kong kaya ko?"

Tumango si Caleb, "oo, mag-change course ka na lang."

Napatahimik ako.

Ewan. Ang bigat sa pakiramdam eh. Alam mo 'yung gustong-gusto mo ang isang bagay pero hindi mo naman pwedeng makuha? 'Yung alam mong deserving ka para doon pero hindi siya para sa'yo eh.

Kung si Caleb nga na laging positive sa buhay eh sinasabi na magpalit na ako ng course, ibig sabihin, 'yun na talaga ang dapat kong gawin.

"Tingin mo? Ayun na ba talaga ang tamang gawin?"

"Right! Ang malalaking pangarap na tulad niyan ay hindi pwede para sa mga duwag na katulad mo."

Napalingon ako bigla sa kanya at napasimangot ako, "Ano? Duwag?"

"Oo. Bakit, hindi ka ba duwag? Ayaw mong masaktan at mag-take ng risk 'di ba? Ang gusto mo, naroon ka lang sa safe zone. Kaya oo, duwag ka nga."

Hinarap ko si Caleb.

"Hindi pagiging duwag ang pagiging praktikal. 'Wag mo akong husgahan. Hindi ko alam kung ano ka, pero ako? Tao ako. Marunong akong matakot at mag-alala. Ayokong magipit kami nang dahil sa akin. Hindi mo ako naiintindihan!"

Tinalikuran ko si Caleb at naglakad ako palayo sa kanya. Naramdaman ko ang pag-init ng mga mata ko na hudyat na may namumuo nang mga luha dito. Agad kong pinunasan ang mata ko. Nakakainis! Ba't ganyan siyang magsalita? Masyadong matalim.

Naramdaman ko na hinawakan ni Caleb ang braso ko at iniharap niya ako sa kanya. Nakita ko ang gulat sa mata niya nang makita niya na umiiyak ako.

"Angelique..."

Tinabig ko ang kamay niya.

"Palibhasa nakatira ka sa magandang lugar kaya hindi ka nakakaramdam ng takot. 'Wag kang magsalita na para bang may alam ka sa mundo ko!"

Napalayo ng konti sa akin si Caleb at nakita ko na nasaktan siya sa sinabi ko.

Parang na-guilty tuloy ako.

Bakit ako ang ma-gi-guilty?! Siya naman ang nauna!

"Sorry kung masyadong harsh ang pagkakasabi ko sa'yo pero hindi ko babawiin 'yun, Angelique. And please, sana 'wag mo ring husgahan ang kalagayan ko. Wala kang alam."

Napaiwas ako ng tingin.

Oo nga pala. Itong lalaking 'to, gabi-gabi akong hinihintay sa isang madilim na lugar. Hindi siya umaalis doon para sa akin. Kahit nakakatakot, kahit wala siyang nakikita.

Lucid DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon