KUNG MANGARAP KA NG MATAGAL

Magsimula sa umpisa
                                    

Narinig na ni Kwang meng ang lugar na iyon, pero wala siyang nabalitaan kundi napakabaho ng mga kanal doon. Tiyak na enterprising si Me-I dahil hindi man lang siya napigil ng mabahong amoy. Aywan niya kung totoo ang balita na noong araw, ipinagbibili roon ng mga magnanakaw ang mga nakulimbat nila, kaya kapag may isang napagnakawan, nagpupunta na ito sa Thives’ Market umagang-umaga kinabukasan upang mabawi ang ninakawa sa kanya. Siyempre pa’y binibili niya uli ito; ngunit sa mas murang halaga. Doon siguro nito nakuha ang pangalan.

Ilang nakapasong halaman na ferns at cacti rin ang nasa salas ni Boon Teik.

“Talagang dapat kong purihin ang panlasa mo. Parang kulungan ng baboy ang bahay namin kung ihahambing dito,” sabi ni Kwang Meng.

“Pero hindi iyon ang talagang lugar mo! Hintayin mong makapa-asawa ka’t magkaroon ng sarili mong flat. Natitiyak kong magagawa mo roon ang lahat ng gusto mong gawin. Parang kulungan din ng baboy ang bahay ng mga magulang ko, at tumira kami roon hanggang noong bagong ikasal ni Me-I. Noong nakatira pa ako roon, hindi ako gumgawa ng kahit ano liban sa mag-ayos ng kuwarto ko. Iba na ngayon. Bahay na namin ito.”

“Maganda talaga ang pagkakaayos mo,” bati ni Kwang Meng sa pangatlong pagkakataon.

“Sa palagay ko’y napakahalaga nito kung paano namumuhay ang isang tao. Ang isang bahay o tahanan gaya ng buhay, ay nababatay sa kung paano mo inaayos. Ganoon ang dapat maging pakiramdam natin para umayos pati ang sariling buhay natin. Nararamdaman kong hindi ganito ang ginagawa nating ngayong, lalo na tayong mamamayan ng postwar generation. Pasakay-sakay lang tayo, walng direksiyon. Sa eskuwela, ito ang pinipilit kong ituro sa aking mga estudyante. Mahalagang matutuhan nila ito.”

“Magiging isang mabuting teacher ka, Boon Teik.”

“Pinipilit ko. Lahat tayo’y dapat magpumilit. Anuman ang ginagawa natin, dapat natin itong pagbutihin.”

“Kahit walang kahulugan ang trabahong ginagawa mo?” tanong ni Kwang Meng.

“Walang bagay na talagang walang kahulugan,” pagpapalagay ni Boon Teik.

Napakalakas ng pagpapalagay na iyon kaya ibig tuloy maniwala ni Kwang Meng, bagaman hindi siya naniniwala. Pero sinabi niya iyon na parang kapani-paniwala, naisip ni Kwang Meng, tulad ng dapat gawin ng isang mabuting guro. Hindi naman talagang ang himig ng awtoridad ang nagdulot doon, kundi ang himig na nagsasaad ng katotohanan. Hinangad ni Kwang Meng na totoo na sana iyon.

Ngunit sa halip, sinabi niya, “Hindi ako lubos na naniniwala. May mga bagay at trabahong talagang walang kahulugan.” Iniisip niya noon ang sariling trabaho niya.

“Maaaring walang kahulugan iyon sa tingin, pero hindi naman talaga. Depende iyan sa paraan ng pagtanaw mo. Naniniwala akong dapat itong tanawin mula sa malawak na pananaw ng lipunan. Isang social animal ang tao, dapat muna nating tanggapin ito. Nakabilang siya sa isang lipunan, at para makakilos ang lipunan, kinakailangang magkaroon ng iba’t ibang uri ng gawain. Ngunit anumang kategorya o uri ng gawain, ang nagkakaakma silang lahat na parang isa-isang bahagi ng isang masalimuot na makinarya, gaya ng isang relos halimbawa. Sa gayon, makikita mong mahalaga ang kahit isang maliit na piraso, ang bawat bahagi ng kabuuan.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 08, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

KUNG MANGARAP KA NG MATAGALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon