Noong lunch, hindi rin ako bumaba at sumabay sa mga workmates ko. Nanatili ako sa lamesa ko, nakadukmo at nakapikit. Wala akong gana kumain. Gusto ko na lang umuwi. Gusto ko na lang magtago. Hindi ako mapakali tuwing naririnig ko ang pangalan ko. Bumibilis lang ang tibok ng puso ko at nahihirapan akong huminga. Nakapatay rin ang phone ko dahil pati sa mga tawag at text ay kinakabahan din ako. 


Napaaayos ako ng upo nang may maglapag ng tinapay sa desk ko. Tinaasan ako ng kilay ni Jaedan nang magtama ang tingin namin.


"Kumain ka na muna," mahinahong sambit niya. "Kahit ito lang. Masama ang magpagutom." 


Umiling ako at binalik sa kaniya iyong tinapay pero nilusot niya 'yon sa bag ko. Ang sabi niya, kapag nagutom ako ay alam ko na kung saan ako kukuha ng pagkain. Wala na akong lakas para makipagtalo sa kaniya. 


Nilunod ko ang sarili ko sa gawain hanggang sa mag-out na ako sa trabaho. Nang mag-drive ako pauwi ng bahay ay nagulat ako dahil may mga taong nag-aabang sa labas. May mga camera at microphone silang hawak. Humigpit ang hawak ko sa manibela. Naisip ko kaagad ang mga kapatid ko. 


Nasaan sila? Nakauwi ba sila nang maayos? Anong gagawin ko? Hindi ako makababa mula sa sasakyan ko. Matagal lang akong nakahinto roon bago ako nag-drive paalis, hindi alam kung saan ako pupunta. 


Nag-iinit ang mukha ko habang nagmamaneho. Halos wala na akong makita nang magsimulang tumulo ang mga luha ko dahil sa takot at kaba. Hindi ko alam kung saan ako papunta pero nakita ko na lang ang sarili ko sa tapat ng isang pinto.


"Via?!" 


Nagulat si Luna nang isandal ko ang ulo ko sa balikat niya habang umiiyak. Agad niya akong niyakap at hinaplos ang buhok ko, nag-aalala ngunit hindi makapagtanong. Umiyak lang ako sa kaniya habang pinapakalma niya ako. 


"Shush... I'm here... Don't worry," paulit-ulit na bulong niya sa akin. 


Hindi ko alam kung gaano ako katagal umiiyak pero nang kumalma na ako, nakita ko na lang ang sarili ko sa may sofa habang kumukuha siya ng tubig. Nakayuko lang ako habang hinahabol ang hininga ko dahil nahihirapan ulit ako dahil sa bigat ng iyak ko. 


"Dito ka muna matulog," sabi niya sa akin at nilapag ang baso ng tubig sa harapan ko. "Gusto mo bang kausapin si Sam? Tumatawag siya kanina sa akin dahil hindi ka raw ma-contact..." 


Tumango na lang ako sa kaniya kaya kinuha niya ang laptop niya para makipag-video call. Umalis din siya saglit at pumunta sa kwarto niya dahil may tinatapos daw siyang trabaho. Bumungad na lang si Sam sa screen ko, alalang-alala ang mukha habang umiinom ako ng tubig. 


"Hey, goodness! I thought something happened to you already!" Halatang kabado siya at napahawak pa sa dibdib niya. "How are you, love?" Naging mahinahon na muli ang boses niya. 


Umiling ako at ngumiti nang tipid sa kaniya. "Hindi ko alam." No words could explain what I was feeling at that time. My emotions were all over the place. Fear was dominating everything. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon