25. Sa Dagat Kung Saan Nagsimula

Začít od začátku
                                    

"Sa kabila ng mga nalaman ko, hindi pa rin nito nababago ang katotohanang ama ko si Papa. Siya na lamang ang pamilya ko. Hindi ko siya susukuan."

Nakatalikod man mula sa kanya ngunit ramdam ni Sagani ang sinseridad sa mga salita ni Malayah. "Paano ang tunay mong pamilya? Hindi mo ba sila hahanapin?"

Rinig ang tunog ng porselanang mangkok nang pabagsak itong naibaba ni Malayah sa lababo. Sa pangalawang pagkakataon, nais bawiin ni Sagani ang mga salitang binigkas. Mula sa likod ay pinagmasdan niyang mapabuntong-hininga ang dalaga. Humarap ito sa kanya.

"Hindi ko alam kung bakit o kung ano ang dahilan ngunit sa loob ng dalawampu't isang taon ay hindi man lang kami nagkatagpo ng landas." Isang ngiti at pag-iling ang ibinigay ng dalaga kay Sagani. "Hindi ko sila nais kilalanin."

--

"Ayun, makakalangoy ulit ako!" Usal ni Aran at kaagad na tumalon sa dagat suot ang isang puting sando at itim na korto.

Napailing si Malayah at pinunasan ang mga patak ng tubig na tumalsik sa kanyang mukha. "'Yung totoo, may lahi bang sirena ang isang 'yon?"

Bahagyang natawa si Lakan na ngayon ay nakatayo na sa tabi ng dalaga. Nakasuot ito ng luntiang kamisa at may salakot sa ulo, pananggalang sa init. "Nais mo ring lumangoy?"

Isang matamis na ngiti ang marahang nakakurba sa mga labi ng binata. Sinulyapan ito ni Malayah ngunit kaagad ding umiwas. "Hindi ako marunong lumangoy."

Naglakad si Lakan patungo sa dulo ng kawayang sahig, ibinaba rito ang suot na salakot, at lumusong sa tubig. Humarap siyang muli kay Malayah, hanggang dibdib ang lubog sa dagat. "Kung ganoon ay tuturuan kita."

Hindi kaagad na kumibo ang dalaga ngunit kalaunan ay tumango rin siya. Naglakad siya papalapit at umupo sa dulo ng kawayang sahig dahilan upang magtagpo ang tubig at ang kanyang mga binti. Humawak siya sa balikat ni Lakan bago tuluyang lumusong.

Napahigpit ang kapit ni Malayah nang walang maramdamang kahit anong apakan sa ilalim ng kanyang mga paa. Tila ubod na ng lalim ang parte ng dagat na kanilang kinalalagyan.

Unti-unting lumangoy palayo si Lakan habang sumusunod naman si Malayah, nakakapit pa rin sa balikat nito. Huminto sila ilang dipa mula sa lumulutang na isla at di kalayuan sa naglalanguy-languyang si Aran. Malapit lamang sa daungan ng Makitan ay naroon din si Laon kasama ang kanyang kapatid na si Linsana na masayang nagtatampisaw. Naroon din si Sol, nakaupo sa hangganan habang nakababad ang mga paa at nakikipagtawanan sa dalawa.

"Malayah, ano iyan?"

Kaagad na napalingon ang dalaga kay Lakan. Nakatitig ito sa lumiliwanag na kwintas sa kanyang didbib habang nakalubog sa tubig. Natauhan si Malayah at tila ba ngayon lamang naalala ang tungkol sa mahiwagang kwintas ng alapaap at ang kakayahang ibinibigay nito sa kanya.

Bumitiw siya sa balikat ng binata at sumisid sa malalim na dagat. Kunot-noo, kaagad na sinundan ito ni Lakan.

Hinawakan ni Malayah ang umiilaw na palawit ng kwintas. "Binibigyan ako ng kwintas na ito ng kakayahang makahinga sa tubig." Hinarap niya ang binatang bakas ang gulat sa mukha. Nais mang kumibo ngunit nasa ilalim siya ng tubig.

Lumangoy si Lakan papalapit kay Malayah at hinawakan ang kanang braso nito. Lumangoy sila paahon.

Ngunit kahit wala na sa tubig ang bibig ay hindi pa rin nagawang kumibo ni Lakan. Pinagmasdan niya lamang ang dalaga at ang kwintas nitong nawala ang liwanag nang iniangat mula sa tubig.

Hindi siya makapaniwala. Isa si Amihan sa mga unang diyosa ng sansinukob at isa sa mga pinakamatandang agimat ang kwintas ng alapaap. Marahil ay higit pa sa natuklasan ni Malayah ang kakayahan nito, sino ang nakakaalam?

"Nais mong subukan?" Kaagad na hinawakan ni Lakan ang mga kamay ni Malayah upang pigilan itong tanggalin ang kwintas.

"Huwag mong huhubarin." Kaagad na usal nito na ipinagtaka ng dalaga. "Kahit kailan ay huwag mong aalisin sa iyo ang kwintas, Malayah."

Nais ng dalaga na tanungin kung bakit at kung ano ang dahilan. Ngunit sa mga seryosong titig ng binata ay napagdesisiyunan niyang itikom na lamang ang bibig at tumango.

Hindi kalaunan ay napagdesisyunan na nilang umahon. Unti-unti nang kumukulay ang kahel sa langit 'di nalalayo sa guhit-tagpuan. Umahon na rin mula sa tubig ang iba pa at ang mga batang kanina'y masayang nagsisipaglaro ay isa-isa nang umuuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Ibinalot lamang ni Malayah sa kanyang sarili ang isang tuwalya at nagpaiwan sa daungan habang ang kanyang mga kasama ay nagsisipag-palit na ng mga kasuotan.

Muli siyang humarap sa papalubog na araw. Hindi niya alam kung ang katahimikan na bumabalot sa sandaling iyon o ang paparating na kadiliman ang sanhi ng kanyang biglaan at walang kadahilanang kalungkutan.

Ang mga tao ay nagsisipasukan na sa kani-kaniya nilang mga tahanan. At napapaisip si Malayah, saan naman siya uuwi? O may tunay na tahanan ba siyang matatawag?

Sa totoo lang, hindi sigurado ni Malayah kung totoo nga ang kanyang mga sinabi kay Sagani. Wala nga ba talagang mababago dahil sa mga nalaman niya? Hindi sigurado ang dalaga. Tila ang lahat ng tapang at lakas ng loob na mayroon siya kanina ay unti-unting sinasama ng araw palubog.

Ang mga mata ng dalaga'y nadapong muli sa payapang dagat. Inilapag niya sa kawayang sahig ang tuwalya at hinubad ang kanyang mga sapin sa paa bago lumusong muli sa malamig na tubig.

Hindi niya alam. Ang nasa kanyang isipan lamang ay ang katotohanang sa dagat na iyon mismo huling natagpuan ang kanyang ina. Nais niyang makita ito. Marahil ay umaasa siya, sa lahat ng hiwagang natunghayan, ay maaari ring mangyari itong kanyang isang hiling.

Ipinikit niya ang mga mata at hinayaan niyang hitakin siya ng grabidad sa pinakamalalim na parte ng dagat. Nang iminulat niya ang mga mata ay purong karimlan at tanging ang liwanag lamang mula sa kwintas ang kanyang nasisilayan.

Ngunit pati ito ay biglang nawala nang isang malakas na pwersa ang nagpatilapon sa kanya sa buhanginan ng malalim na dagat at ang maninipis na tali ng kwintas ay kumawala mula sa kanyang leeg.

Kaagad siyang napahawak sa kanyang leeg nang lahat ng hangin sa kanyang sistema ay kinapos. Agad niyang sinubukang lumangoy paahon ngunit tila isang damong dagat ang ngayo'y nakalinggis sa kanyang kanang paa.

Hinanap niya ang gatiting na liwanag na nagmumula sa nahulog na kwintas ngunit wala ito kahit saan. Tumingala si Malayah, umaasang masilayan ang liwanag ng asul na kalangitan ngunit ang kanya lamang nasaksihan ay ang malabong nining ng bilog na buwan...

At ang pagbalik muli ng dapit-hapon.

***

MalayahKde žijí příběhy. Začni objevovat