"Salamat sa pagpayag mo sa iyong mga kasama na tulungan kami."

Nilingon niya si Aling Rene na ngayon ay nakaupo na sa kaniyang tabi at inilapag sa lamesa sa kaniyang harap ang isang kape. Ngunit inilayo lamang ito ni Malayah sa kanya.

"Makasarili ka. Kaya mong isantabi ang ibang buhay para lamang sa sarili mo."

Napayuko si Rene. "Kung ako lang, hindi ko gagawin iyon. Ngunit nasa panganib din ang pamilya ko at gagawin ko ang lahat upang huwag silang masaktan."

"Kahit pa iba ang masaktan?"

"Ilang beses naming sinubukang patayin ang tiyanak ngunit hindi namin kaya. Si tatay ay matanda na. Kahit pa isa siyang tagapagtanggol, hindi na sumapat ang kanyang lakas. Nawalan na rin ako ng anak at ng asawa dahil sa halimaw. Ayokong mawalan pa muli ng mahal sa buhay."

Kahit papaano, naiintindihan ni Malayah si Rene. Ganoon din ang kanyang sitwasyon. Nasa panganib ang mahal sa buhay at gagawin ang lahat upang iligtas ito.

"Aling Rene!"

Kaagad na hinitak ni Malaya ang ginang palayo mula sa tiyanak na sumulpot mula sa likod nito.

"Diyos ko... diyos ko..." Hikbi nito.

Sinunggaban ng halimaw si Malayah dahilan upang mitumba siya. Maliliit lamang ang mga kamay nito at pilit pa rin itong inaalis ni Malayah mula sa pag-abot sa kaniyang mukha.

Ngunit napansin niyang hindi ang kaniyang mukha ang inaabot nito. Itinulak niya nang buong lakas ang halimaw dahilan upang tumilapon ito. Kaagad siyang bumangon. Dumating na rin ang iba dahil sa narinig na ingay sa kinaroroonan nila.

"Nandito ang tiyanak!" Hiyaw ni Aling Rene.

Ngunit nang puntahan nila kung saan bumagsak ang tiyanak, isang sanggol lamang ang nakita nila na umiiyak sa lapag.

"Iyan ang panlilinlang niya. Mag-aanyong sanggol siya dahil alam niyang hindi siya mapapatay sa ganyang anyo." Saad ni Jasper habang nakayakap sa kanyang ina.

Napairap si Malayah at kinuha mula sa kamay ni Sagani ang isang kampilan.

"Hoy, anong gagawin m-"

Umalingawngaw ang iyak ng sanggol habang pinagsasaksak ito ni Malayah habang nasa sahig pa rin. Tumigil lamang siya nang hindi na ito gumagalaw. Pinahid niya ang talsik ng dugo sa mukha at humarap sa mga kasama.

"Bakit ganyan kayo makatingin?"

Ni isa sa kanila ay hindi kayang patayin ang tiyanak sa sanggol nitong anyo. Ngunit tila wala lamang kay Malayah ang ginawa.

"Tiyanak ang pinatay ko kahit ano pang anyo niya."

Naglakad papalapit si Lakan. "Wala na ang tiyanak."

Kunot-noong nilingon ni Malayah ang tiyanak ngunit nagkalat na dugo na lamang ang nasa sahig. "Paanong-"

"Hindi mamamatay ang tiyanak hangga't hindi nasusunog ang balat-lampin niya." Napalingon ang lahat kay Tandang Nilo na naglalakad papalapit akay-akay ng kanyang tungkod.

"Ang tunay na balat ng tiyanak. Patuloy itong gagaling sa kahit ano mang sugat o pinsala hangga't hindi nasusunog ang lampin." Saad ni Sagani at tumango naman si Tandang Nilo.

"Kung gayon ay nasaan ang lampin?" Tanong naman ni Lakan.

Umiling si ALing Rene. "Matagal na namin itong hinahanap ngunit kahit anong hanap namin ay hindi talaga namin ito mahanap."

"Kung matagal na dito ang tiyanak, paniguradong nandito lang sa loob ng bahay ang lampin nito. Subukan nating hanapin."

Napatango ang lahat kay Sagani. Pumatak ng alas-dyis ang orasan. Nagsalo muna sa isang kwarto sina Esme, ang kanyang anak, si Jasper, at aling Rene upang makatulog. Si Alfredo naman ay binabantayan sila upang maprotektahan kung lilitaw man doon ang tiyanak. Si Tandang Nilo ay nagpumilit na tumulong sa paghahanap. Sinabihan naman ni Lakan si Malayah na sumama na muna kina Esme.

MalayahWhere stories live. Discover now