Chapter 40: He's coming

Magsimula sa umpisa
                                    

"Alam mo dati, hangang hanga ako sa maturity mo. Sa ating apat, kahit si Charles ang pinakamatanda, ikaw naman 'yong pinaka-mature at taga-ayos ng mga problema." Napangiti na naman ako sa mga alaala namin dati. Yong mga kalokohan namin. "Ang maturity pala talaga wala sa edad."

"You just need to realize your priorities," nakangiti niyang sabi.

"Jeydon!" sigaw ni Sab. "Marky! Jeydon!"

Tumakbo agad ako papunta sa kwarto namin. Nakita ko si Candice na naupo sa sahig at may dugong umaagos sa paa niya. Bumilis agad ang tibok ng puso ko at hindi ko na maiwasan na mataranta.

"Jeydon, dalhin natin si Candice sa hospital!" sigaw ni Marky na kahit papaano nagpakalma sa 'kin.

Binuhat ko agad si Candice na halatang nakakaramdam ng matinding sakit. Nasasaktan ako sa nakikita ko, pero mas naisip ko ang pagdala sa kaniya sa hospital. Nauna sila Marky sa kotse at sumunod kami.

"Candice, nandito lang ako," sambit ko.

Hindi siya nagsasalita, pero nakakapit lang siya sa 'kin nang mahigpit. Naririnig ko ang ingay na dala ng sakit na nararamdaman niya. Hinawakan ko na lang ng mahigpit ang kamay niya. "Kahit anong mangyari, nandito lang ako sa tabi mo. Kaya mo 'yan."

Mabilis pero maingat na nag-drive si Marky papunta sa hospital. Wala pang bente minutos ay nasa hospital na kami. Tinakbo agad namin si Candice sa emergency room pero hindi ako umalis sa tabi niya.

"I-check n'yo kung ilang cm na 'yan," sabi ng doktor ni Candice. "Kapag 10 cm, ready na tayo."

Tiningnan si Candice ng nurse at sumenyas siya na ready nang manganak si Candice. Hinubaran siya at pinalitan ng damit. Sa kaba ko, tahimik lang din ako kagaya ni Candice, pero nakikita ko 'yong sakit na nararamdaman niya. Sobrang nag-aalala ako sa kaniya, sa nararamdaman niya ngayon. Ano kayang pakiramdam niya? Natatakot ba siya? Kung ano man 'yon, hindi ko binitawan ang kamay niya.

"Jeydon..." mahina niyang sambit. "'Wag mo akong iiwan . . . 'Wag mo akong bibitawan.."

"Oo, asawa ko, hindi kita iiwan. Nandito lang ako, kaya 'wag kang mag-alala," nakangiti kong sabi. Hindi ko pinakita sa kaniya 'yong kaba at takot na nararamdaman ko para hindi siya mahawa sa nararamdaman ko ngayon. "Kaya mo 'yan. Ikaw pa."

Napangiti ako no'ng makita ko siyang ngumiti sa 'kin. Kahit papaano naging kalmado ako.

"Okay, Candice, itaas mo ang tuhod at ilagay mo sa dalawang paa mo 'yong kamay mo. Doon ka kumapit para kumuha ng lakas. Kapag sinabi kong umire ka, ire ha," paalala ng doktor niya. Bumitaw siya sa 'kin pagkatapos humawak siya sa paa niya habang nakataas ang mga tuhod niya.

"Jeydon, dito ka lang, 'di ba?" nag-aalala niyang tanong. Tumango lang ako at hinawakan ko 'yong balikat niya.

"Okay eto na. Candice, ire!"

Umire si Candice, isang maingay na pag ire. Hindi ko inalis 'yong pagkakahawak sa balikat niya.

"Candice, 'wag mong lagyan ng ingay 'yong pag-ire mo!" sigaw ni doktora. "Isa pa!"

"Paano ako iire na walang ingay?" nanghihina niyang sabi. "Jeydon..."

"Kunin mo 'yong pwersa mo sa paa mo. Para ka lang dumudumi," sambit ko. "Kaya mo 'yan, asawa ko, isipin mo lalabas na ang anak natin."

Nakatatlo pang ire si Candice ng lumabas ang ulo ng anak namin. Nakuha naman agad ni Candice ang tamang pag-ire. Nahirapan siya pero kita mo ang pagkadeterminado niya para mailabas nang maayos ang anak namin. Pareho kaming nakahinga nang malalim no'ng marinig na namin ang iyak ng anak naming—si Dwayne.

"It's a boy!" masayang sigaw ng doktor.

Kinuha siya ng nurse habang iyak siya ng iyak. Hindi ko maiwasan na maiyak sa tuwa. Eto na 'yon. Dinala siya ng nurse sa gilid para linisin.

"Candice, lalabas na 'yong inunan mo. 'Wag kang iire, ha?" Hinawakan ko na ang kamay ni Candice. Nakikita ko sa mukha niya na gusto niyang umire pa pero binulungan ko siya para pigilan ang sarili niya. Pakiramdam ko mas nahirapan siya ngayon kaysa kanina. "Okay na. Magpahinga ka muna. Congratulations sa inyo," masayang sabi ni doktora.

Dinala si Candice sa gilid kung saan siya magpapahinga bago siya ilipat sa kwarto niya. Inilapit sa amin ng nurse ang anak namin habang pinapainom siya sa maliit na bote ng gatas.

"Ang gwapo po ang anak n'yo, ang tangos ng ilong at saka tisoy," sambit ng nurse.

Lumapit ako at dahan-dahan kong kinuha si Dwayne sa nurse. Matagal na akong nag-practice mag-buhat ng baby kada pumupunta si Ate Jaycee sa foundation na binuo niya para sa mga babies.

Ang haba ng pilikmata niya. Mamula-mula pa siya at ang puti niya. Kamukhang kamukha ko siya—siguro konti kay Candice.

"Hi Dwayne, manang-mana ka sa tatay mo. Ang gwapo mo rin katulad ni tatay," masaya kong sabi. Hindi pagsidlan ang saya ko ngayon. Kakaibang pakiramdam. "Eto si Mommy mo, o." Inilapit ko si Dwayne kay Candice.

"Hi Dwayne, anak," mahina pero masaya niyang sabi. "Napakapogi mo, manang-mana ka sa tatay mo."

Pinagmasdan ko lang silang dalawa. Abot tainga na 'yong ngiti ko. Nakaramdam ako ng fulfillment sa sarili ko. Ang asawa ko at ang anak ko sa tabi ko. Ang saya saya at sa wakas, tatay na ako.


The Bad Boy's Love (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon