"Agua?"

Kaagad na lumingon kay Malayah ang babae at sinalubong ang nagtataka niyang tingin. "Malayah?" Pinagmasdan nito mula ulo hanggang paa ang dalaga. "Malayah, ikaw nga!" Bulalas ni Agua at niyakap ang kaibigan.

Nang makabitiw ay binato ni Aran ng mga tanong ang babae. "Hindi ba't isa kang sirena? Paano ka nagkaroon ng paa? Paano ka nakarating dito? At ang buhok mo..."

Sa halip na sagutin ay nginitian siya ni Agua bilang pagbati bago batiin din ang dalawa pang kasama. "Kayo sina Lakan at Sagani, hindi ba?" Bumaling itong muli kay Aran. "Sa pagkakatanda ko ay hindi ka nila kasama sa Subic. Ano ang iyong ngalan?"

"Ako si Aran. At hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko."

"Ah," bahagyang napabungisngis si Agua, "Mahabang kwento. Kung nais ninyo ay ikwento ko sa daan? Halikayo't patutuluyin ko kayo sa tinitirhan ko dito sa Talibon."

Hinigit ni Agua ang braso ni Malayah at ipinulupot ang kanyang kamay rito habang naglalakad. Nagkatinginan naman ang tatlo bago tuluyang sumunod.

Inilahad ni Agua kung paano siya nakarating sa Talibon. Saad niya ay simula nang gawin nila ni Malayah ang orasyon upang mapalitan ang kanyang buntot ng mga paa ay hindi na ito muling bumalik sa dati kahit pa akala nila'y sa pagsikat ng araw ay mawawalan na ito ng bisa.

Bumakas ang pagkagulat at pagsisisi sa mukha ni Malayah nang marinig ito ngunit kaagad naman itong iwinaksi ni Agua. "Huwag mo nga akong tingan nang ganyan," wika ng dating sirena at bahagyang tumawa. "Sa totoo lang ay nagugustuhan ko na ang mga paa ko kung kaya't wala kang dapat ikabahala."

Nakahinga ng maluwag si Malayah rito. Matagal niya nang pinagsisisihan ang kanyang ginawa noon na pagtataksil sa Subic at hindi niya mapapatawad ang sarili sa oras na malamang may iba pang nilalang ang naapektuhan ng naging mapangahas niyang kilos noon.

"Ngunit tila nakapagtatakang sa dinami-rami ng lugar ay dito ka namin muling makikita."

Napalingon si Agua kay Lakan at nagkibit-balikat. "Marahil ay nagkataon lamang--Narito na pala tayo!"

Narating nila ang isang bahay na gawa sa kawayan. Nakatayo ito sa gitna ng malawak at masukal na lote dahilan upang magmukha itong maliit at malayo sa iba pang mga kabahayan. "Ang bahay na ito'y sa isang kaibigan. Dito ako pansamantalang naninirahan. Tuloy kayo!"

Binuksan ni Agua ang pinto at bumungad sa kanila ang madilim nitong loob. May pinindot ang dating sirena sa itaas na pader dahilan upang umilaw ang isang bumbilya at lumiwanag ang malinis at maluwang na loob ng tahanan.

"Pasok kayo at ipaghahanda ko kayo ng makakain."

Kakaunti lamang ang mga kagamitan na naroon sa bukana. Isang maliit na porselanang lamesa sa harap ng mahabang sopá, mga puting kurtina na nagkukumbli sa pader na gawa sa kawayan, at isang malapad na playwud na nagsisilbing dibisyon ng bahay. Sementado ang sahig at mapapansin ang masinop na pagkakawalis dito.

"Wala ka bang inaasahang bisita ngayon? Baka makaabala kasi kami." Usal ni Aran nang ilapag ni Agua ang isang balot ng tinapay kasama ang mga basong nakapatong sa isang plato.

"Wala naman," kunot-noong saad ni Agua. "Paano mo naman nasabi?"

"Napakalinis kasi ng bahay mo. Naiisip ko lang na baka may inaasahan kang dumating."

Ilang sandaling pinagmasdan ni Agua ang mga kasama at tsaka bahagyang tumawa. "Ah, wala 'yon. Masinop lang talaga ang kaibigan kong may-ari nito," wika niya at naglakad patungo sa kusina.

"Nasaan nga pala ang kaibigan mo? Mukhang wala siya rito?" Tanong naman ni Lakan nang muling bumalik si Agua dala ang sisidlang may mainit na tubig.

"Tiyak akong pabalik na iyon mula sa trabaho. Mamaya ay ipapakilala ko kayo sa kanya."

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon