Lahat naman ng tao nagbabago. Siguro nagbago na rin ang gusto niya matapos matikman ang sarap ng pag-aacting. Siguro natuwa na siya roon... At wala akong karapatan para diktahan siya kung ano ang maganda at masama para sa kaniya. Mahal ko lang siya... Mahal ko lang.


Wala man lang siyang sinabi sa pag-amin ko kanina dahil siguro iniisip niyang ang pagmamahal na 'yon ay bilang kaibigan lang dahil iyon naman dapat. Hanggang doon lang naman dapat... Kaya bakit ba nangyari 'to? Bakit kailangang magbago? 


"Gusto mo ba 'yang ginagawa mo?" Tanong ko ulit sa kaniya para makasigurado. Sabi ko nga... Hindi lang naman iisa ang daan para makapunta sa pangarap mo. Pwede siyang maglakad sa ibang daan... kahit palayo 'yon sa akin. 


Unti-unti siyang tumango at tumingin sa akin na puno ng pag-asa ang mga mata. Pag-asang papayag ako... Kahit hindi naman niya kailangang hingin ang permiso ko. Napangiti na lang ako nang tipid sa kaniya at tumayo para lumapit. 


Huminto ako sa tapat niya habang nakaupo siya kaya napatingala siya sa akin. Kusang napapikit ang mga mata niya nang tumama ang bangs niya roon dahil nilagay ko ang kamay ko sa ulo niya. Ginulo ko ang buhok niya at napangiti lalo nang makita ang reaksyon niya. Para siyang tuta kung umasta. 


"Okay," bulong ko. "Susuportahan kita sa lahat ng gusto mo... Iintindihin ko lahat ng desisyon mo. Lahat gagawin ko para hindi ka malayo sa 'kin kaya huwag mong i-layo ang loob mo sa akin, Kino... Pagkatiwalaan mo rin ako." 


Tumango siya at bigla akong niyakap sa bewang. Sinandal niya ang ulo niya sa may bandang tiyan ko at hinaplos ko naman ang buhok niya habang nakayakap siya sa akin. Naramdaman kong naiiyak na naman siya kaya tinapik-tapik ko ang balikat niya. 


"I'm sorry," bulong niya ulit. 


Doon ako natulog noong gabing 'yon dahil wala naman na akong masasakyan pauwi kaya pinaalam ko na lang kay Papa. Sa kama ako natulog at sa sofa naman si Arkin. Sabi ko okay lang sa akin pero ayaw niya akong tabihan kaya hinayaan ko na lang siya roon. Pakiramdam ko ay guilty pa rin siya kaya lumalayo siya. Baka kailangan niyang mag-reflect sa mga pinaggagagawa niya. 


Naging maayos naman kami ni Arkin pagkatapos noon at gaya ng sabi niya, palagi na niyang sinasabi lahat sa akin. Iyon nga lang... Literal na lahat ay sinasabi niya. Kahit pagkain niya, pagligo niya, bagong projects niya, pati lahat ng name-meet niya sa set ay sinasabi pa niya! Napakarami niyang oras para mag-text! Punong puno na ang inbox ko! Pagkatapos ng klase ay puro messages niya lang ang naroon! 


"May lisensya na 'ko!" Proud na sabi ni Arkin sa akin pagkapasok niya ng kwarto ko. Himala at wala siyang schedule ngayon. "Makukuha ko na 'yong regalong sasakyan ni Papa sa 'kin! Kaso ang kuripot at kailangan ko pa siyang hatian!" 


"Anong sasakyan?" Tanong ko sa kaniya habang gumagawa ako ng plates. 


"Porsche. Pangarap ko!" Tuwang tuwang sabi niya. "Drinive ko 'yon papunta rito!" Binagsak niya ang sarili niya sa kama ko at sinipa-sipa pa sa tuwa ang paa sa ere. Parang bata talaga. 


"Pagda-drive mo 'ko?" Tanong ko habang abala pa rin sa pag-sketch. Nakaupo lang ako sa tapat ng desk kong makalat dahil kanina pa ako bura nang bura. 

Golden Scenery of Tomorrow (University Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon