Theatro del Silencio

Magsimula sa umpisa
                                    

Huli na para umiwas. Rumagasa pabagsak sa amin ang malaking arkong ginamit para sa pagtatanghal ng mga manekin kanina lamang. Mayroon pang palabas bukas kaya hindi pa iyon iniaalis.

Kung kaninang natamaan ako ng baril sa tagiliran ay iniisip kong makakaligtas pa ako, ngayong may nakikita akong dos por dos na nakabaon sa aking sikmura… gusto ko nang sumuko.

Bata pa ako, oo. Binata. Edukado. Nakarating sa iba’t ibang bansa. Namuhay nang maalwan. Iniiyakan ng ilang kababaihang tinanggihan ko. Ngunit naisip kong kahit ano pa ang maganda sa buhay ko o pagkatao ko, ang katotohanan ay nag-iisa na lang ako. Wala na ang mga magulang ko. Wala akong mga kaibigan dahil karamihan sa mga kaedaran kong binata ay naiilang sa akin.

Nasulyapan ko ang malabong pigura ng aking tiyuhin. Napuruhan siya nang husto sa bumagsak na arko. At hindi na halos mawari ang hitsura ng kanyang katawan.

Kung ibinigay ko ba ang gusto niya, mangyayari ba ito sa amin? Sapat ba para sa halaga ng teatrong ito ang buhay ko?

Pero kung titingnan ko, tama na nangyari ito, at hindi ko pinagsisisihan na nagawa kong bawasan ang mga istupidong tao sa mundo. Natupad ang gusto ko na may gawing maganda bago ako mamatay.

Ipipikit ko na lang ang aking mga mata nang may masumpungan akong kung sino na nakatayo sa pinakamataas na bahagi ng sirang arko. Itim na itim ang kanyang suot at ang magulo niyang itim ring buhok ay bahagyang natatakpan ng suot niyang itim na sambalilo.

Itinaas niya ang isa niyang kamay sa ere, sa gawi ng aking tiyuhin. Hindi ako makapaniwala nang makita kong nagliwanag ang katawan ni Tiyo at para bang may tumatakas na mga makinang na pulbos mula doon. Naglandas ang makinang na pulbos sa kamay ng estrangherong binata. Pagkatapos ay hinalikan niyon ang palad.

Ganito na siguro ang mga malapit nang mamatay, kung anu-ano na lang ang nakikitang halusinasyon.

Naghanda na ang binata para umalis ngunit bigla siyang natigilan. “Ah!” Ang kanyang bulalas. Walang anu-ano’y bigla siyang lumingon sa direksyon ko. Ang unang tumatak sa akin ay ang mga mata niyang nagbabaga na kakulay ng aktibong lahar.

Bigla siyang lumundag at—

“Gusto ko ang iyong pangalan… Kyrie Eleison.” Sa isang iglap ay nasa harap ko na siya. Bahagya pa siyang yumukod para lang suriin ako.

Paano mo iyon nalaman? Nababasa ba mo kung ano ang iniisip ko?

“Hindi ako nakakabasa ng isip… Ngunit ang mga taong nalalapit na ang kamatayan ay malakas ang tibok ng puso. Puso ang nagdidikta ng emosyon at emosyon ang pinakamadaling hulaan. Sa ganoong paraan kita iniintindi ngayon.”

 

Isa ka bang espesyal na nilalang? O isang baliw? Ngunit hindi na ako magtatagal kaya paniniwalaan ko na lang ang lahat ng sinasabi mo.

 

“Isa akong negosyante, Kyrie Eleison. Iyon lang ang kaya mong intindihin mula sa akin.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 07, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PhaedoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon