7. Kay Mariang Karamot

Comincia dall'inizio
                                    

Inilabas ng matanda ang isang balaraw na nasa kahoy na sisidlan. May nakaukit ditong mga letrang baybayin na kaya namang basahin ng binata. Marilag.

Pamilyar sa kanya ang balaraw na iyon. Ito ay mula sa diyos ng araw na gantimpala noon sa isang mortal na mandirigma na nagpapasa-pasa na sa henerasyon. Ang talim nito ay walang katulad na maski ang apoy at kumukulong putik (lava) mula sa bulkan ay hindi ito masisira.

"Nako, hindi niyo po kailangang ibigay sa akin iyan. Isang karangalan po ngunit hindi naman talaga ako isang-"

Hindi na niya naituloy ang sasabihin sapagkat iniabot na ng matanda sa kanyang kamay ang balaraw.

"Tulungan mo ang dapithapon sa kanyang misyon."

Hindi man maintindihan, tumango lamang si Sagani.

--

Inaantok man ngunit hindi makatulog si Malayah. Ang ideyang patungo na sila sa kinaroroonan ng isang hiyas ay kumikiliti sa kanyang isipan. Ngunit kasabay nito ay ang pangamba kung makakaya ba niyang matalo ang makapangyarihang nilalang na nagbabantay rito.

Patungo sila ngayon sa look ng Subic sa Zambales. Tiningnan niya ang relo, alas nuwebe ng umaga. Sa unahan niya ay naroon si Lakan na nagmamaneho at si Sagani na tila natutulog sapagkat hindi niya naririnig ang maingay nitong bibig.

Kinuha niya ang kanyang bag sa tabi. Inilabas niya ang tubig na baon at ininom ito. Ngunit napatigil siya nang mapansin ang isang hindi pamilyar na libro sa loob ng bag. Naalala niya, mayroon siyang mga gamit na kinuha mula sa kwarto ng kanyang lola na isang dating babaylan sapagkat nagbabakasakali siya na mayroon siyang magamit dito.

Puno ng kuryosidad, kinuha niya ang libro at binuksan. Kunot-noo niyang binuklat ang bawat pahina. Nang mapagtanto kung ano ang nahanap na libro, kaagad niya itong isinara at itinago.

Sumandal siya sa bintana ng sasakyan at ipinikit ang mga mata upang matulog.

--

"Hindi niyo naman sinabing magbabakasyon pala tayo," usal ni Sagani nang makarating sila sa look ng Subic sa siyudad ng Olonggapo sa Zambales.

Magkatabi lamang ang Pampangga at Zambales kung kaya't dalawang oras lamang ay nakarating na ang tatlo sa kailangang puntahan.

Maraming mga tao sa Subic. Mga turista at mga naninirahan dito. Mainit ang panahon kung kaya't ang tunog ng hampas ng tubig mula sa look ay nakakahalina.

Umupa silang tatlo ng isang bahay-tuluyan malapit sa pampang.

"Kayong dalawa," usal ni Malayah dahilan upang mapatingin sa kanya ang dalawang kakapalit pa lamang ng damit. "Kumalap kayo ng impormasyon tungkol kay Mariang Karamot."

Napakamot si Sagani sa kanyang ulo. "Ano ba 'yan, balak sana naming maligo sa dagat."

"Mamaya na kayo maligo, ang aga aga pa eh."

"Ikaw? Anong gagawin mo?" Tanong naman ni Lakan.

"Matutulog."

Humiga na si Malayah at nagtakip ng kumot dahilan upang hindi na makaangal ang dalawa.

Naglakad-lakad sila sa pampang at doon ay nakilala nila ang isang binata na nagngangalang Igno. Siya ay sinilang at lumaki na rito sa Olonggapo kung kaya't siya ang napagtanungan ng dalawa.

"Si Mariang Karamot? Aba, bibihira lang ang mga turistang nagtatanong tungkol sa kwento na iyan."

"Pwede mo bang ikwento sa amin?" Tanong ni Lakan at tumango naman si Igno.

"Dati raw, may mag-asawang nakatira rito na nagngangalang Juan at Juana. Ang sabi-sabi, nahihirapan daw ang babae na magkaanak. Pero ilang taon ang nakalipas, nabuntis din si Juana. Ipinaglihi niya ang bata sa bangus. Hindi raw kasi natatapos ang araw na hindi kumakain si Juana ng putaheng may bangus. Pero isang araw, walang huling bangus si Juan at lubos na nalungkot si Juana. Sumunod na araw, wala pa rin. Pero hindi umuwi si Juan noon hangga't walang dalang paboritong isda ng asawa. Nangisda siya ulit at doon ay nakausap niya ang hari ng mga bangus-"

MalayahDove le storie prendono vita. Scoprilo ora