21. Sa Daluti

Magsimula sa umpisa
                                    

Hindi ugali ni Malayah ang makialam sa iba. Ngunit hindi niya namamalayan na mayroong bahagi niya ang tila nagbabago. Mayroon sa kanyang kaibuturan na nais intindihin ang lahat. Sapagkat sa mga paglalakbay ay napagtanto niya na lahat ng bagay ay may dahilan.

Hindi siya sigurado kung kailan pa. Kailanman ay hindi niya tinanong ang nuno sa punso malapit sa kanyang eskwelahan kung bakit ayaw nitong magpakita kaninuman. O alamin kung saan nga ba nakatira ang kaibigang duwende na si Pino na parati lamang sumusulpot.

Hindi siya interisadong intindihin ang mga bagay na wala namang kinalaman sa kanya. Ngunit unti-unti iyong nagbabago.

Marahil ay simula noong iniligtas siya ni Lakan kay Mariang SInukuan kahit pa tinakasan at ninakawan niya ito. O kaya naman noong sinubukan niyang mag-isang kuhanin ang hiyas at iwanan sina Lakan at Aran, na noon ay nagpapanggap pang si Sagani. At sa kabila ng lahat ay naiintindihan pa rin nila kung bakit niya ito ginawa.

Marahil ay dahil mayroong iba na sinusubukan siyang intindihin kung kaya't nais niya ring maintindihan ang iba.

Inalis ni Malayah ang braso mula sa pagkakahawak ni Sagani at naglakad palapit sa isang bahay. Pagbalik ay may dala na siyang isang bangka. Kunot-noo siyang pinagmasdan ng binata.

"Anong ginagawa mo?" Kunot-noong tanong ni Sagani nang ibinaba ng dalaga ang bangka sa tubig at sumampa rito.

"Nais kong tingnan ang kabilang isla."

"Hindi ka maaaring pumunta doon nang mag-isa."

Napangisi si Malayah. "Kung ganoon ay sumama ka."

--

Hindi maiwasang mamangha ni Malayah nang makaapak sa buhanginan ng dalampasigan ng isla. Walang masyadong mga tao sa labas ngunit mayroong iilang mga bata ang abala sa paglalaro at hindi sila napapansin.

Maraming mga bahay na nipa ang nakatayo di lamang kalayuan sa pampang. Ang mga puno ng buko ay matatayog na nakatayo sa paligid. Kung papansinin ay mas maliit pa ang isla kaysa sa lumulutang na baryo ng Makitan.

"Malayah, hintayin mo ako!" Usal ni Sagani nang kaagad na naglakad palayo ang dalaga nang makababa sa bangka.

Dumiretso si Malayah papasok sa eskinita ng mga bahayan. Lumingon siya sa kanyang likod at napangisi nang makitang sumusunod sa kanya si Sagani.

Ngunit naging abala siya sa pagmamasid sa dinaraanan kung kaya't nang lumingon siyang muli sa kanyang likod ay hindi na nakasunod ang kasama. Marahil ay ayaw talaga nitong pumunta rito kung kaya't bumalik na sa Makitan at dahil sa inis ay iniwan si Malayah. O kaya naman ay masyado siyang mabilis maglakad kung kaya't hindi nakasabay ang kasama.

Bumalik siya sa paglalakad at inilibot ng tingin ang kinaroroonan. Nakapagtataka lamang sapagkat karamihan sa mga bahay ay sarado at wala siyang nakakasalubong na mga taong naninirahan dito.

Nagpasya siyang tumalikod upang bumalik na sa pampang at umuwi sa Makitan ngunit nauntog lamang siya sa malaking lalaki na nakatayo ngayon sa kanyang harapan. Kaagad na napaatras si Malayah. Inabot niya sa likod ang kampilan ngunit nagulat siya nang wala na ito sa kanyang sisidlan.

"Ito ba ang hinahanap mo?" Tanong nito hawak ang kampilan nang may ngisi sa mga labi.

Umatras si Malayah at dahan-dahan namang lumapit sa kanya ang lalaki. Kaagad niya itong sinugod at dahil sa pagkabigla ay hindi nakaiwas ang malaking lalaki. Pinilipit ni Malayah ang kanang kamay nito dahilan upang impit itong mapasigaw. Pagkaraan ay sinipa niya ito at nang matumba ang lalaki ay tumakbo siya palayo.

Ngunit ilang sandali pa lamang ng pag-alis ay naramdaman na niyang may sumusunod sa kanya. Nilingon niya ito at laking gulat nang limang lalaki na ang humahabol sa kanya.

MalayahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon